Lorie, Because of You (Part 4)

(Photo Credit: realmacktalk.blogspot)
(Photo Credit:    realmacktalk.blogspot)
(Photo Credit: realmacktalk.blogspot)

IKA-APAT ng hapon, oras sa Gitnang Silangan nang bumaba ang eroplanong sinasakyan ni Lorie sa airport ng Kuwait. Takot na takot ang dalaga, nauna nang umalis ang kanyang tiya Belen, sinabi lang nito na sasama sa pagsundo. Nakisama siya sa daloy ng mga pasaherong bumababa.

“Kabayan, dito ang pila natin.” tawag ng isang kapwa pinay. Sumunod naman siya dito.

“First time?”

“Opo.” nahihiya niyang sagot.

“Ang bata mo pa, Ineng, maging matatag ka sana, kayanin mo ang homesick. Kapag nalulungkot ka isipin mo dinar ang kapalit ng iyong paglayo. ‘Wag kang makalimot sa Itaas, sa bansang ito Diyos lang ang ating kakampi.” payo nito.

“Salamat po.” sagot niya.

Hinintay siya ng babae hanggang sa makalabas. “Dito ka na lang maghintay, madali kang makikita ng kung sino mang susundo sa’yo. Mag iingat ka, mauna na ako, nariyan na ang sundo ko.” Pamamaalam sa kanya.

Nang mapag-isa, muli na naman siyang nakaramdam nang takot. Habang nakaupo pinagmamasdan niya ang paroon at paritong mga arabo. Kinikilabutan siya, hindi siya sanay makakita nang mahahabang balbas at bigote sa mga lalaki sa Pilipinas. Saka mga babaing mata lang ang kita.

“Tiya Belen, asan ka na? Bakit ang tagal mo?” bulong ni Lorie. Ilang sandali pa natanaw na ang tiyahin na kumakaway sa kanya. Saka pa lang nakahinga nang maluwag.

“Kumusta ang biyahe mo? Hindi ka ba nahilo?” tanong ng tiyahin habang nasa biyahe.

“Naku, Tiya, muntik na akong magsuka noong papalipad pa lang pero nang magtagal okey na. Ganon pala ‘yon parang ‘di gumagalaw habang nasa ere.” Inosente niyang kwento. Tinawanan lang siya ng kanyang tiya.

“Oo, ganon nga. May maikukwento ka na sa mga kapatid mo.”

Biglang nagsalita ang driver, nag-usap ng tiya niya sa wikang arabic. “Ano daw ho?”

“Maganda ka raw, sabi ko anak kita. Ingat sa mga lalaki dito ha. Kahit sa bahay ng ating amo. Walang patawad ang mga arabong iyan, wala silang galang sa babaeng Pilipina. Huwag kang makikipag-usap sa kanila.” babala sa kanya.

Namangha si Lorie sa mala-palasyong tahanan ng kanilang amo. Dinala siya ng tiyahin para ipakilala sa mga kasamahan. Apat silang Pinay, isang Indonesian na kaniyang papalitan. Ang driver na Sudanese, at ang hardinero na pinoy na si Mang Julio. Pinakain at pinagpahinga muna siya ng tiyahin, bukas pa raw makakaharap ang kanilang amo. Dahil sa pagod kaagad siyang nakatulog.

Kinabukasan maaga siyang ginising. “Dalian mo, kainin mo muna itong sandwich. Tanghali na ang breakfast dito baka gutumin ka. Tapos ito ang isusuot mo, sabay abot ng abaya.”

“Eh, Tiyang hindi naman po ako Muslimah, bakit ako magsusuot niyan?”

“Nakupo, batang ito ah, hindi ka pwede lumabas na ganyan ang suot mo.” Natatawa ito sa kaignorantihan ng pamangkin. “Saka iyang buhok mo hindi mo pwedeng iladlad. Hala dalian mo, marami tayong gagawin.” utos nito sa kanya bago lumabas ng kwarter. Isinuot niya ang kanyang abaya, subalit hindi pa rin siya makalabas. Hindi niya alam kung paano ang tamang pagtatakip sa buhok. Pasilip-silip sa pinto nang dumaan si Mang Julio.

“Manong, pakisuyo naman po kay Tiya Belen.”

“Nasa taas siya, bakit ba?”

“Ang buhok ko po, nakalabas pa.”

“Punta ka na lang sa kusina magpatulong ka doon. Tulog pa naman mga amo natin.”

Pagdating ng kusina, inayos ni Nilda ang buhok niya habang tumatawa. “Ganyan din kami noong una, masasanay ka rin.” anito sa kanya.

“Anong gagawin ko?” tanong niya.

“Umupo ka muna dyan. Wag kang masyadong excited. Tulog pa ang alaga mo.” tugon ni Nilda.

“Mabait ba yong bata?”

“Oo, wag kang mag alala. Makakasundo mo si Amirah. Painumin mo nang pinaghugasan mo para lalong umamo.”

“Ha? ano yon?” Nakakunot-noo niyang tanong. Bumulong ito sa kanya kaya sila nagkatawanan.

“TIYA, bakit ganito ang pagkain? Wala bang kanin?” bulong ni Lorie sa tiyahin nang nasa harap ng hapag para mag-almusal.

“Ito ang pagkain nila, kailangan mong mag-aral kumain nito. Pero mamaya magluluto tayo ng kanin sa tanghalian. Nakatingin lang si Lorie sa pagkain, tinapay at cheese lang ang kanyang kinuha. Namiss niyang bigla ang tuyo at sinangag na almusal niya sa Pilipinas.

Hirap na hirap siya sa pa-aadjust sa pagkain, pananamit, pakikisama at sa klima. Mabuti na lang at mabait ang kanilang amo at ang batang alaga niya. Gayun na lang ang kanyang kasiyahan tuwing makakatanggap ng liham mula sa pamilya at kay Abby. Ilang beses siyang sumulat kay Allen subalit hindi man lang nito sinagot kahit isa sa kanyang sulat maging ang card na ipinadala noong birthday ng nobyo. Sa mga gabing inaatake nang kalungkutan, hindi niya mapigilan ang pagdaloy ng kanyang luha.

“Lorie, tama na yan, kanina ka pa umiiyak,” saway ni Lea.

“Namimiss ko na siya, sabi niya mahal niya ako pero bakit hindi niya ako maunawaan, bakit niya natitiis hindi man lang ako sulatan?” Para siyang bata na nagsusumbong dito. Sa mga kasama nila kay Lea siya palagay ang kalooban maliban sa kanyang tiya. Bata pa rin kasi ito kaya magkasundo sila sa maraming bagay.

“Alam mo, Lorie, kung talagang mahal ka niya susuportahan niya ang mga pangarap mo. Makasarili siya, ‘wag mong pahirapan ang sarili mo sa kakaisip sa kanya. Bata ka pa, marami ka pang makikilala na higit kay Allen. Sa ngayon, isipin mo ang kapakanan ng pamilya mo. Baka ikaw lang ang nagmumukmok dito tapos siya nagpapakasaya.” payo sa kanya ni Lea.

“Mahal na mahal ko si Allen, ang dami na naming pinagsamahan, marami na kaming binuong pangarap.”

“Iyon na nga eh, baka ikaw lang ang nagpapahalaga sa pinagdaanan ninyo. Gumagawa ka na nga paraan para kayo magkaayos, pero anong ginagawa niya? wala, patuloy pa rin sa pagmamatigas. Kalimutan mo na siya. Hindi dapat pinag-aaksayahan ng luha ang ganyang lalaki.”

Tumigil na si Lorie sa pagsagot, alam niyang malaki ang galit nito sa mga lalaki simula ng mag-asawa ang nobyo nitong iniwan sa bansa. Kahit hindi maganda ang kanilang paghihiwalay ni Allen umaasa pa rin siya na muli silang magkakasundo ng nobyo. Ayon kay Abby, wala naman daw napapabalitang bagong nililigawan si Allen mula ng siya ay umalis. Nag-aapply din daw ang binata sa ibang bansa.

“Lorie, uuwi na ako, gusto mo bang sumama o magrerenew ka pa.” tanong ng kanyang tiya.

“Babalik pa po ba kayo?”

“Baka hindi na, hihintayin ko na lang ang pinangakong tulong ng mga hipag ko. Kung papalarin, baka makasunod ako sa Italy.”

“Talaga po!  Tiya, kapag naroon na kayo, tulungan n’yo ulit ako.”

“Hayaan mo, Lorie, una’y Diyos oras na makarating ako doon hindi kita kakalimutan. Kaya ipagdasal mo na makaalis ako.”

“Aba, opo Tiya, aasahan ko po iyan. Mag-iingat po kayo.”

“Ikaw ang mag ingat dito, lalo na d’yan sa mga arabo.”

NAGRENEW pa nang dalawang taon si Lorie, samantalang umuwi na nga ang kanyang Tiya Belen. Nabalitaan niya kay Abby na nakaalis na si Allen papuntang Saudi. Pinakiusapan niya ang kaibigan na kuhanin ang address ng binata kay Tina. Kaagad niya itong sinulatan, ngunit katulad ng sulat niya noon, wala rin siyang natanggap ni isa man na sagot.

Tuluyan nang naglaho ang kanyang pag-asa na magkakabalikan pa sila ni Allen. Kailangan na niyang tanggaping wala na sila. Nagsimula na siyang makipagpalitan ng liham sa kapatid ni Lea. Iyon ang kanyang naging libangan, ang makipagpenpal, subalit nang nagpapahiwatig na ito nang panliligaw hindi na siya sumagot. Paminsan-minsan nagtatanong pa rin siya kay Abby tungkol sa binata, nagbabasakali pa rin. Hindi naman siguro masama ang umasa dahil ang totoo wala pa ring nagbabago sa nararamdaman niya. Mahal na mahal pa rin niya si Allen sa kabila ng lahat.

About divinevillanueva

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!