Kalye Trese

13TALAMAK!

Kung may isang salita na puwedeng ikabit sa kalyeng iyon, marahil ay ito ang swak na itawag. Talamak kasi ang holdapan, patayan, rambulan, bentahan ng droga, pati mga biktima ng hit and run at iba pang krimen sa Kalye Trese na iyon sa Siyudad.

Ewan ko ba kung bakit ako nagawi roon? Kahit alam kong may choice ako na lumipat ng tirahan, pero sa loob ng anim na taon ay mas pinili kong manatili na lang roon. Kahit batid kong anumang oras ay puwedeng manganib din ang buhay ko, gaya ng mga inosenteng doon mismo kinitilan ng buhay. Sabagay, ano pa ba ang bago?

‘Ika nga nila, patibayan na lang ng sikmura at loob. Paano’y halos araw-araw ay nasasaksihan mismo ng dalawa kong mata ang mga nakahandusay na katawan ng mga biktimang parang hayop lang kung patayin sa kalyeng iyon. Kung hindi nabundol ng rumaragasang sasakyan, may mga inabutan na roon na tadtad ng saksak, basag ang bungo sa tama ng baril, labas ang lamang-loob at iba pa. Kaya kung mahina ang sikmura mo, hindi ka bagay sa lugar na iyon.

Marami ang nagsasabi na parang sinumpa raw ang kalyeng iyon at bagay ito sa pangalan na Kalye Trese dahil punong-puno ito ng kamalasan. Buwan-buwan, hindi na mabilang ang mga natagpuang patay sa kalyeng iyon. Kaya naman kinatatakutan na rin ito ng nakararami.

Pero ako???

Normal pa rin ang takbo ng buhay ko. Madalas akong maglakad sa kalyeng iyon nang mag-isa, kahit pa dis-oras ng gabi. At lagi kong katwiran sa sarili ko, kung oras mo na ay oras mo na talaga. Ke nasa Kalye Trese ka o wala, kung talagang madededo ka na, e kalas ka na. Kaya wala na sa bukabolaryo ko ang salitang ‘takot.’ Para lang ‘yan sa mga taong duwag. Isa pa, matagal nang nakasanla kay Satanas ang kaluluwa ko!

“Kumusta ang raket kagabi, mahal?” dagling nagbago ang timpla ng mukha ko nang biglang parang kabute na sumulpot sa harap ko si Mariel.

“Hindi ka man lang ba marunong kumatok, potcha!” paangil ko rito. Ang ayaw na ayaw ko ay ang iniistorbo ang pamamahinga ko. Malapit ko na kasing makuha ang tulog ko nang biglang dumating si Mariel.

“Ikaw naman, mahal. Ang aga-aga, haybol ka na naman. Bakit, bulilyaso ba ang raket natin kagabi?” anito, sabay yapos sa hubad-baro kong katawan.

Bahagya ko itong tinabig.

“Potcha naman, o! P’wede bang patulugin mo muna ako? At bakit ba ‘andito ka na naman? Nangangati ka na naman bang p*ta ka?” singhal ko.

Isa lamang si Mariel sa mga babaeng parausan ko. Babaeng mababa ang lipad na tulad ko’y pariwara na rin ang buhay. Na kung makaasta ay daig pa ang misis na kinakati ang kuyukot.

“Sige, magpahinga ka na muna. Magluluto na lang muna ako ng tanghalian mo. Alam ko naman na ito lang ang role ko sa buhay mo. Ang pagsilbihan ka ng bonggang-bongga!” pagdadrama nito.

Tinakpan ko ng unan ang teynga ko saka ako tumagilid ng higa. Sa lahat ng ayaw ko ay iyong babaeng puno ng kadramahan sa buhay.

Nakapikit na ako ulit nang rumehistro sa utak ko ang sinabi ni Mariel. Raket. Iba-ibang raket ang siyang kinabubuhay ko mula’t sapul na nagkamuwang ako. Nariyang sumama ako sa mga sindikato, magbenta ng aliw sa mga matrona’t bading at kung ano-ano pang illegal na gawain para lang mabuhay. Kaya naman noon pa man ay matagal nang nakasanla kay Satanas ang kaluluwa ko. Pero kahit aminado akong utak demonyo ako, ni minsan ay hindi pa ako nasangkot sa anumang krimen sa Kalye Trese. Sa ibang lugar ako rumaraket. At kapag nasa bahay na lang ako, pakiramdam ko ay ibang Rodney na ako.

“Bakit hindi mo na lang iwan ang gawain mong ‘yan, Rod? Magbagong-buhay ka na. Tutulungan naman kita. Magtutulungan tayo!” Naalala kong madalas sabihin ni Mariel sa akin noon na lagi kong sinasagot nang:

“Potcha! Barya lang ang kinikita mo d’yan sa pagpuputa mo. Kaya ‘wag kang magmarunong!”

“E anong gusto mong gawin, habang-buhay kang maging kriminal?”

Tinitigan ko nang matalim si Mariel.

“Alam mong p*ta ka? Tigil-tigilan mo ako sa pangingialam sa buhay ko, ha? At kung hindi mo masikmura na isa akong kriminal, e di iwan mo ako. Ganu’n lang kasimple ‘yun. Tutal, hindi lang naman ako ang lalake mo, diba?” pamurang turan ko habang dinuro-duro ko ito sa mukha.

“Isa nga akong pokpok, Rod. Pero kahit ganito ako, ikaw lang ang lalakeng minahal ko. Kaya concern ako sa’yo. At ganyan ka naman lagi, diba? Walang puso!”

“Naman pala, e. E bakit ayaw mo pa akong iwan?”

“E dahil nga sa mahal kitang p*tang ina ka! At hindi naman kita pinipilit na mahalin rin ako, diba?”

Sa lahat siguro ng tanga pagdating sa pag-ibig, numero uno na rito si Mariel. Minsan, hindi ko maintindihan kung bakit kahit harap-harapan ko itong pagtaksilan ay lagi pa rin itong bumabalik sa akin. At kahit alam nito na isa akong kriminal ay hindi pa rin ito nagdalawang-isip na mahalin ako.

“Siguro nga ay tanga na ako kung tanga, Rod. Pero wala, e. Mas sinusunod ko kung ano ang sinasabi ng puso ko!” Minsan ay nasabi ni Mariel nang deretsahin ko siya na iwan na niya ako.

“Isa pa, alam ko naman na kahit papaano ay mabuti kang tao, Rod. Naipit ka lang sa hirap ng buhay at sa mga masasakit na pinagdaanan mo simula nang abandonahin ka ng mga magulang mo. Kaya heto ka ngayon. Nagpipilit mabuhay nang mag-isa kahit pa sa maling paraan. At alam kong hindi mo ito kagustuhan!”

Tama si Mariel. Simula noong abandonahin ako ng mga magulang ko pagkapanganak sa akin ay kung kani-kanino na ako pinagpasahan. Nariyang lumaki ako sa lansangan, sa ampunan at sa mag-asawang umampon sa akin na hindi rin pala ako kayang ituring na parang tunay na anak. Bagkus, minaltrato’t ginawa pa akong utusan. Kaya nilayasan ko sila at namuhay nang mag-isa. Simula noon, kung kani-kaninong sindikato na ako sumama para mabuhay. At kahit demonyo ako sa paningin ng lahat, alam kong may natitira pa ring kabutihan sa akin. Walang taong pinanganak na masama!

ALAS-KUWATRO nang hapon nang magbihis ako ng medyo pormal. Ito kasi ang unang beses na ilalabas ko si Mariel para mag-date. Sosorpresahin ko siya.

“Anong nakaen mo’t mukhang wala ka sa sarili at yayayain mo akong lumabas? At himala, nagmukha kang tao sa suot mo, ha? Inpernes, guwapo ka pala kapag nakaporma!” ang ngingiti-ngiting salubong ni Mariel nang dumating ito sa bahay.

Yumapos ito nang mahigpit. “Naisip ko kasi na hindi pa tayo lumalabas na magkasama. Kaya heto, gagala tayo. Ayaw mo ba?”

“Siyempre, gusto ko. Gustong-gusto!” nae-excite na tugon nito sabay halik sa mga labi ko.

“Tara na!” mabilis kong yaya rito.

“Rod, I love you!” napatigil ako sa sinabing iyon ni Mariel. Ni minsan ay wala akong maalala na sinabihan ko ito ng mga katagang iyon.

“I love you, too!” sa wakas ay sambit ko.

Ngumiti si Mariel na halatang nagulat din sa sinabi ko. At pagkuwa’y sabay na kaming lumabas ng bahay.

NAGLALAKAD na kami ni Mariel sa Kalye Trese para pumunta sa paradahan ng tricycle nang biglang may mga armadong lalake na bumaba ng kotse na kulay asul. Nakilala ko ang isa sa apat na lalake na bumaba. Si Dario. Isa sa mga lider nang sindikatong huli kong kinalasan. Gusto ko na kasing magbagong-buhay kaya tumiwalag na ako sa grupo. Tinangka kong kumaripas ng takbo pero huli na. Pinaulanan nila ako ng bala sa baril na hawak ng mga ito. Naramdaman ko ang bawat balang bumaon sa katawan ko hanggang humandusay ako sa semento. Narinig ko pa ang malakas na sigaw ni Mariel. At nang nag-aagaw buhay na ako ay iisa lang ang malinaw sa pandinig ko na paulit-ulit na sinasambit ni Mariel habang pumapalahaw ng iyak.

“Mahal na mahal kita, Rod! ‘Wag mo akong iiwan!”

Alam kong iyon na ang huli kong araw sa mundo. At bago ako tuluyang malagutan ng hininga, nasambit ko pa ang katagang “Salamat” kay Mariel. Dahil buong buhay ko ay si Mariel lang ang nag-iisang nagmahal at nagbigay ng importansiya sa akin. Sa tulad ko na isang KRIMINAL!

W A K A S

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!