Ikinahihiya Ko ang Aking Ina

Tears (Photo credit: loverofsadness.net)
(Photo Credit:    Canstockphoto)
(Photo Credit: Canstockphoto)

Ako si Daniel, isang matagumpay na negosyante at may pamilya na ngayon. Mayroon akong tatlong anak, magandang bahay, maunlad na buhay, mabait na asawa at kilala sa larangan ng negosyo.  Sa kabila ng aking karangalan at karangyaan ay hindi ito sapat at kung maaari lamang ay ipagpapalit ko itong lahat makasama ko lang ang aking ina na huli na nang nalaman ko kung gaano niya ako kamahal.

Ang aking ina ay bulag sa isang mata, ngunit kahit ganito ang kanyang kalagayaan ay mag-isa siyang nagtataguyod sa akin.  Nagluluto siya ng mga ulam at kanin at siya ay nagbebenta sa mga guro sa aming paaralan. Pilit akong umiiwas sa kanya dahil lagi siyang nagiging tampulan ng mga tuksuhan at ayokong madamay doon.

Isang araw ay dinalaw niya ako sa paaralan para kumustahin; nagulat ang mga kaklase ko at pagkaalis niya ay tinutukso na ako ng aking mga kaklase at napahiya na ako nang husto kung kaya sa aking pag-uwi ay agad ko siyang hinarap.

Sinabi kong bakit ka nagpakita sa klase at sana ay hindi na niya ginawa iyon dahil wala na akong ipakikitang mukha sa aking mga kaklase. Humingi siya ng paumahin sa ginawa niya, pero ako ay nagbingi-bingihan at nasabi kong sana ay namatay na lang siya para hindi na ako mabigyan ng kahihiyan. Tumahimik lamang siya at walang sinabi.

Dahil doon ay pinilit kong pagbutihan ang aking pag-aaral at nang makatapos ay nag-abroad ako at hindi ako sumulat man lang sa kaniya; talagang abot hanggang langit ang pagkagalit ko sa kanya. Nakapag-ipon ako at nang matapos ang sampung taon na pamamalagi ko roon ay umuwi ako at nakapagpundar ng negosyo at nakapag-asawa at nagkaanak. Maayos na ang aking buhay at masaya kaming lahat.

Isang araw ay biglang pumunta ang aking ina sa bahay upang ako ay kumustahin. Nang makita siya ng aking mga anak ay nagsigawan sila sa takot at kalaunan ay nagtawanan dahil nga sa kanyang mata. Kaya nang aking hinarap ang aking ina ay sinabi kong bakit ka naparito, natakot tuloy ang mga bata at sana ay umalis ka na dahil hindi kita kailangan. Ang sinabi lamang ng ina ko ay “Kinukumusta lamang kita” at matapos noon ay umalis na siya. Hindi na siya nagpakita may limang taon na mula noon.

Nakatanggap ako ng balita na may reunion daw sa aming paaralan at ako ang panauhing pandangal dahil sa lahat ng ka-batch namin ay ako ang pinakamatagumpay kaya’t piniling magbibigay ng mensahe sa aming mga kaklase.

Pagdating ko doon ay isang dating kaklase ang may inabot na isang sulat at ito raw ay galing sa aking ina na pumanaw na. Wala akong emosyon na ipinakita o nalungkot man lang. Wala na akong pakialam sa kaniya dahil sa pagkapahiya ko noong ako ay maliit pa lamang.  Binuksan ko ang liham para malaman ang sinulat niya at ito ang nakalagay.

“Anak, masaya ako nang malaman ko na magkakaroon kayo ng reunion dito sa dati mong paaralan, pero siguro ay hindi ako makadadalo dahil nakaratay ako rito sa aking higaan at malubha na ang aking sakit. Pasensiya na sa mga pagkakataon na napahiya ka sa mga kaklase at mga anak mo nang makita nila ang itsura ko. Hindi ko na naikuwento sa iyo, noong maliit ka pa ay napakalikot mong bata at nadisgrasya ka; kung kaya dahil ayaw kong lumaki kang may kapansanan ay ibinigay ko ang isa kong mata sa iyo para makita mo ang ganda ng mundo at maging buo ang iyong paningin at pagkatao. Dahil sa pagmamahal ko sa iyo ay ayokong makita kang nasasaktan at salamat na lamang at lumaki kang matagumpay. Basta tandaan mo, anak, na kahit anong mangyari ay mahal na mahal kita.”

——–

Kaya ko ito naisulat  ay upang ipaalala sa inyo na iisa lamang ang ating ina na siyang nagluwal mula sa kanyang sinapupunan. Pinalaki at inalagaan tayo dahil sa labis na pagmamahal nila sa atin kung kaya sana matapos ninyong mabasa itong sanaysay ko ay tawagan ninyo ang inyong nanay upang sabihin sa kanila na mahal n’yo sila dahil hindi natin alam kung kailan sila mawawala sa atin.

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!