Isang Bukas na Liham para kay Madam

Dear Madam,

Kamusta na po kayo? Itatanong ko pa rin po kahit alam kong okey na okey lang kayo riyan. Yan na po ang pinakamagandang lugar na alam ko. Walang malungkot, walang umiiyak, walang nag-iisa o nangungulila at wala  ng pinoproblema pa. Masaya ako na malungkot. Masaya ako kasi alam kong kakaiba na ang taglay na ngiti sa mga labi mo. Alam ko rin naman kasing iyan ang kinasasabikan mong marating.

Pero alam kong alam mo rin kung bakit ako malungkot. Nang sabihin sa akin ni kuya ko ang balitang wala ka na, di ko na napigilan ang lumuha. Halos apat na araw akong walang patid sa pagluha, kahit pa nagtatrabaho ako. Di ko talaga mapigilan. Sa unang pagkakataon, tumangis ako sa pagkawala ng isang minamahal. Aaminin kong di ako umiyak ng mawala ang aking lolo’t lola, pati na rin tiyo at tiya. Siguro nga, masyado akong napalapit sa yo at napamahal ka na sa akin.

Nanghihinayang ako na hindi mo na nabasa ang huling liham ko. Nahuli kasi ng dating. Sana lang talaga nabasa mo pa yun bago ka lumisan. Gusto kitang patuloy na sulatan, pero paano na? Sang address ko naman ipapadala? At mabasa mo pa kaya yun? Sabi ni kuya ko, kahit na hindi mo na nahintay ang sulat ko, tiyak na malalaman mo rin ang mga nilalaman non.

At masaya rin akong malaman na napangiti ka sa mga sulat ko kahit papaano. Ilang beses ko na rin namang sinabi kay kuya ko na lubos ang pasasalamat ko sa Panginoon na may  nakilala akong katulad niya. At lubos rin ang paghanga ko sa mga magulang niya na nagpalaki sa kanya. At dahil sa sobrang tuwa ko sa kanya, na alam mo rin naman, yun lang naman ang kaya kong iganti sa lahat  ng kabutihang ginawa niya sa akin. Yung simpleng bagay na mapangiti yung nanay niya na labis niyang minamahal.

Isang biyaya ang makilala ka madam, kayong mag-anak. Nalulungkot lang din ako sa imposibilidad na makadaupang palad ko kayo sakaling maligaw ako sa lupain ninyo. Pero sabi naman ni kuya ko, pagdating namin dyan pareho, ipakikilala ka niya. Sana lang din hindi yan kagaya ng daigdig natin na sa sobrang lawak, ang hirap magtagpo ng dalawang taong nasa magkabilang panig ng mundo. Iyon na lang ang pag-asa kong makilala ang kaibigan ko sa panulat.

Sana may magawa ako para maibsan ang lungkot at pangungulila ng kuya ko. Alam mo kung gaano siya kaimportante sa akin at kung bakit. Ayaw kong makitang nalulumbay ang taong hinahangaan at tinitingala ko, dahil sobrang mahalaga siya sa akin. Sobrang lungkot ko sa tuwing maiisip kong kapiling ka niya sa buong buhay niya. Ito ang unang pagkakataong nawalay siya sa yo. Alam ko ang pakiramdam ng malayo sa pamilya, kaya alam ko ang sakit na dulot ng paglisang wala ng balikan.

Madam, isang liham pa ng pagpapaabot ng pagpapahalaga sa liwanag, ngiti at biyayang hatid ng pagkakaibigan sa panulat. Maraming salamat sa pakikinig at pagtanggap, at nawa’y masilayan ko nga ang mga ngiti mo sa ating pagkikita sa paraisong pinangako ni Hesus. Mabigat pa rin ang aking dibdib sa alalahaning dulot ng yong pagkawala, ngunit ang isiping ang Ating Ama na ang iyong kapiling ang siyang nagpapagaan ng lahat ng lumbay sa aking puso. Sa wakas, tapos na ang paghihirap at ang bunga ng yong matagumpay na paglalakbay ay iyo ng tinatamasa. Ang buhay na walang hanggan kapiling ang ating Dakilang Ama.

Isang pagbati sa mga anghel at sa Ating Ama. Kalakip ang aking pag-asa at pag-ibig, nawa’y makarating sa iyo ang huling liham na ito.

Mula sa iyong natatanging kaibigan,

King

About king-yrl

sa dinami-dami ng nais, ni isa walang matukoy na nais simulan sa ngayon. Nananatiling lagalag at naghahangad maging manunulat kuno, kahit wala namang maisip isulat kundi mga utang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!