Ina, Anak at ang “The Greatest Love”

Image by Star Cinema

Hindi lang tumagos sa aking puso ang teleseryeng “The Greatest Love”. Umabot pa ito hanggang sa kaibuturan ng aking kaluluwa at nasagi niya ang lahat ng bahagi ng aking pagkatao. Sapul na sapul ako bilang isang kaibigan, anak, kapatid, asawa at lalo na bilang isang ina.

Humanga ako kay Lydia. Isang tapat na kaibigan. Taglay niya ang uri ng pagmamahal na sinukat ng panahon. Hindi bumitaw. Hindi nang-iwan. Ilang kaibigan pa kaya ang handang maging Lydia sa isang Gloria sa panahong ito?

Isa ka bang Paeng? Isang anak na rebelde? Na kahit na ilang beses bigyan ng pagkakataon ng kanyang magulang, ng pagmamahal at tiwala ay paulit-ulit rin niya itong sasayangin. Hanggang saan mo ba kayang saktan ang iyong magulang?

O, baka naman isa kang Lizelle na handang maging “shock absorber” ng lahat ng hinanakit ng iyong mga kapatid? Hanggang saan kayang subukin ng panahon ang iyong pagiging anak at pagiging kapatid?

Siguro ikaw si Andrei na nalibang sa buhay at nakalimutan na mayroon pala siyang nanay na naghihintay. Isang anak na nilamon ng ambisyon at nawalan ng oras para sa mga mahal sa buhay.

Malamang, marami ang tulad ni Amanda. Palaban. Matapang. At mapanghusga. Sa lahat ng anak, sa kanya kumulo ang aking dugo. Ang gusto niya, ang nanay niya ay maging perpekto. Masyadong mataas ang tingin niya sa kanyang sarili at nakalimutan niya na tao lang din ang Nanay niya at nagkakamali.

Si Peter. Wagas kung magmahal. Handang maghintay. Sa karakter niya, may “forever”. Isang pagmamahal na walang kapantay. Mahirap makahanap ng isang tulad ni Peter.

At si Gloria. Kailan ba ako pinaiyak ni Gloria? Nung paulit-ulit siyang pinapahiya ni Amanda? O nung sinabihan siya ni Amanda na, “Sana, totoo na lang na mamamatay ka na”?

Hindi ko na nabilang. Napakaraming beses akong pinaluha ni Gloria. Naasar na nga ako sa kanya nung hindi niya pinapatulan si Amanda. Ang pagiging ulirang ina, ipinakita ni Gloria. Kakayanin niyang saluhin ang lahat ng pangit at masakit sa buhay, maisalba lang ang kanyang mga anak.

Sa totoo lang, nagalit at nakisimpatiya ako sa bawat karakter sa seryeng ito dahil nahanap ko ang sarili ko sa bawat isa sa kanila. Bawat isa sa kanila, nasasalamin ko ang aking pagkatao. Nagagalit ako, kasi nakita ko sa kanila ang hindi ko mapansin sa sarili ko. Naramdaman ko ang lahat ng halo-halong emosyon na inihatid ng bawat karakter. Marahil, ganun din ang marami sa inyo na nakapanood sa bawat episodio ng “The Greatest Love”

Madalas, sa sobrang “expectation” natin sa ating mga magulang, nakakalimutan natin na bago sila naging magulang, dinaanan na muna nila ang pagiging anak. Nagmahal din sila. Nagkamali. Hindi sila perpektong tao. Marunong din silang mapagod at masaktan. Maaari rin silang mawala….anumang oras.

Tumatak din sa aking puso ang pagpapahalaga sa pamilya. Na kahit na anong mangyari, dapat tanggapin at mahalin natin ang isa’t-isa. Dahil sa bandang huli, pamilya mo pa rin ang aakay at magmamahal sa iyo.

Ang Alzheimer na sakit sa istoryang ito ay sumisimbolo sa isang sakit na lahat tayo ay mayroon. Ang PAGLIMOT. Nalilimutan nating umunawa, magmahal, magpakumbaba, magpatawad at lumingon. Nakakalimutan natin na maikli lang pala ang buhay kaya dapat ay huwag itong sayangin. Na dapat, maisip natin na mas makapangyarihan ang PAGMAMAHAL kaysa sa GALIT.

Bilang pagtatapos, nagpapasalamat ako sa mga malikhaing utak na nakaisip ng isang makabuluhang istorya na katulad ng “The Greatest Love”. Hindi sa lahat ng panahon ay may mga ganitong teleserye na uukit sa ating puso at magpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pamilya sa lahat ng oras.

Lagi kayong magmahalan. Dahil hindi naman nauubos ang problema. Ang oras din….nauubos pala talaga ang oras? Kaya lagi kayong maglalaan ng oras para sa isa’t-isa. Sana wish ko, hanggang sa pagtanda n’yo lagi kayong magkita-kita. Lalo na tuwing Linggo. Kahit gaano kayo ka-busy. Saka lagi kayong kumuha ng pictures ha! Maraming-maraming pictures. Dahil ang pictures na iyon ang magpapaalala sa inyo ng maraming alaala. Lalo na pag nakakalimot na kayo. Mga anak, kayo ang kayamanan ko. Kayo ang greatest love ko.” – Gloria (“The Greatest Love”)

About Joy Rebanal-Laygo

Residente ng ibang bansa, Pilipino pa rin sa puso at diwa. Isang anak, kapatid, asawa at ina. Walang pakialam sa sasabihin ng iba.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!