‘Kill Them With Kindness’

Naranasan mo na ba ‘yung nanggigil ka sa inis dahil feeling mo dehado ka ngunit mas pinili mong manahimik o ‘di na lang patulan?

Kailan mo ba kailangan gamitin ang golden rule na ito — “Kill Them With Kindness.”

Sumakay ako sa isang taxi papunta sa aking trabaho. Habang may natitirang 30 minutos bago ang aking schedule.

Nakapara ako agad ng taxi mula sa isang pasahero na bumaba. Nakita ko rin na makuwento si ‘Kuyang driver’. ‘Pagsakay ko ibinigay ko agad ang direksyon papuntang Sta. Mesa, Maynila.

Wala pa akong isang minuto na nakauupo ay humingi na ng karagdagang P50 si ‘Kuyang Driver’ mula sa metro. Aniya, labasan daw ng truck at traffic sa lugar.

Tugon ko: “Kuya P120 hanggang P130 lang po madalas ang binabayad ko at hindi pa naman po traffic. Idadaan ko po kayo sa shortcut na wala rin pong traffic lights.”

Sagot ni ‘Kuya’: “Ngayon lang ako nakakita ng walang traffic lights sa tagal ko sa Metro Manila.”

Tugon ko naman: “‘Kuya’, doon sa shortcut walang traffic lights, syempre po paglabas n’yo ng Aurora Boulevard meron na po. Sige ‘Kuya’ payag na ko sa P50 basta po idaan n’yo sa gusto kong daanan?.”

Habang nasa biyahe na kami, nagsasalita pa siya na parang gusto pang makipagkuwentuhan sa akin.

Hindi ko pinapansin ang mga sinasabi n’ya. Tapos n’ya kong tagain sa pamasahe may gana pa s’yang magkuwento. Okay lang s’ya?!

Napansin din niya na naging seryoso ako. Nagsasalita lang ako kung kailangan ko na ituro sa kaniya ang daanan.

Habang nasa loob ako ng taxi naisip ko ‘yung isang kuwentuhan ko sa dating taxi driver. Aniya, kapag hindi pa sila nakaabot sa boundary ng 10:00 ng umaga ay talo na sila sa maghapon at wala nang kikitain.

‘Yun na lang ang inisip ko. Sa katunayan, mula sa lugar na pinanggalingan ko papunta sa aking trabaho ay may 6.2 kilometro lang ang layo.

Nagulat ako dahil 20 minutos lang ang inabot ng biyahe at napakaganda ng daloy ng trapiko. Ang metro namin ay inabot lang ng P120.50 na halaga.

Binigyan ko ng P170.50 si ‘Kuya’ bilang pagtupad sa naging usapan namin.

Hindi na ako nag-abala kunin ang detalye ng nasakyan ko na taxi. Hindi naman sa ayaw kong maabala, ngunit ramdam ko na napahiya siya sa kaniyang inasal lalo’t mabilis ang biyahe namin.

Naihalintulad ko tuloy ‘yung nabasa ko sa isang website kung saan nakatanggap pa si Senador Manny Pacquiao ng hindi magandang puna mula sa pagkatalo niya kay Jeff Horn.

Tugon lang ni Senador Pacquiao, nagpapasalamat siya sa mga taong nagdasal at sumuporta sa kaniyang laban.

Tulad na rin ‘yung nangyayari kay Fr. Teresito ‘Chito’ Suganob na matapos siyang bihagin ng Maute group ay ginawa pa siyang tagaluto ng pagkain.

May mga laban pa rin na ‘mind game’ ang dating. Ang pikon ay talo. Hindi naman sa lahat ng laban kailangan mo ipakita na ikaw ang tama o agrabyado. Kailangan mangibabaw pa rin ang pang-unawa.

Malay natin, hindi na ulitin ni ‘Kuya’ ang pananaga n’ya sa pasahero. Malay natin humingi rin ng paumanhin ‘yung mga nag-bash kay Senador Pacquiao. At malay natin tumigil na rin ang Maute group at makonsensya na rin sila.

Kung hindi man, makahaharap din sila ng kanilang katapat at tiyak na mananagot sila sa kanilang maling gawi. Ang mahalaga wala na sa atin ang ‘bigat’ ng pangyayari.

Kaniya-kaniya naman tayo ng ‘take’. Maaaring ang pananaw ko ay hindi rin tulad ng sa ‘yo, ngunit sa bawat gagawin mo maaari mo rin isipin na —”There is always two sides of a coin”.

About Coach Salvador

Bata pa lamang ako nagsusulat na ako ng mga tula, kuwento at scripts na ginagamit namin sa aming klase. Ngayon, ay isa na akong guro sa pamamahahayag sa isang Pampublikong Paaralan ng Sekundarya sa Maynila. Bukod sa pagtuturo, nabigyan din ako ng pagkakataon na makapagsulat sa isang news site. Doon lalo namulat ang aking mga mata sa iba't ibang pangyayari sa loob at labas ng bansa. Naalala ko takot na takot ako sa computer at napakabagal kong mag-type. Hindi ko inakala na magiging advance ang aking nalalaman pagdating dito. Kinalaunan, natuto na akong mag-layout gamit ang ilang software sa merkado sa pamamagitan ng ‘self-study’ na nagagamit ko sa aking personal na buhay at sa aking trabaho. Hindi lang pagbabasa at pagsusulat ang pinagkakaabalahan ko. Mahilig din akong magluto, maglaro ng computer games at kaya ko rin mag-multitasking. Sa mga nabasa kong pocket books, isa sa mga paborito ko ang "The Alchemist" na sinulat ni Paulo Coelho. Sinasang-ayunan ko at ginagamit ang mga aral mula sa aklat: • “And, when you want something, all the universe conspires in helping you to achieve it.” • “It's the possibility of having a dream come true that makes life interesting.” • “When we love, we always strive to become better than we are. When we strive to become better than we are, everything around us becomes better too.” • “One is loved because one is loved. No reason is needed for loving.” • “There is only one thing that makes a dream impossible to achieve: the fear of failure.” Naku mala-roller coaster ang dating ng aking mga karanasan, ngunit sa bawat hakbang ko sa kalendaryo kada taon ay naiisip ko na kailangan ko ito lahat maranasan - positibo man o hindi. Oh diba may hugot?! Abangan n’yo po ako sa iba’t ibang kuwentong buhay na sasalamin sa bawat isa sa atin. Enjoy reading! 🙂
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!