“Isaw”

Isa lang ang dahilan kung bakit
Sa paggising sa umaga
Maaliwalas ang mukha, masaya
May ngiti sa labi, malayo sa pighati.
Isa lang ang dahilan kung bakit
Sa pagbangon ay kaya kong
Harapin lahat ng paghamon
Ng kahapon, bukas at ngayon.
Isa lang ang dahilan kung bakit
Meron ako na tumatakbo
Hindi napapagod
Gaya ng pag-ikot ng mundo.
Isa lang ang dahilan kung bakit
Merong isang katwiran
Hindi man tama pero tumatama
Dito sa puso ko.
Isa lang ang dahilan kung bakit
May mga tanong
Na ‘di na kailangang sagutin
Imulat lang ang mga mata
At iyong makikita.
Isa lang ang dahilan kung bakit
Hindi ko makuhang magalit
Sa mundo, sa sarili
Lalo’t kaharap ka, nakangiti.
‘Di man perpekto,
Pero masaya.
‘Di man tayo,
Pero may ikaw at ako.
At sa isang libo’t isang dahilan..?
Isa lang.
Isang ikaw…
“Isaw.”
…Sa kakaantay sa inihaw kong isaw, nabuo ang tulang ‘to. Corny? Alam ko. May pinaghuhugutan? Hindi. May pinanggagalingan. ‘Yun, mas masarap pakinggan. ‘Yung habang tinutuhog ang isaw sa bbq stick, humuhugot ka naman ng konting emosyon para bigyan puwang sa iyong isipan, ang “isaw…”, na iniihaw. Kaya habang ang usok ay hindi pa naglalaho,  binubuo ko naman ang tulang ‘to sa isipan ko. Hindi kse ako mahilig magdala ng celfon pag pumupuntang palengke kaya wala akong choice kundi e-memorize ang kwentong hugis-puso na nabuo sa isipan ko. Akalain mo? Nang dahil sa isaw ay meron palang ikaw? Pero nang dahil din sa isaw ay wala pa lang tayo? Pero malay natin? Bilog ang mundo. Maraming pasikot-sikot, parang “isaw” na tinutuhog, kumaliwa man o kumanan, o duro-diretso, ay mararating din ang dulo. Sana ganun tayo. Sana sa dulo ay makita mo ako, may hawak na isaw at pangalan mo lang aking isisigaw. At magkukunwaring hindi kinikilig sabay sabi;”Tara kain tayo! Isaw! Treat ko!” 😀                                                                      
                        (photo credit: panlasangpinoy)

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!