Isang Nakahihilakbot Na Karanasan Sa UAE (OFW True Story)

Photo credit: www.vonfrederick.com
Photo credit: www.vonfrederick.com

(Paunawa: Ang susunod na kuwento ay isang tunay na karanasan na naisalaysay mismo ng biktima sa may-akda at nangyari nung March 2012. Personal ko siyang kakilala pero itatago natin ang kanyang pangalan para proteksiyon ang kanyang katauhan)

Ako si Sari, isang babaeng muslim na taga-Basilan. Sa edad na bente-kuwatro, hiwalay na ako sa aking asawa at may isang 10-taon-gulang na anak na babae na iniwan ko sa aking mga magulang ang pangangalaga.

Katulad ng karaniwang kuwento ng mga OFW, dahil sa kawalan ng oportunidad na magtrabaho sa ‘Pinas, sinubukan kong mag-abroad at dito nga ako napadpad sa UAE.

Namasukan ako bilang kasambahay sa isang lokal na pamilya sa Al-Ain. At tulad din ng karamihang kuwento, nakaranas ako ng pagmamalupit mula sa aking mga amo bukod sa trabahong kalabaw pa sa pag-aalaga sa dalawang bata at pag-aasikaso sa bahay.

Ilang buwan lang, nang hindi ko na matiis ang trabaho at kalupitan ay nagpasiya akong tumakas bitbit ang ilang pirasong damit at passport ko.  Tumuloy ako sa ilang kakilala sa Dubai na siyang pansamantalang kumupkop sa akin.

Makalipas ang ilang lingo ay nakahanap ako ng trabaho sa isang kumpanya sa Sharjah na gumagawa ng sand art – iyong mga may disenyong buhangin sa loob ng mga bote. Buti na lang at mabait ang amo ko at tinanggap ako kahit walang working visa. Yun nga lang patago-tago kapag may nagtitsek na baladiya (municipality) sa trabaho namin. Hindi kalakihan ang sahod pero mas okay na kesa maging katulong uli, bukod sa may konting kalayaan pa. Tumagal din ako ng halos dalawang taon sa kumpanyang iyon.

Dahil nga maliit lang ang kita, ay kailangang dumiskarte kapag walang pasok. Dito marami akong nakilalang nagsa-sideline – sa catering, sa paggawa ng invitation card, flower arrangement  at kung ano-ano pa basta kumita kahit konting pandagdag sa ipapadala sa pamilya.

At sa gawaing ito naganap  ang isang nakakahilakbot na karanasan na hindi ko na makakalimutan pa sa aking buhay.

Isang araw na wala akong pasok ay nakareceive ako ng text sa isang kakilala na may sideline daw kaming pupuntahan. Wala akong kapera-pera nun maliban sa 10 dirhams sa aking wallet kaya kahit gusto kung magpahinga ay umayon  na rin ako. Napagpasiyahan naming magkita sa Megamall sa Sharjah. Dahil malapit lang tirahan ko ay nilakad ko  na lang ito.

Matapos ang halos isang oras na paghihintay ay nakatanggap uli ako ng text at sinabing hindi na raw kami matutuloy. Bagama’t nanghihinayang ay wala akong nagawa kundi umuwi na lang uli sa tirahan.

Habang patawid ako ng kalsada ay biglang may bumusina sa aking likuran. At nang lingunin ko ito, namukhaan ko ang isang pinay din na dati kong nakasama sa isang catering. Siya si Arlene (di tunay na pangalan) at kasama niya ang kaniyang boyfriend na mukhang lokal na arabo na siyang nagmamaneho.

Matapos ang ilang sandaling kuwentuhan, napansin kong panay ang tingin sa akin ng boyfriend ni Arlene.  Binalewala ko lang ito dahil alam kong sadyang ganun ang karamihan sa kanila.

Naikwento ko kay Arlene ang nangyari sa akin nung hapon na iyon at biglang nagtanong sa wikang Arabic ang kaniyang boyfriend. Nag-usap sila sandali sa Arabic din kaya wala akong naintindihan.

Tapos ay biglang niyaya ako kung gusto ko raw sumama sa sideline sa Ajman para gumawa ng invitation card, ito ay ayon daw sa kaniyang bf.

Bagama’t atubili ako ay napilitan na rin akong sumama dahil kailangan ko ng pera at kasama ko din naman ay pinay din. Nagtiwala din ako kahit paano sa aking kabayan.

Habang tinatahak namin ang daan papuntang Ajman ay nagkukuwentuhan kami ni Arlene. Subalit napapansin kong panay ang sulyap sa akin sa salamin ng arabo at dito ay nakaramdam na ako ng pagkabalisa. Iba ang dating ng kanyang mga tingin.

Pagkadating sa Ajman ay itinuloy kami ng Arabo sa isang bahay na walang tao at halatang kasalukuyang ginagawa. Siguro ay pag-aari ng Arabo ang bahay na iyon.

Pagkapasok na pagkapasok sa pinto ay biglang isinarado at ini-lock ng arabo ang pinto at lahat ng bintana ng bahay.

Dito na ako kinabahan ng todo. Alam kong hindi maganda ang mangyayari. Inihanda ko na rin ang aking sarili.

Arlene, sabi ko, ano ba ito? Asan ang gagawin nating sideline at bakit isinarado ang lahat ng pinto?

Dun na mangiyak-ngiyak si Arlene na nagtapat sa akin.

Teh, pasensiya ka na ha? Sabi kasi ng bf ko ay kursunada ka niya at gusto kang makatalik.

Ano? sigaw ko, ikaw ang girlfriend niya at bakit ka naman pumayag?

Mapilit talaga ate, at pag hindi raw ako pumayag sasaktan tayo pareho at isusumbong pa sa pulis.

Habang nagtatalo kami ni Arlene ay nakangisi lang ang arabo sa akin na animo’y demonyong nakahanap ng masisilo.

Unti-unti siyang lumapit sa akin at akmang dadambahin na ako habang ako naman ay hindi malaman ang gagawin. Sinubukan kong sumigaw ngunit sabi lang sa akin ng arabo ay no people here, nobody hear you shout!

Sinubukan niya akong hawakan sa kamay at ihiga sa sofa ngunit nanlaban ako. Nagpambuno kami hanggang makarating sa sahig ngunit hindi niya matanggal ang damit ko. Umabot ng ilang minuto rin ang wrestling namin ngunit determindao akong hindi ko siya papayagang magtagumpay.

Si Arlene naman ay walang magawa at umiiyak na lang habang hindi man lang ako makuhang tulungan.

Ate, pumayag ka  na please para matapos na ang lahat, pagmamakaawa pa niya sa akin.

Mga hayop kayo hindi mo ako mapapayag kahit pa patayin mo ako! Sigaw ako ng sigaw habang nakikipagpambuno sa lalaki.

Balingkinitan ang aking katawan at malaki ang arabo, ngunit hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas para labanan ito.

Matapos ang ilang minuto ay tumigil ang arabo at binitawan ako, marahil napagod din. Tumayo ito, dumukot sa wallet niya at biglang inihagis sa akin ang pera, tatlong pirasong limandaang dirhams sabay sigaw:

Why you no like sex? I give you money there! Why no like? You filipini always want money, why you no like?

Pinagmumura ko siya sa lahat ng klaseng murang alam ko na hindi naman niya maintindihan. Pati si Arlene ay pinagmumura ko sa sobrang galit.

Sa ikalawang pagkakataon ay sinugod uli ako ng arabo at pilit dinadaganan ng kaniyang dalawang hita at tinatanggal ang sinturon ng aking pantalon.

Si Arlene naman ay narinig kong nagsusumamo na.

Habibi, I’m here why you do this? I’m here!  Subalit nang akmang lalapit siya sa amin ay isinalya siya ng lalaki.

Ako naman ay patuloy na lumalaban sa kahit anong pagpupumilit ng arabo. Naramdaman kong sinampal ako sa pisngi, sinuntok ang dalawa kong hita at hinawakan nng mahigpit ang dalawa kong braso. Pero handa na at akong mamatay nun ‘wag lang mailugso ang aking puri.

Sa ikalawang pagkakataon ay tumigil uli ang lalaki, tumayo at may tinawagan sa mobile. Ako naman ay nanghihina nang nakaupo na lang sa isang sulok ngunit di ko makuhang umiyak.

Arabic ang usapan kaya alam kong lalaki din ang kausap niya. Dito na ako pinanghinaan ng loob. Kung dalawang malalakas na arabo ang magtutulong sa akin ay tiyak mapapahamak na ako. Para na akong mamamatay nang sandaling iyon.

Maya-maya ay may kumatok at binuksan ng bf ni Arlene ang pinto. Isa nga uling arabo ang pumasok, ngunit nagulat ito sa nakita sa loob at mukhang nahulaan na ang nangyayari. Pagkapasok ng bagong dating ay ini-lock muli ng arabo ang pinto at itinapon ang susi sa isang sulok.

Nakatingin sa akin ang bagong dating at mukhang naawa sa kalunos-lunos na hitsura ko. Nag-usap sila sandali at mukhang nagtatalo ang mga ito.

Tinanong ko si Arlene kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa.

Ate, ipinapagamit ako diyan sa bagong dating, habang ang bf ko naman daw ang bahala saiyo.

Mga hayop talaga ito, sa loob-loob ko. Mga hayop!

Habang nagtatalo ang dalawang lalaki ay napansin kong kinindatan ako ng bagong dating at inginunguso ang susi sa sulok.

Dito ko nakuha ang ibig niyang sabihin. Inipon ko ang natitirang lakas at  nang malingat ang bf ni Arlene ay tumayo at tumakbo ako, sabay hablot ng susi, binuksan ang pinto at kumaripas ng takbo papalabas ng bahay. Nang lingunin ko sila ay nakita kong pinipigilan ng tumulong sa akin ang bf ni Arlene na akmang hahabol pa sana.

Habang kumakaripas ay nadaanan ko ang kotse ng lalaki na sinakyan namin kanina. Saka ko naalalang naiwan ko nga pala ang aking bag sa loob. Pinulot ko ang isang malaking tipak ng bato, binasag ang salamin ng kotse at kinuha ang bag ko saka pumara ng nagdaang taksi.

Pagkasakay ay tinawagan ko ang kasamahan sa bahay upang salubungin ako dahil wala akong pambayad sa taksi.

Pagkarating sa bahay ay saka lang ako nakaramdam ng pinaghalong sakit, galit at panghihina.

Putok ang aking kaliwang pisngi, may blackeye, puro galos ang braso at nangitim ang dalawang hita dahil sa suntok.

Nang makita ang sarili sa salamin ay saka ako bumunghalit ng iyak. Hindi ko lubos maisip ang nangyari sa akin. Halos dalawang oras sa impyerno ang napagdaanan ko kanina.

Nilagnat din ako at nagkasakit ng ilang araw dahil marahil sa trauma. Si Arlene ay hindi ko na rin nakausap at hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kaniya.

Pero pasalamat pa rin ako kay Allah na walang masamang nangyari sa akin.

Sa tulong ng isang kaibigan ay naayos ang mga papeles ko at nakauwi na akong muli sa Pilipinas makalipas ang ilang buwan.

Sa ngayon ay nandito ako sa Malaysia upang muling sumubok ng kapalaran at sana ay hindi impiyerno ang matagpuan ko dito.

Sa mga tulad kong Pilipina, mag-ingat sana kayo at sana ay may matutunan kayong aral sa aking karanasan.

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!