Life is Great!!! (Hiyaw ng isang ina)

Ang sarap pala ng nagbabalik-aral! Sa gaya kong 37 years old na at may limang anak, isang babaing nawalan ng asawa at nagsisikap na magpakatatag — ang pagbabalik paaralan ay nagdala sa akin ng kakaibang kaligayahan.

Salamat sa aking ate at kaibigang si Mj na siyang nagdala sa akin patungo sa landas na papunta sa ALS, ang Alternative Learning System ng DepEd. Salamat sa isang tao na nagpursigi sa akin na magbalik-aral bilang pagpapataas sa antas ng aking karunungan.

Lubos kong naintindihan ang kahalagahan ng edukasyon sa isang tao at napatunayan ko ito sa maraming bagay.

Una sa lahat, nakita ko ang tuwa sa aking mga anak dahil pare-pareho kaming natututo. Mas nakapagbibigay na ako sa kanila ng tamang paggabay sa pag-aaral. Nasasagot ko na ang karamihan sa kanilang mga katanungan sa mga takdang-aralin.

Naunawaan ko na ang pag-aaral ay isang investment sa iyong sarili upang mas tumaas ang iyong halaga sa lipunan. Mas maraming oportunidad para sa mga taong nag-aral at hindi kailanman huli para sa sinumang nais magpalawak ng kanyang kaisipan.

Naipaliliwanag ko na sa aking mga anak ang kahalagahan ng pag-aaral bilang paghahanda sa mga tatahakin nilang landas sa buhay.

“Bakit ka pa nag-aaral? Matanda ka na! “ Yan ang tanong at puna ng mga taong hindi nasisiyahan sa aking ginawang pagbabalik-aral.

Nais ko kasing makapagtapos sa high school bukod sa nadaragdagan ang aking kaalaman. Nais ko kasing tumaas ang pagtingin sa akin ng aking mga anak at maging isa akong inspirasyon sa kanila. Nais ko ring makaahon sa pagiging helper o katulong sa bahay,

Kaya’t sa aking pagtatapos sa ALS (pwera usog po ha!), layunin ko ring kumuha ng vocational courses sa Tesda para sa pagpapatuloy ng aking pagpapayabong sa sarili upang maging handa ako sa mas magagandang trabaho at oportunidad na maaaring dumating sa aking buhay.

Marahil ay nagtataka kayo kung paano ko nagagawa ito.

Time management lang po at gabay ng Panginoon at —- ang pinakatinding wind beneath my wings ay ang mga ATE sa aking buhay na ibinigay ng Diyos Ama sa aming mag-iina.

Sa kabila ng mga pagsubok na halos ikamatay ko na,may mga anghel na dumating sa aking buhay at pilit akong hinila paitaas mula sa hukay na muntik ko nang kalubugan.

Hindi pala dapat sumusuko sa buhay — yan ang aking natutunan.  kasi meron at merong darating na mga tao na magiging anghel de la guwardiya mo.

Salamat kay Mj, at sa kanyang mga kaibigan sa ibayong dagat na sina Ate Rose, sina Ate Cel, Ate Sylvia, kay Ms. Racz at sa iba pa niyang mga kaibigan sa tabi-tabi na naging salbabida naming mag-iina sa iba-ibang panahon ng aming pagkadapa.

angels

Muli kaming ngumingiti ngayon ng aking mga anak dahil totoo palang may bukas pa… totoo palang may mga anghel sa lupa na kahit hindi ka pa nakikilala nang personal ay kayang mag-abot ng tulong at inspirasyon.

Eto kami, nakatira sa isang sementeryo sa Calamba, isang abang pamilya na nalugmok nang biglang sumakabilang buhay ang mabait at responsable naming haligi ng tahanan… pero may bukas pa pala… may saya pa palang darating.

Eto kami ngayong mag-iina, sama-samang nagpapalakas sa loob ng isa’t isa… mahirap pa rin, oo, pero masaya nang muli kasi ang aming laging sinasabi ngayon —-

Hindi tayo laging ganito!!!

Maraming-maraming salamat sa mga ate ng aming buhay.God bless you more, Ate Rose, Ate Vhia and Ate Cel, Ms. Racz at sa lahat-lahat ng naging sponsors ng school things at uniforms. Ang dami nila talaga, panibagong blog yun sa dami nila, hahaha. Si Lord na ang nakababatid ng pangalan ninyong lahat na naghandog ng mga gamit sa napakaraming mga bata sa loob ng ilang taon na rin sa pangangasiwa ni Ate Mj.

Yeheyyyy!  Nanalo nga pala kami sa contest namin sa ALS Calamba – Second Prize!  O saan ka pa?!  Tumataas na rin ang scores ko sa test at essays.  O ano pa bang kulang?

Ahhh kailangang pumasa ako sa  A & E at sa PEPT.  Kakayanin ko ‘yun! Promise!  Kasi may mga inspirasyon ako. Kasi may guro kaming si Sir Mark Acelar na sige lang ang paggabay at pagtuturo sa amin kahit puro kami pasaway, hahaha!

Para kay Sir Mark ng ALS—- maraming salamat rin po sa pagpupush sa akin!

Para sa mga kamag-aral ko sa ALS ngayon, go lang tayo nang go!

Gagraduate tayo!

Gagraduate ako!

ALSBIG

Pramissssssss!!! Amen, amen at amen!

noemi

     family

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!