Lorie, Because of You (Part 5)

(Photo Credit: realmacktalk.blogspot)
(Photo Credit:    realmacktalk.blogspot)
(Photo Credit: realmacktalk.blogspot)

LUMIPAS ang dalawang summer at dalawang winter sa Gitnang Silangan.

Heto na si Lorie, nasa harapan ng mag-asawang amo at ng umiiyak na si Amirah. Napamahal na sa alaga kaya ito ang unang nalungkot nang magpaalam na siyang umuwi. Hinubad ni Amirah ang suot na kuwintas, inilagay sa palad ni Lorie. Yumakap sa kanya bago umiiyak na tumakbo palayo.

Hindi rin napigilan ni Lorie ang mapaiyak. Sa loob ng apat na taon, itinuring niya itong kaanak. Kay Amirah niya nakikita ang mga nakababatang kapatid. Masakit din sa kanyang kalooban ang iwan ito, pero tapos na ang kanyang kontrata. Binigyan siya ng mag-asawang amo ng hadiya bilang pabuya sa kanyang paglilingkod bago ipinahatid sa airport.

Hindi maipaliwanag ang kasiyahang nadarama ni Lorie nang makauwi sa pamilya. Marami ding nagbago sa loob ng apat na taon. Mayroon na silang 14’inches na colored tv, samantalang nang umalis siya’y nakikipanood lang ang mga kapatid sa kapitbahay.

Nakabili na rin ng 5’ft tall na ref, may maliit na tindahan na binabantayan ng kanilang lola Azon. Pagpasok niya sa isang kwarto, wala na ang dating patung-patong na mga kahon ng San Miguel na lagayan ng damit. Napalitan na ito ng dalawang malaking aparador. Ang kuya Rodel niya at si Noel ay tig-isa na nang pamasadang tricycle. Ang nakakadismaya lang ay si Sally, nag-asawa na rin ito pagkatapos ng high school.

“Anak, naitabi ko ang ibang padala mo. Anumang oras na gusto mong gamitin, kukuhanin ko sa bangko,” anang kanyang ina. “Bawat padala mo ay inilalagay namin sa maganda. Nagbaboundary sa akin ang kuya Rodel mo, ang kay Noel naman sulit lahat ng kita.

“Ipagawa n’yo na lang po ang bahay,” sagot ni Lorie.

“Anak, pinaghirapan mo ‘yon. Para ‘yon sa iyo.”

“Sa inyo na lang po iyon, babalik ako sa palengke habang hinihintay ko ang pagkuha sa akin ni Tiya Belen.”

“Anak, ‘wag ka na ulit umalis. Mabubuhay na tayo nang maayos dito.”

“Hayaan n’yo, Nanay, pag-iisipan ko po.”

“Mag-asawa ka rin, para hindi ka na makaisip mag-abroad,” biro ng nanay niya, muli na naman niyang naramdaman ang kalungkutan. “Anak, mahal mo pa rin si Allen?”

“Opo, Nanay, hindi ko po siya nakalimutan kahit minsan. Umaasa pa rin po ako,” matapat na sagot ni Lorie sa ina.

“Hindi masama ang umasa, pero natatakot akong lalo kang masaktan. Sabagay bata ka pa, Lorie, kung talagang kayo ang nakatakda para sa isa’t-isa kahit saan kayo makarating, gaano man karami ang makilala ninyo ay kayo pa rin sa bandang huli. Mabait kang anak Lorie, at ang Diyos ang bahalang magbigay nang gantimpala sa’yo.”

“Salamat po, Nanay.” Napayakap siya sa ina. Kinabukasan agad siyang nagtungo sa palengke bitbit ang konting pasalubong sa mga dating kasamahan.

“Wow, ikaw ba yan Lorie? Grabe lalo kang gumanda. Hiyang ka pala sa disyerto.” salubong kaagad ni Abby.

“Kumusta na kayo dito?”

“Ito, amoy isda pa rin.” Nagtawanan silang lahat.

“Magtitinda ulit ako, namiss ko ito eh.”

“Naku, ‘wag na, hindi na bagay ang beauty mo sa isdaan.”

“Oo nga naman, Lorie, saka baka mawalan kami ng costumer, lalo na kapag gwapo. Syempre sa’yo pupunta dahil maganda ang tindera.” biro pa sa kanya ng iba.

“Lorie, bakit hindi ka nag-uwi ng arabo?”

“Bawal kami makipag-usap sa arabo, saka pinoy pa rin ang gusto ko.”

“Sabihin mo, si Allen pa rin ang mahal mo.” pambibisto ni Abby. Natahimik si Lorie, totoo naman ang sinabi ng kanyang kaibigan.

“Kung gusto mong makibalita, kay Ate Tina ka magtanong kasi nagtatanong din siya sa akin tungkol sa’yo. Malay natin, sinasabi niya kay Allen ‘yong mga kwento ko sa kanya. Kasi noong umalis ka hindi na pumupunta dito ‘yong nobyo mo. Isinumpa na yata ang palengke mula nang umalis ka, at pinakamasaklap pati ako hindi pinapansin kahit magkasalubong kami.”

“Malaki talaga ang galit sa akin pati ikaw idinamay.”

“Nakow, patay sa akin ang Allen na yan pag nagkabalikan kayo. Siya naman ang hindi ko papansinin.” biro ni Abby.

Napangiti na lang si Lorie. “Sana nga magkabalikan kami.”

DUMALAW rin si Lorie kay Sally, hindi sumalubong sa kanya ang kapatid. Nahihiya raw itong magpakita dahil sa pagbigo nito pangarap niyang makatapos ng pag-aaral. Halos manlumo siya sa nadatnang kamiserablehan ng buhay nito. Gabundok ang kaharap na labada para lang kumita at may maipambili ng pagkain. Lasenggo at sugalero ang asawa ni Sally. Isa itong pahinante, ang maliit na kita ay inuubos sa alak at sugalan. Sinasaktan daw nito ang kapatid pag nagtatanong ng kita kaya napilitan itong kumayod kahit anim na buwan pa lang nakakapanganak.

“Hayan, akala mo mauubusan ka ng lalaki. Pinapag-aral ka pero asawa ang pinili mo.” Hindi niya mapigilang magsermon, awang-awa siya sa kalagayan nito, lalo na sa dalawang batang malnourise. Mukhang hindi man lang nakakatikim ng vitamins at masustansyang pagkain.

“Ate, patawarin mo ako.” umiiyak na pagsusumamo sa kanya.

“Naku, Sally, kahit patayin kita sa galit wala nang mangyayari. Pati mga bata nagdudusa, kahit anong hirap natin noon hindi naman tayo pinababayaan nina Tatay. Tingnan mo nga ang hitsura mo, nakikilala mo pa ba ang sarili mo? Aba, Sally, isang bulate na lang yata ang hindi nakakapirma, kabaong na sasalo sa buto’t-balat mong katawan.” patuloy pa rin ang daldal niya.

Bigla dumating ang kanyang lasing na bayaw. “Aba, andito pala ang hipag kong balik-bayan.” anito na pasuray-suray sa paglalakad. Nakatingin lang si Lorie. “Sally, anong pagkain?” tanong nito.

Napatingin naman sa kanya ang kapatid bago sumagot sa asawa. “Ano, kuwan, noodles lang, natira lang ng mga bata.”

“Punyeta naman oo, bakit hindi ka nagluto.” Bulyaw nito. Muli silang nagkatinginang magkapatid. Tinanguan niya si Sally, naging hudyat iyon para lumakas ang loob nitong sumagot.

“Anong iluluto ko? Nagbigay ka ba ng pera na pambili ng pagkain?”

“Eh, bakit hindi ka humingi sa ate mo? mapera naman iyan.” Nagulat silang magkapatid sa sagot nito, ang kapal din naman ng mukha.

“Bakit? Dapat ba si Ate ang magbibigay? Hindi ba obligasyon mo na buhayin kami?” sagot ni Sally. Para itong bulkan na sumabog, sinumbatan ang asawa. Nagsimulang magsagutan ang dalawa. Dinampot ni Lorie ang dalawang bata.

“Sally, sumunod ka na lang sa atin pag-ayos na kayo.” aniya bago nagmamadaling lumayo. Napabuntong hininga na lang siya nang makasakay sa tricycle.

SI Tina naman ang sumunod niyang pinuntahan. “Hay naku, Lorie, muntik nang nabaliw ‘yang si Allen ng iniwan mo.”

“Grabe ka naman, Ate Tina, hindi naman siguro.”

“He he he, biro lang. Pero sa totoo lang, akala namin hindi siya makakagraduate, kasi minsan lang pumasok tapos laging lasing. Nagwawala kapag umuuwi ng bahay, kahit anong madampot ibinabato.”

“Ha? Eh, hindi naman nag iinom si Allen ah.”

“Iyon na nga eh, natuto siyang mag-inom tapos nitong huli laging kasama ng mga adik sa kabilang kanto, alam namin tumitira din siya kasi iba ‘yong kilos ni Allen kung tumingin lampasan kaya kahit ako natatakot.

“Diyos ko, bakit naman siya ganoon?” papalatak niyang tanong.

“Mahal na mahal ka kasi ng pinsan ko, pakiramdam niya katapusan na ng mundo nang umalis ka. Mabuti na lang nakinig sa kanyang ama, kaya ayun nakagraduate kahit pasang-awa. Naging maloko si Allen, kaliwa kanan ang girlfriend, minsan nagpapang-abot sa bahay nila ayon sabunutan. Pero bago umalis alam ko walang naiwang nobya, tahimik lang siya pag nagkukwento ako tungkol sa’yo siguro interesado ring makibalita kasi kung ayaw niya sasawayin ako sa pagdaldal.” kwento sa kanya.

“Kelan siya uuwi?”

Napangiti si Tina sa tanong niya. “Akala ko hindi mo itatanong eh, next week andito na iyon.” Napamulagat si Lorie, bigla lukso ng kanyang puso. Hindi pala niya kailangang maghintay nang matagal. Nasasabik na siya sa muli nilang pagkikita. Sana mahal pa rin siya ni Allen, para madugtungan ang naputol nilang pagmamahalan.

 (Itutuloy)

About divinevillanueva