“Kalakal” (OFW Kuwento Ng Buhay)

“Napakasama ng mga kapitbahay namin, sabihan ba naman na umaalingasaw raw sa amoy basura ang aming kalye dahil sa mga kinokolekta kong bote, plastik at mga karton at kung anu-ano pang kalakal,” kandaiyak na sinaad ni Ate Mel sa akin habang dumaraan ako galing sa pagbili ng pandesal sa kalapit na tindahan.

“Ke aga-aga ako ang almusal nila sa tsismisan! Tahimik akong nagsusumikap at hindi sila pinakikialamanan ay ako pa ang paborito nilang pagdiskitahan,” kandainis na kasunod niyang tinuran.

Siya si Ate Mel, isang payak na babae, mapagmahal na asawa at napakaresponsableng ina. Ang asawa naman niyang si Kuya Jun ay isang masigasig na asawa at ama para magawang matustusan ang lahat ng kanilang pangangailangan sa kahit anong trabahong kaya niyang gampanan ay sulong lamang nang sulong na animo’y walang kapaguran.

Tubong Cagayan Valley ang mag-asawang pinaglihi sa kasipagan at hindi mauubusan ng diskarte sa buhay. Sa Maynila sila nagkakilala at doon na rin nagsimula ng pamilya. Nagsimula si Kuya Jun sa pagiging manihero at lahat na yata ng klase ng sasakyan na may iba’t-ibang bilang ng gulong ay naimaneho na niya, maliban lamang sa sasakyan na may gulong nga ngunit mayroon namang pakpak, ang eroplano. Sapagka’t pangarap niya ang maging isang piloto.

kalakal 2

Salat sa kayamanan ang pinagmulang pamilya ni Kuya Jun kung kaya’t tanging idinadaan na lamang sa pagtingala ang naunsiyaming pangarap sa tuwing may napapadaan na eroplano sa himpapawid.

Ngunit ganun pa man, salat man siya sa pagtupad ng kanyang minimithing maging piloto ay hindi siya tumigil mag-aral at matuto ng iba’t ibang bagay.

Kaya si Kuya Jun ay binasagang “Jun Bakal” at halos kahit sino ay kilala siya sa pagiging dalubhasa sa trabahong de kalidad na karpintero, aluminum, mga bakal at sa pagmemekaniko. all around na serbisyo; puwede siya maging mason, tubero, electrician, at kung anu-ano pa at dahil doon kaya ang pamilya ay nakararaos sa mga pang-araw-araw nilang gastusin.

Simula nang pumasok ng hayskul ang panganay na anak na si Joy ay mas sinimulan ni Ate Mel ang maghanap ng mas dagdag na pagkakakitaaan. Lahat na yata ng raket ay ginawa na niya para lang kumita. Sinubukan niyang magtinda ng kung anu-ano gaya ng mga pagkain, basahan, mga ipinapabenta na mga damit na galing ibang bansa at kung anu-ano pa.

Tandang-tanda ko pa ang tinuran niya minsan, “Si Joy ang panganay kong anak at sa kanya ay magsisimula akong mangarap ng mataas kung saan alam ko na hinding- hindi ako bibiguin ng mahal kong anak.”

Sa lahat ng pagkukunan ng kakarampot na kita ay mas pumatok lang iyong pangangalakal. Kaya naman hindi pa tumitilaok ang manok ay kasama na niya ang kanyang bisikleta upamg mamili siya ng bakal, bote, dyaryo, plastic at mga scrap materials na maibebenta sa junkshop. Kahit anong tindi ng sikat ng araw o kahit na mabasa sa ulan ay hindi iniinda basta lang kumita.

Hindi matutumbasan ng kahit sinuman ang determinasyon at kasipagan ng mag-asawang sa simula pa lamang ay hinangaan ko na. Lahat ng trabaho ay kaya nilang gawin at pasukin para lang sa kinabukasan ng kanilang mga supling. Kahit ang gabi ay ginagawa nilang araw para lang kumita at mairaos at matupad ang pangarap nila.

Lima ang magagalang at mabubuting binhi ng mag-asawa, tatlong lalaki at dalawang babae. Si Joy na siyang panganay na nasundan ng tatlong lalaki at ang kanilang bunso na babae na nasa apat na taong gulang pa lamang. Si Joy ang pangunahing pinaghuhugutan ng lakas ng mag-asawa at gagawin ang lahat basta lamang maigapang sa napiling kurso nito.

Sa pangarap na maging ganap na nars ni Joy ay pikit matang kinuha pa rin ang kursong BS Nursing na hindi madali, magastos at hindi basta-basta ang dahilan kung bakit nagpursige ang mga magulang niya na kahit na magkandakuba na sila sa pagtatrabaho ay gagawin nila matapos lamang ang pag-aaral ng anak.

Marami ang nagtaka, marami ang nagulat at lalong maraming humusga na ‘di kakayanin ng mag-asawa na mapagtapos ang mga anak sa mga nais na kurso. Ang bawat panlilibak, pangungutya sa pamilyang tingin ng mga taong makikitid ang utak at minamaliit ang kanilang kakayahan ang nagsilbing inspirasyon ng pamilyang magtulungan upang maiahon ang buhay at makamit ang inaasam-asam na pangarap.

Hindi lamang iilang beses na kinakapos sa pinansiyal na pangangailangan dahil sa matrikulang sadyang napakamahal. Ilang tao rin ang pinagtatawanan ang mag-asawa kung sakaling subukang makahiram ng kakaunting salapi sa mga malapit na kakilala. “Bakit pa kasi pinili pang maging nars ang gusto ninyong mag-asawa, kung hindi naman ninyo kaya!” turan ng isang kakilala ni Ate Mel.

Umiiyak nang palihim noon ang ilaw ng tahanan sa mga ganun patutsada ng mga akalang kaibigan. “Hindi ba maaaring mangarap ng matayog para sa mga anak kahit hamak na pamumulot ng basura nila ang tanging mangaral na alam na pagkakakitaan?” yugyog ang mga balikat na sinasambit habang walang patid ang pagdaloy ng mga luha sa impis na mga pisngi.

Hindi man madali ang itinatahak nilang landas, hindi makikitaan ng pagkawala ng lakas ng loob ang pamilya sapagka’t sa kanilang pamilya ay ginawa nilang sentro ng kanilang buhay ang ating Poong Maykapal at naniniwalang may plano ang Diyos sa lahat ng bagay at alam nilang tutulungan sila na matupad ang kanilang mga inaasam sa buhay.

Dahil sa pagsusumikap ni Kuya Jun sa pagtatrabaho at gayun din ang sipag na ginagawa ni Ate Mel ay hindi nila namalayan ang mabilis na pag-usad ng panahon at ang pinakaaasam ay naisakatuparan na taas ang mga noo at sadyang maipagmamalaki kahit kaninuman.

“Anak ko na nakasuot sa iyong uniporme na puting-puti at may taglay na kagandahan sa labas at loob ay hindi mo kami binigo upang maging isang ganap na nars ka ay sadyang walang masisidlan ang tuwa sa puso namin ng iyong ama,” lumuluha sa sobrang kagalakan habang yakap-yakap ang anak sa kanyang unang araw sa pagpasok sa unang trabaho.

Kaya naman kahit patuloy pa rin sa pangangalakal si Ate Mel ay maaaninag mo na sa kanya ang mas dobleng sigla lalo na kapag ipinagmamalaking matagumpay na nakapagpatapos ng nars na ang sa tingin ng iba ay hamak na basurera lamang dahil sa pangongolekta mg mga kalakal.

Si Joy na hindi sinayang ang bawat paghihirap ng mga magulang at hindi binigo ang mga matayog na pangarap para sa kanya ay taimtimang nagsunog ng mga kilay upang masuklian ang labis-labis na pagmamahal sa kanya ay ipinasa ng may mataas na marka ang board exam upang isang maging ganap na lisensyadong nars.

At tumatak sa isip ni Joy bilang panganay ay responsibilidad na tulungan sila at maibalik man lamang lahat ng hirap at sakripisyo na ibinigay nila para sa kanya. Nagsimula siyang maging volunteer o kaya reliever sa mga lying-in hanggang nagkaroon ng magandang oportunidad sa isang malaking pampublikong hospital sa Maynila. Sa tulong ng mga naging karanasan niya sa mga napasukan ko, naglakas loob na rin siyang sumubok ng kapalaran sa ibang bansa.

Lubos man ang pagtanggi ng mag-asawa ay mas nanaig ang kagustuhan ni Joy na maisakatuparan naman ang mabigyan sila ng mas magaan na pamumuhay.

At sa kabutihan ng Diyos, binigyan siya ng pagkakataon na makapagtrabaho sa ibang bansa. Sa kasalukuyan ay namamasukan ngayon sa Gitnang Silangan bilang isang nurse.

At sa ngayon, maging ang tatlong lalaki na sumunod kay Joy ay nakapagtapos na rin ng mga kursong bokasyonal. Ang pangalawang anak ay nakapagtapos ng computer technician at electrical, ang pangatlo ay computer technician at ang bunsong lalaki ay automotive.

“Mapalad kaming magkakapatid na nagkaroon kami ng mga magulang na masisipag at responsable na kayang gawin ang lahat para matupad ang aming mga pangarap sa buhay at maibigay lamang ang edukasyon na alam nilang iyon lamang ang tangi nilang maipapamana sa amin. Malaki ang paghanga ko sa inyo. At lahat ng ibinigay ninyo sa amin ay sisikapin kong masuklian ng kaginhawaan at sobrang pagmamahal. Maraming marami pong salamat sa lahat at mahal na mahal ko po kayo, papa at mama,” turan ni Joy habang lubos siyang yakap ng kanyang ama’t ina sa unang pag-uwi niya para makapagbakasyon mula sa dalawang taon mahigit na nawalay sa pamilya mula sa ibang bansa.

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!