Liham para kay Pangulong Aquino

Isa po akong OFW, dalawampu’t tatlong taong gulang na kasalukuyang nagtatrabaho sa Qatar. Ang liham na ito ay aking ginawa upang iparating sa iyo ang aking saloobin tungkol sa mga kasalukuyang nangyayari sa ating mahal na bayan.

Labingwalong taong gulang po ako nang ako’y unang bumoto sa National Election at ikaw ang aking napili na iboto upang maging presidente ng Pilipinas.

Bilang isang kabataan ng mga panahong iyon, ako po ay nangarap ng malaking pagbabago sa ating bayan. Umasa po ako na ikaw ang susi sa lahat ng katiwalian na nangyayari sa ating pamahalaan, at maggagabay tungo sa kaayusan ng pamayanan.

Bilang isang kabataan, ako po ay nagtiwala na sa iyong administrasyon. Hindi man maalis ang corruption, hindi man mawala ang krimen, hindi man masugpo ang kahirapan, at least mabawasan man lang pati presyo ng mga bilihin sa mga pampublikong pamilihan.

Sobrang laki po ng tiwalang ibinigay ko sa inyo, minamahal na Pangulo. Nagawa ko pa ngang ipagtanggol ka sa mga kritiko nung unang STATE OF THE NATION ADDRESS mo bilang isang pangulo. (please follow the link below)

http://definitelyfilipino.com/blog/2011/07/my-insights-about-the-recent-sona-of-president-noynoy-aquino/

Nung una, ipinagmamalaki ko na sa wakas ay nakahanap na rin ang Pilipinas ng isang lider na magbabangon sa matagal na pagkakalugmok ng ating mahal na Inang bayan dahil sa patung-patong na problema na iniwan ng mga nakalipas na administrasyon. Subalit habang tumatagal po ang inyong pagkakaupo ay bakit parang unti-unti ring gumuho ang aking mga pangarap na pagbabago?

Hindi ko po isinusumbat ang aking pagboto sa inyo bilang pangulo dahil hindi lang naman ako ang botanteng pumili sa inyo. Subalit ang mga pangarap po ng mga kabataang tulad ko nung panahong iyon na umaasang ang Pilipinas ay magbabago ay tila unti-unti nang naglalaho.

Di ba’t ang turo sa paaralan ng ating mga dakilang guro ay maging mapagmahal sa bansa? Ipagmalaki ang lupang tinubuan, ipaglaban ang ating mga karapatan? Subalit sa sunud-sunod na pangyayari sa NAIA, at issues sa balikbayan boxes ay tila tuluyan nang nadurog ang puso ng mga mamamayang Pilipino lalo na ang mga OFW.

Sa mga balitang naglalabasan tungkol sa kahon ng mga balikbayan, sa mga kasong walang katuturan dahil sa “laglag-bala”, galit po ang tumutubo sa dibdib ng karamihan. Kahihiyan ang nararamdaman ng iba nating kababayan dahil kahit mga turistang walang kamalay-malay ay nadadamay.

Panlulumo po at hinanakit ang nararamdaman ng mga tao at pamilyang naapektuhan ng garapal na modus operandi sa NAIA at ng hindi makatarungang pagbubukas ng balikbayan boxes.

Ako man po ay nahihiya na rin. Tila tinanggalan ng karapatan ang mga mamamayan. Ang masakit pa po ay wala pa akong narinig na matinong resolusyon. Matatapos na po ang termino n’yo, mahal na pangulo, may magagawa pa po ba kayong pagbabago?

Ano naman po kaya ang magagawa ng taong papalit sa pwesto n’yo?

Mabigyan pa kaya ng bagong pag-asa ang sambayanang Pilipino?

Mabuhay pa kaya ang pangarap ng mga kabataang Pilipino?

Sana man lang may maitugon po kayo sa mga katanungang ito na gumugulo sa isip ng mga Filipinong kagaya ko.  🙁

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!