Inay (A Mothers’ Day Special)

Inay (Photo Credit:YouTube)
Inay (Photo Credit:YouTube)

Inay, naalala kong muli noong ako ay bata pa: Kung saan ako ang nagkusang bumitaw sa iyong mga kamay habang tumatawid ng kalsada, dahil ang sabi ko’y malaki na ako at kaya ko nang mag-isa. Ayaw ko nang magpatulong sa pag-akyat ng hagdan dahil matangkad na ako. Ayaw ko nang matulog sa tanghali dahil may plano na ako. Ayaw ko na ng gulay dahil hindi mo na ako maloloko. Ayaw ko na ng piso dahil lima na ang gusto ko. Ayaw ko na ng ilaw sa gabi dahil hindi na ako takot. Ayaw ko na ng gatas dahil kape na ang uso. Ayaw ko nang katabi ka sa pagtulog dahil nagbibinata na ako, at ang kailangan ko ay solong kuwarto. Ayaw ko na ng mga payo dahil kaya ko nang magdesisyon sa sarili ko. Ayaw ko na nang hinahatid at sinusundo ako dahil nakakahiya na sa barkada. Ayaw ko na nang tinatawag na bunso dahil tuli na ako. Ayaw ko na nang laging pinagsasabihan dahil kaya ko na. Kaya ko na!

Pero hindi pala lagi, Inay. Ngayong dumaranas ako ng mabibigat na suliranin, hindi ko kayang mag-isa. Kailangan ko ng iyong pag-aalala, ng iyong akay, yakap at halik. Kailangan ko ang iyong balabal na babalot sa aking balikat tuwing taglamig. Kailangan ko ang iyong mga salitang nagpapakalma, na magpapaunawa sa aking hindi ako nag-iisa. Kailangan ko ang iyong galit na nagtuturo ng tama. Kailangan ko ng pingot, palo, at sermon. Kailangan ko ng iyong pagmamalaki sa iba sa tuwing nakagagawa ako ng maganda. Kailangan ko ng presensya mo sa tuwing may pagpupulong sa paaralan. Kailangan ko ng iyong panunuyo. Kailangan ko ang pagpapalit mo sa akin ng damit kapag pawisan o basa sa ulan. Payagan mo ulit akong magtampisaw sa ulan ha, kailangan ko kasi ang punas mo.

Kailangan ko rin ang supot na agad nandyan sa tuwing susuka ako sa biyahe, Inay. Kailangan ko ng piso, ng pisong nagpapatahan sa aking pag-iyak. Kailangan ko ng pulbo, ng band aid, ng alcohol, thermometer, gamot, payong, kapote, bota, kutsarita, gatas, ipagtimpla mo ako ng gatas, Inay, bago matulog. Oo, bago matulog ay awitan mo ako, kuwentuhan, kamutin mo ang likod ko, yakapin mo ako. Turuan mo ulit akong magdasal, Inay, sumulat at bumasa. Iduyan mo ako. Paypayan ng abaniko.

Isama mo ako sa palengke, at magtuturo ako. Bilhan mo ako nun. Punta tayo dun. Sino ‘yon? Ano ‘yon? Mamaya tayo umuwi, Inay. Iarkila mo muna ako ng barong para sa sayaw namin. magpakuha tayo ng retrato. Ayaw ko pang umuwi. Kahit madilim na, dito lang tayo sa plaza. Gusto kong sumakay sa kabayo doon sa karnabal. Gusto kong maligo sa dagat bukas bago sumikat ang araw. Inay, maglaba tayo sa ilog, magluto tayo dun. Subuan mo ako. Sa ibabaw ako ng lamesa kakain. Tapos isungkit mo ako ng mangga. Maggamas tayo. Magwalis. Samahan mo ako sa kapitbahay, kaarawan ng kalaro ko at nahihiya akong pumuntang mag-isa. Sasamahan naman kita sa tindahan kapag kailangan mong umutang ng delata at bigas. Ihatid mo ako sa eskuwelahan. Sunduin mo ako sa kapitbahay. O kahit ano pang maaaring gawin basta kailangan kita.

Kay layo ko na kasi, Inay. Tinuruan mo ako ng maraming bagay upang maging matatag, upang umasenso sa buhay, upang sa pagdating ng araw, sa sandaling kailangan ko nang bumuo ng sariling pamilya — maging magulang — ay kaya ko nang gampanan ang mga ginampanan mo noon sa akin. Alam kong hindi na maibabalik ang dati, pero hayaan mong alalahanin kita, sapagkat alam kong hindi ka tumigil mag-alala sa akin. Ikaw ang nag-iisang taong kabisado ako.

Inay, ina, mama, mommy, mom, ma, nanay, nay, me. O ano pa mang mga tawag sa iyo. Salamat! Bago ka pa pangarapin ni itay, nauna mo na akong pinangarap. Bago pa ako kargahin ng iba, nauna ka na sa siyam na buwang pagdadala sa akin. Bago ko pa masilayang ganap ang mundo, nauna ka nang bantayan ako. Bago pa hawakan ng iba ang kamay ko, nauna ka nang umakay sa akin. Bago pa ako matutong magsalita, nauna ka nang umunawa. Bago pa ako masaktan, nasaktan ka na. Kaya, Inay, bago ang lahat, nais kong malaman mo na natuto ako hindi lamang para sa sarili at sa mga taong mamahalin ko pa lang, natuto ako para sa iyo at mahal na mahal kita.

Kaya hayaan mong unahin kita. Hayaan mong sa iyong pagtanda ay alagaan kita. Hayaan mong sa pagdating ng araw ay ikaw naman ang aking aakayin. Ang aking yayakapin. Ang aking hahalikan. Katulad noong ako ay bata habang ika’y ina, hayaan mong baliktarin ko ang mundo para sa iyo; hindi dahil darating ang araw na hihina ka, kundi dahil balang araw ay makauunawa ako. Kaya, Inay, ako naman ang magkukuwento tuwing gabi: kung paano ako naging ako matapos dumaan sa mga kamay mo.

Uuwi na ako, Inay. Ang gusto ko’y sunduin mo ulit ako sa paliparan gaya ng pagsundo mo sa akin sa paaralan. At pangako kong hindi mo na ako ihahatid muli palayo. Hindi na ako lalayo. Mananatili ako hanggang sa dapithapon ng iyong buhay.

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!