Lorie, Because of You (Part 3)

(Photo Credit: realmacktalk.blogspot)
(Photo Credit:    realmacktalk.blogspot)
(Photo Credit: realmacktalk.blogspot)

MABILIS na lumipas ang dalawang taon. Sanay na si Lorie sa buhay palengke, maaga siyang gumigising para magtinda. Siya ang nagsusuporta sa pag-aaral ni Sally sa high school. Ito ang pang-lima sa kanila at kauna-unahang nakatungtong ng high school sa kanilang magkakapatid. Si Noel, na sumunod kay Lorie ay nagdispatcher/konduktor na lang pagkatapos ng grade six.

Magtatapos naman ng kursong Komersyo si Allen, unti-unting nakakaramdam nang panliliit si Lorie. Alam niyang mahal siya ng nobyo pero hindi niya maiwasan ikumpara ang sarili sa mga babaeng nakakasalamuha nito.

“Lorie, kapag nagkatrabaho ako tapos 18 ka na magpapakasal na tayo.” anito sa kanya.

“Allen, hindi tayo bagay.” nakatungo niyang tugon.

“Ano bang sinasabi mo?”

“Mas gusto ko yata iyong dating ikaw, iyong boy na nakilala ko noon.”

“Mahal mo ba ako, Lorie?”

“Oo, kaya lang……”

“Eh, mahal mo pala ako, anong problema mo?”

“Allen, hindi mo naiintindihan eh, wala ka sa kalagayan ko kaya hindi mo nararamdaman kung anong pakiramdam ko ngayon. Hindi ako bagay sa’yo, edukado ka samantalang ako grade six lang ang natapos, tindera ng isda, anak ng maglulugaw at magtitinda ng pandesal at balot. Paano mo ako ipapakilala sa mga kaibigan at katrabaho? Lalo lang akong lalaitin ng nanay mo.” sigaw niya sa nobyo.

“Iyan ang hirap sa’yo, wala kang tiwala sa akin at ikaw mismo ang humahamak sa sarili mo. Kahit wala kang pinag-aralan basta marunong kang magpahalaga sa sarili mo at sa iyong kapwa daig mo ang edukadong tao na hindi gumagamit ng pinag-aralan pagdating sa kagandahang asal. Iyon ang mahalaga Lorie, marunong kang makipagkapwa. At ‘wag mo akong pangunahan, wala akong pakialam sa sasabihin ng iba.”

“Im sorry.”

Agad naman siyang niyakap ni Allen. “Tahan na, sorry din nasigawan kita. Ikaw naman kasi, akala ko nagkakaintindihan na tayo.” pag-alo nito sa kanya habang pinapahid ang luha sa pisngi.

BINYAG ng kanilang bunsong kapatid, dumating ang kapatid ng kanilang ina na si Tiya Belen galing Kuwait.

“Hesusmaryusep, Ate Martha, anong dami ng anak mo? Napapag-aral mo ba nang sabay-sabay ang mga iyan?” tanong nito. Malungkot na nagkwento ang nanay nila nang kalagayan nila sa buhay. Napabuntong-hininga lang ang kanilang tiyahin, maya-maya tinawag si Lorie.

“Gusto mo bang magtrabaho sa abroad?” Nanlaki ang mata ni Lorie sa tanong sa kanya.

“Opo, Tiya, kaya lang bata pa po ako.”

“Madali lang ‘yan, malaking babae ka hindi halata na bata ka pa. Gagawan natin nang paraan.” Halos magtatalon si Lorie sa tuwa.

Year 1980’s hindi pa gaanong mahigpit ang DFA sa pagkuha ng passport. Hindi pa required ang authenticated birth certificate kaya madali siyang nakakuha ng mga requirement.

Sa tulong nang mabait na amo ng kanyang tiya Belen, makapupunta at makakapagtrabaho siya sa Kuwait. Nagsimula siyang mangarap para sa kinabukasan ng mga kapatid.

“Talaga, Lorie, mabuti ka pa makakaalis na sa malansyang lugar na ito at makakasakay ng eroplano.”

“Ikaw naman, mabuti ka nga sarili n’yo na ‘yang pwesto, pagbalik ko kukuha rin ako ng sarili kong stall para magkasama pa rin tayo.”

“Alam na ba ni Allen na aalis ka?” tanong ni Abby.

“Hindi pa, hindi pa kasi kami nagkikita. Pero magpapaalam ako sa kanya.”

“Baka hindi siya pumayag.” may pag-aalala sa boses ni Abby.

“Alam ko, pero buo na ang pasya ko. Para sa pamilya ko ang gagawin ko, kung hindi siya pumayag at hindi niya ako mahintay tatanggapin ko na lang kahit masakit. Gusto kong makaahon sa hirap, at ito ang nakita kong paraan. Kasama ko naman si Tiya Belen kaya hindi ako masyadong malulungkot.”

“Basta mag-iingat ka doon, susulatan mo ako ha.”

“Oo naman, kaya dapat sagutin mo lagi para may mabasa naman ako kapag ako’y nalulungkot.

“Hayaan mo, Lorie, isasama ko sa kupit ko kay Nanay ang panghulog ko sa sulat.” Nagkatawanan silang magkaibigan bago malungkot na naghiwalay.

“ANO! Lorie, hindi pwede hindi ako papayag.” Halos sigawan siya ni Allen nang sabihin niya ang nalalapit niyang pag alis.

“Allen, unawain mo naman ako. Para sa pamilya ko kaya ako lalayo.”

“Pero paano ako, Lorie? Pwede naman kitang tulungan sa pagtulong mo sa kanila. Kahit mag-asawa na tayo, okey lang na magtrabaho ka para sa kanila.”

“Pero, Allen, ayokong pati ikaw ay madamay sa kahirapan ko. Gusto ko kapag kasal na tayo, ‘yong pamilya na lang na bubuuin natin ang iintindihin ko.”

“Hindi kita pipilitin na makasal kaagad tayo kung iyan ang gusto para huwag ka lang umalis. Dito ka lang, Lorie, please ‘wag mo naman akong iwan.” nagmamakaawa si Allen sa kanya. Halos madurog ang kanyang puso sa nakikitang paghihirap ng kalooban nito, pero nanaig pa rin ang kagustuhan niyang makatulong sa pamilya.

“Patawarin mo ako, Allen, buo na ang pasya ko. Sa makalawa na ang aking alis.”

Lumuhod si Allen sa kanyang harapan. “Lorie, nakikiusap ako. Parang-awa mo na, kung talagang mahal mo ako hindi ka aalis.” anito habang umiiyak na nakayakap sa kanyang beywang.

“Allen, mahal na mahal kita pero mahal ko rin ang aking pamilya. Pakiusap, ‘wag mo namang gawing mahirap sa akin ang pag-alis ko.”

“Lorie, hindi ko kaya kapag nawala ko. Sa iyo na umikot ang buhay ko mula ng maging tayo, nasanay na akong nandyan ka lang. Anumang oras pwede kitang makita, makausap. Please, ‘wag ka nang umalis.” patuloy ito sa pagsusumamo sa kanya.

Nagpilit makawala si Lorie mula sa pagkakayakap ni Allen, kailangan na niyang makaalis sa harap ng nobyo. Malapit nang bumigay ang kanyang puso sa pakiusap nito. Baka mabalewala ang kanyang ipinakikitang lakas at tatag kapag hindi pa sila naghiwalay. Nagtagumpay siyang maalis ang kamay ni Allen na nakayakap sa kanya, pero gustong-gusto niya itong yakapin nang makita niya itong luhaang naupo sa kanyang harapan. Inipon niya ang natitira pa niyang tibay ng loob.

“Paalam, Allen, sana mapatawad mo ako.” aniya bago tumalikod. Nakakailang hakbang pa lang siya nang marinig na nagsalita ang nobyo.

“Tandaan mo ito, Lorie, kapag tuluyan kang umalis wala ka nang babalikan.” Napapikit si Lorie sa narinig. Hindi niya mapigilan ang pagbukal ng kanyang mga luha. Ayaw niyang lumingon, mahal na mahal niya ang nobyo. Nagtatalo na naman ang kanyang puso at isipan. Sa huli nangibabaw pa rin ang pagmamahal sa pamilya. Muli siyang humakbang palayo. “Hindi ako nagbibiro, Lorie,” muling sigaw ni Allen.

Ngunit hindi na niya ito pinansin. Lakad-takbo ang kanyang ginawa hanggang makasakay ng tricycle. Pagdating ng bahay, umiyak siya nang umiyak.

“Anak, kung hindi mo kayang iwan si Allen ‘wag ka nang tumuloy. Hindi mo naman kailangang umalis para sa amin. Hindi mo obligasyon ang mga kapatid mo. Kahit naghihirap tayo mas gusto ko pa ring nakikita kayo araw-araw.” paliwanag ng kanyang ina habang nakayakap sa kanya. Sa dibdib ng kanyang ina pinakawalan ni Lorie ang hagulhol na kanina pa niya pinipigil sa harap ni Allen. Hindi niya namalayan na nakatulog na siya sa pag-iyak.

Pagmulat ng kanyang mata, nakahilera sa kanyang ang anim na nakakabata niya kapatid habang karga ni Sally ang kanilang bunso. Lalong sumidhi ang kanyang hangarin na mabigyan ang mga ito nang magandang kinabukasan. Tutuloy siya sa pag-alis, hindi niya ipagpapalit ang pamilya sa pagmamahal niya kay Allen. Kung hindi siya maintindihan ng nobyo. Marahil hindi talaga sila para sa isa’t-isa.

“Hali nga kayo dito.” Tawag niya sa kapatid. Isa isang lumapit sa kanya. Ang dalawang maliit ay umupo sa tig-isang niyang hita. “Magpapakabait kayo ha, ‘wag kayong magpapasaway kay Nanay at Tatay lalo na kay Lola Azon. Ang makulit walang pasalubong.” pangaral niya sa mga kapatid, ang mga walang muwang na bata ay tuwang-tuwa samantalang si Sally ay lumuluha habang nakatingin sa kanila.

(Itutuloy)

About divinevillanueva

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!