“Lucky Charm”

Photo Credit: rgs.usu.edu
Photo Credit: rgs.usu.edu
Photo Credit: rgs.usu.edu

Masayang-masaya si Nancy nang hapong iyon. Positive ang resulta ng pregnancy test niya. Tatlong taon na silang kasal ni Jaime at ngayon ay natupad na ang kanilang pangarap na magka-anak. Nang dumating si Jaime galing sa trabaho ay ibinalita niya ito kaagad.
“Talaga! magiging tatay na ako, yes” walang pagsidlan ang kaligayahan ni Jaime.

Mahirap ang maglihi, nariyang nagsusuka at nahihilo si Nancy. Minsan ay talagang hindi siya makakain dahil inilalabas niyang lahat ang pagkain. Kakaiba ang kaniyang hilo, kahit na nakahiga siya ay sa pakiwari niya ay umiinog ang kaniyang mundo.

Unang tatlong buwan ng kaniyang pagbubuntis, napakabilis niyang magdamdam. May mga pagkain na gusto niyang kainin subalit ito’y wala sa kapanahunan. Gayunpaman ay tiniis niyang lahat iyon, dahil mahal niya ang batang nasa sinapupunan. Nanaliksik na rin siya kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin ng isang buntis at sinunod niyang lahat.Si Jaime naman ay suportado at laging nakaalalay sa asawa.

Nag-anim na buwan si Nancy sa kaniyang pagbubuntis, laging masakit ang kaniyang tiyan; marahil sa kabag. Laging parang naninigas ang kaniyang tiyan. Pero pinangako niya sa kaniyan g sarili na babathin ang lahat alang-alang sa dinadala.

Sa wakas ay natapos ang siyam na buwan. Naramdaman niya ang sakit ng kaniyang tiyan at siya ay isinugod sa ospital. Halos natawag niya ang lahat ng Santo sa hirap ng panganganak.

“Sige! ire, ire pa” utos sa kaniya ng Midwife.

Tumagal nang halos dalawang oras ang kaniyang paghihirap, subalit parang nawalang lahat iyon ng marinig niya ang uha ng kaniyang anak.

Sabik na sabik siya at bahagyang may kaba. Subalit parang nakita niya na natigilan ang midwife.

“ Ano pong anak ko? Babae po ba o lalaki? Kumpleto po ba ang kaniyang mga daliri sa kamay? Sunod-sunod niyang tanong.

Bahagyang ipinakita sa kaniya ang bata, nakita niya na may pinong buhok ito. Natigib ng saya ang kaniyang puso. Pamaya-maya ay naramdaman niya na sumakit ng matindi ang kaniyang tiyan. Lumabas daw ang inunan ng bata.

Pamaya-maya ay ibinigay na sa kaniya ang kaniyang anak. Subalit nagsalita ang midwife.

“Misis, huwag po kayong mabibigla…”

Napatingin siya sa kaniyang anak at nabigla siya. Ang bata na kaytagal hinintay, ang anak na dinala sa sinapupunan ng siyam na buwan ay may kapansanan. Wala itong mga daliri sa kaliwang kamay at putol ang isang paa nito. Napahiyaw siya ng panangis. Naramdaman niya na niyakap siya ng asawa, sinabi na pala ng nurse kay Jaime ang kalagayan ng sanggol.

Parang pinagsukluban ng langit at lupa si Nancy. Paulit-ulit niyang itinatanong sa isip kung ano ang kaniyang nagawa. Hindi naman siya nagsigarilyo. Hindi naman uminom at kumain ng mga bawal. Hindi rin siya nag-droga o uminom ng mga gamot na sa tingin niya ay makasasama sa ipinagbubuntis. Pero bakit? Mga tanong na hindi mabigyan ng kasagutan.

Makalipas ang tatlong araw ay umuwi na sila sa kanilang bahay. Halos ayaw niyang tumanggap ng bisita. Subalit may mga dumalaw pa rin, ang kaniyang mga kaibigan at mga kapatid pati na rin mga kapit-bahay. Masakit sa kaniya na nagtatanong ang mga ito kung bakit. Naririndi na ang kaniyang isip dahil hindi rin niya alam ang sagot. Gusto niyang sisihin ang lumikha kung bakit ang anak pa niya.

Hanggang sa huli ay natanggap rin niya. Talaga palang acceptance lamang ang kailangan, after all anak pa rin niya at mahal niya ang bata.  Pinangalanan nila ang bata na Gideon. Ano man siya o sino man siya ay tanggap na nilang mag-asawa. Hindi man siya perpekto ay siya pa rin ang bigay ng Maykapal  sa kanila.

Pinagkalooban pa sila ng Maykapal ng tatlo pang anak na pawang normal naman. Gumanda rin ang kanilang kabuhayan. Nagkaroon sila ng negosyo at ngayon ay namumuhay sa isang eksklusibong subdivision sa Dasmarinas, Cavite. Nagpatuloy na gumanda ang kanilang buhay. Ang tawag nga nila kay Gideon ay ang kanilang Lucky Charm. Dahil ang kanilang paniwala, si Gideon ang nagbigay suwerte sa kanilang pamilya at siya ang dahilan ng kanilang magandang buhay.

Loading...

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!