“Kahit Di Mo Sabihin”

 

Noong naglalakad tayo, hawak mo ang kamay ko, mayroon ka bang naramdaman?

Noong kumain tayo nang sabay, at pinahid mo ang isang butil ng kanin na naiwan sa bibig ko, mayroon ba ‘yon ibig sabihin?

Noong bumuhos ang ulan at sabay tayong kumaripas ng takbo, nakita ko ang pag-aalala mo nang hinubad mo ang iyong jacket at pinahiram sa akin, unti-unti mo na ba akong napapansin…?

Noong nagtext ka sa akin at hindi ako nakapag-reply dahil nakatulog ako nang mahimbing, at ginising ako ng isang katok sa pintuan at nang ito’y aking pagbuksan, ikaw ang nakita ko. Ano iyon? Pag-aalala bilang magkaibigan o parang kapatid? O wala ka lang magawa? Bored ka lang kaya naisipan mong dumalaw?

Noong nagpost ako sa Facebook at sinabing “I’m craving for ice cream” at biglang may dumaang Mamang sorbetero at lahat kami sa bahay ay binigyan ng ice cream, libre mo. I screamed, almost, sa sobrang kilig sa ka-sweetan mo, pero, wala ka pa ring sinasabi. Treat mo lang, ‘di ba kasi naipasa mo ang thesis mo at masaya ka lang kaya naglibre ka ng ice cream? Nagkataon lang ‘yung “craving for ice cream” Facebook status ko?

Noong may pumaradang kotse sa tapat ng bahay at biglang bumungad ang suitor ko na may dalang isang milyong pulang rosas, bigla umuwi ka nang walang paalam at halos isang buwan kang hindi nagpakita at nagparamdam.

Hanggang kailan mo itatago ang lihim mong pagtingin? Hanggang kailan ako maghihintay? Hindi mo ba nakikita? Hindi mo ba nadarama?

“Mahal kita hindi dahil hinawakan mo kamay ko, o pinahid mo ang isang butil ng kanin sa bibig ko, o dahil ipinahiram mo sa ’kin ang jacket mo, o dahil sa ice cream na pinakyaw mo kay Mamang sorbetero.

Ang totoo, mahal kita higit pa sa ibig sabihin ng isang daang milyong pulang rosas. Dahil isa lang naman ang kailangan ko… Ikaw lang.

Ngayon kapag sa pagtalikod ko ay wala ka pa ring sasabihin, siguro hanggang dito na lang tayo.

At sa paglakad ko papalayo, biglang may humawak sa kamay ko. Hindi hawak-magkaibigan. ‘Yung hawak na nagsasabing “huwag mo akong iwan…”

At nang kita’y harapin, nakita ko ang mga mata mo’y mugto.

Hindi mo naman talaga kailangang sabihin.

Dahil, “Alam ko na…”

Sabihin man natin o hindi.

Alam natin.

mahal kita higit pa sa ibig sabihin ng isang milyong pulang rosas.

(Photo credit: tumblr.com/ohhdflowers,blogspot)

 

 

 

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!