“Jake”

Muli kong binalikan ang luma kong aparador. Pinagmasdan at dinama ang bawat sulok nito. Wala na dito ang mga pinaglumaan kong damit na karamihan ay binili ni Mommy. Napangiti panandalian nang muling bumalik sa aking isipin ang mumunti kong damit na tuwang-tuwa na isinusuot sa akin ni Mommy at sabay niyang sasabihin sa akin ang… “Ang cute, cute talaga ng anak ko. Bagay na bagay sa ‘yo. Pakurot nga sa pisngi.” At sabay kaming magtatawanan.

At buhat sa mga bitbit kong paper bag, nilabas ko ang mga bago kong biling damit. Pandagdag sa mga nakaraan kong binili mula noong magbagong bihis na ako. Kay sarap sa pakiramdam ang bagong ako. Hmmm… ramdam ko ang tunay na ako.

Matapos maiayos ang mga napamili, nagpahangin muna ako sa labas. Nagsindi ng yosi at ninamnam ang hanging kalye.

“‘Tol! Musta? Long time no, see ah! Tara shot tayo mamaya.” bati ni Toby, kababata ko; ang madalas kong kakuwentuhan, mas nakauunawa at nakakakilala sa akin.

“Sige, pards! Punta ako sa inyo mamaya.”

Walang nagbago sa aming samahan ni Toby. Iba talaga kapag tunay kang minamahal. Pagmamahal na walang kapalit at husga.

Papasok na sana ako ng bahay nang biglang umalingawngaw sa aking tenga ang kahit pabulong na usapan ng mga matatandang pusturang-pustura na tingin ko ay galing sa pagsisimba. May bitbit na rosaryo at biblia. Lahat sila ay nakatingin sa akin at nagngingisian pa. Dinig na dinig ang kuwentuhan nila; tao nga naman.

Haist! Walang pa rin pagbabago ang mga tsismosang matatandang ito. Mamatay na lang sila sa ngiti ko imbis na patulan ko pa ang kaipokritohan nila.

Medyo nakalayo na ang mga matatanda mula sa kinatatayuan ko nang bigla na lang nagkagulo sa kinaroroonan ng mga matatanda.

“Snatcher! Snatcher! Hinablot ang bag ko, hinablot ang bag ko! Tu-loooooong!” sigaw ng isa sa mga matatanda.

Langya! Walang tumulong. Pinabayaang makatakbo ang snatcher. Wala na akong sinayang na oras at tinakbo at hinabol ko ang snatcher. Dahil mas kabisado ko ang aming lugar kahit pa nagpasikot-sikot pa ang walanghiya ay naabutan ko pa rin ang kumag.

“Heto na ho ang bag n’yo,” hingal na hingal kong sabi habang inaabot ang bag sa matanda.

“Sa-sa-salamat sa ‘yo, Jane. Pasensya ka na nga pala kanina sa amin, Jane ah!” habang inaabot ng matanda ang kanyang kamay para makipagkamay.

Siya namang abot ko ng aking kamay at sabay sagot ng “Jake, po” at ang matamis na ngiti ay lumabas sa aking labi.

About peter pun

Bakit laging lumilipad si Peter Pan? Kasi NEVERLANDS.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!