“Isang Segundo Para Mahalin Mo”

Araw-araw, lagi kitang naiisip. Gabi-gabi, maniwala ka’t hindi, ikaw ang aking panaginip.

At paggising sa umaga,  sa isip ko, wala na yatang bukas na darating na hindi kita mamahalin. Dahil ang ngayon ay laging karugtong ng noon.

Kung dati ay minahal kita, ano pa kaya ngayon? Kita mo naman ganun pa rin ako, walang nagbago. Isang tawag mo lang kalilimutan ang lahat, iiwan pati trabaho, para sa ‘yo.

Tuwing maghahanap ka ng kausap at sa aki’y nakipag-chat, kahit lumamig na ang pagkain na pina-reserve ko sa canteen at kumalam na ang aking sikmura, kakayanin ko, para sa ‘yo. Dahil mas hindi ko masisikmura na iwan ka sa ere. Dahil kung babagsak ka rin lang, sana, sa akin na lang. Haha. Nakakatawa. Tayo. 

Photo credit: Pinterest

Sa hinaba-haba ng panahon at sa dinami-dami ng nangyari sa mga buhay natin, ‘eto pa rin ako, mahal na mahal ka. Tanga na kung tanga. Lahat naman ng nagmamahal, tanga. Sino ba ang hindi? Siguro sila na hindi pa nakararanas magmahal at mahalin. Pero meron nga bang ganun? Dahil sa tingin ko, ‘yun ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Dahil tayo’y nagmamahal. Minsan nga lang sa taong hindi laan sa atin. K’se ganun klaseng pagmamahal meron ako. Hindi kayang suklian. walang tamang pagkakataon o panahon.

Hanggang doon na lang. 

Doon sa ako lang ang makapupunta kahit hindi ka kasama. Pero kung sakaling doon tayo’y magpang-abot at sabihin ko sa ‘yo lahat ng gusto kong sabihin, ako ba’y pakikinggan mo? Iintindihin? Mayroon ka rin bang gustong sabihin? Sa akin? Paano kung hindi pa rin ako handa? Handang saktan mo ulit sa ‘sanlibo’t isang beses na pagkakataon?

Ano nga bang klaseng pagkakataon ang hinihintay natin? ‘Yung tama? O mali? O ‘tong pinipili nating katahimikan at distansiya sa ating pagitan? Nakabibingi. At sobrang layo. Pag malayo, malabo. Gusto ko, harapan. Prangkahan. Diretsahan.  “yung tipong isang minuto na lang, magugunaw na ang mundo. ‘Yung tipong ganitong usapan.

“Iniiwasan mo ba ako?”

“Bakit? Nagkasalubong ba tayo para masabi mo?”

“Pero ‘yun ang pinaparamdam mo.”

“Talaga? Akala ko ba manhid ka?”

“Yan. Diyan ka magaling. Sa pamimilosopo.”

“So pilosopo na palang maging totoo?”

“At ano’ng alam mo sa totoo?”

“Na mahal mo ako…”

…at bigla kang natulala. Napalunok. Di ka pa rin aamin?

May isang segundo ka na lang…

Oo. Mahal kita…”

(Puff…!)At nagunaw ang mundo.

Pero nasabi mo.

 

Photo credit: Goodreads

“Kailangan ba talagang hintayin mo pang magunaw ang mundo para masabi mo…?” – tanong sa akin ng isang matabil na dila.

Sa totoo lang, hindi. Kailangan ko lang siguro’y isang segundo.

“Isang segundo para mahalin mo.”

(Photo credit: Pinterest/Goodreads)

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!