“Long Distance Relationship”

1017024_650561344968870_1271893090_nNang marating natin ang Paliparan, kapwa natin batid na ilang oras na lamang ay tuluyan na tayong magkakahiwalay.

Pinipilit mong ngumiti, pinipilit ko ring pagaanin pareho ang ating loob. Nakikita ko ang panaka-nakang tawa sa mga labi mo. Pero ‘di ko alam kung napansin mo ang pangingilid ng luha sa’king mga mata. Pinipilit kong ibaling sa iba ang atensiyon ko, pero lalo mong sinisiksik sa kukote ko na ang tagpong iyon ang pansamantalang huli nating pagkikita.

Sa pitong taong relasyon na puno rin naman ng tampuhan, away na ilang beses na ring nauwi sa hiwalayan. Pero sa huli, nagkakaayos din. Masasabi kong ikaw na talaga ang gusto kong makasama habambuhay, na kasama kong bubuo ng aking mga pangarap. Hindi nga ba’t kaya ka ngayon mag-aabroad ay para sa’yong mga pangarap na sabi mo, kasama ako sa mga pangarap na iyon. Natuwa ako na ginantihan ko ng pangako na susundan kita sa Europa para doon natin ipagpatuloy ang binuo nating mga pangarap.
Muli kong tinitigan ang maamo mong mukha, ang iyong mga mata na lagi na’y tila nangungusap. Pababa sa tungki ng iyong ilong na tuwing nanggigigil ako, ay madalas kong pinipisil-pisil. Hanggang mapatingin ako sa’yong mala-rosas na mga labi. Na madalas kong dampian ng maalab na halik. Alam kong mangungulila ako sa’yo ng lubusan. Hahanap-hanapin ko ang iyong paglalambing, ang iyong mga tawa, ang iyong mahigpit na yakap, ang mga korni mong jokes na laging nagpapatawa sa akin, ang pagtawag mo sa’kin ng “CAPTAIN RIGGS” sabay bunghalit ng tawa.
Marami akong mamimiss sa’yo. Partikular ang husay mo sa pagluluto, ang pagdamay mo lagi sa’kin tuwing may problema ako, tuwing malungkot ako. At paano ko ba sasanayin ang sarili ko na wala ka sa tabi ko, na hindi ko na mahahawakan maski dulo ng daliri mo? Na hindi ko na mahahaplos ang malambot mong pisngi at madadampian ng halik ang labi mong tila nililok ng isang mahusay na skulptor na hugis-puso? Ikaw at ang mga bagay na natutunan kong mahalin at pahalagahan ng maraming taon ang lagi kong hahanap-hanapin kapag nasa Europa ka na.
“Captain Riggs, kailangan ko nang magtungo sa waiting area.” Napukaw ang atensiyon ko nang marinig ko ang iyong tinig.
Minsan pa’y muli kong tinitigan ang maamo mong mukha. “Mag-iingat ka lagi, hon. Basta, antayin mo ako du’n. Susunod ako sa’yo para sabay nating tuparin ang mga pangarap natin sa isa’t isa,” turan ko na may kasamang piyok. Anumang oras, ay tutulo na ang mga luha ko na kanina ko pa pinipigilan.
“Ooppss, huwag kang iiyak. Walang Captain na iyakin,” nagawa mo pang magbiro na kahit paano’y kinangiti ko.
“Ikaw kasi, pinaiiyak mo ako!” ganting-biro ko.
“Mahal na mahal kita, Ehron. Tandaan mo lagi yan,” mayamaya’y seryosong sambit mo bago ka humakbang papasok ng waiting area.
Tuluyan na ring pumatak ang aking mga luha.
“Mas mahal na mahal kita, Jenny Mae Corpuz. Ikaw lang ang mamahalin ko!” madamdamin kong sambit.
Isang taon ang matuling lumipas na tanging facebook, skype o wechat ang tangi nating kumunikasyon. Mahirap man ang LONG DISTANCE RELATIONSHIP, pero sa huli ay napananatili parin nating matatag ang ating relasyon. Naroon parin naman ang paminsan-minsan na away, tampuhan at selosan. Pero mas nangingibabaw parin ang pagmamahalan natin sa isa’t isa. Ayaw kong ipakita sa’yo kung gaano ako kalungkot simula noong umalis ka. Dahil ayaw kong pati ikaw ay maapektuhan. Kaya tuwing mag-uusap tayo through skype, wala kang mababanaag sakin kundi kasiyahan at excitement habang kausap kita.
Hanggang umabot ng dalawang-taon na ganun lagi ang kumunikasyon natin. Araw-araw na skype at chat sa facebook. At habang tumatagal at nadaragdagan ang pananabik ko sayo, alam kong mas lalo kitang minamahal. Wala na akong planong maghanap o tumingin pa ng iba. Dahil alam ko, ikaw ang matagal ng kumukumpleto ng buhay ko.
Dumating ang araw ng pinakahihintay nating dalawa. Sa wakas at dumating na rin ang VISA ko. Masusundan na kita sa Europa, muli na kitang makikita at mahahagkan. At higit sa lahat, sabay na nating matutupad ang mga naudlot nating pangarap sa isa’t isa.
Ngayon, nasa paliparan ako kung saan huli tayong nagkita two-years ago. Wala ka man sa tabi ko, pero ilang oras na lamang ay muli na kitang makakapiling.
Natanaw ko ang Eroplanong maghahatid sa akin sa Europa, sa piling mo. At ‘di ko maiwasang mapangiti. Ngiti na puno ng pananabik na muli kang makasama. Ang nag-iisang babaeng minahal ko at mamahalin ko nang lubusan habambuhay!

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!