Ikaw? Ano ang Esensyal sa Buhay Mo?

Photo Credit: 99hdwallpaper.com
Photo Credit: 99hdwallpaper.com
Photo Credit: 99hdwallpaper.com

Tahimik akong kumakain noong araw na iyon habang katabi ko ang bunso kong kapatid. Nagulat na lamang ako noong bigla siyang nagtanong:

“Bakit kailangan magtrabaho?” sabi niya.

“Siyempre, para may pambili tayo ng pagkain,” sagot ko.

“Bakit?” muling pagtatanong niya.

“Kailangan kasi natin ang pagkain para mabuhay,” muling sagot ko.

“May trabaho ka na?” pangungulit niya.

“Ah, eh… Wala pa eh,” nakita ko ang reaksyon niya na parang nagtataka, nang sabihin ko iyon.

“Hmm… Sabi mo, nagtatrabaho tayo para mabuhay. Eh, bakit buhay ka pa? Wala ka namang trabaho,” muling sinabi niya.

Medyo nagpanting ang tainga ko nang sinabi niya iyon. Aminado ako na ako yung tipo ng tao na hindi basta-basta tumatanggap ng pagkukulang. Kaya’t para mabawasan na ang makulit niyang pagtatanong eh, pilosopo ko siyang sinagot.

“Buhay ako kasi humihinga pa ako,”

“Pwede pala tayong mabuhay kahit hindi nagtatrabaho eh. Huminga na lang tayo, hindi pa yun nakapapagod,” sabi niya sa mahinang boses.

Napa-isip ako ng malalim sa sinabi niyang iyon. Tama ba ako sa sinabi ko? O, mas tama siya? Ano nga ba ang mas mahalaga? Ang paggawa upang matustusan ang pangangailangan? O, ang maupo sa tabi at huminga upang mabuhay? O, parehas lang?

Maaaring iba-iba rin ang kasagutan natin sa mga tanong na ito.

Ikaw? Natanong mo na ba kung ano ang esensyal sa buhay mo?

Naalala ko noong nagkasabay kami ng isa sa mga matatalik kong kaibigan sa isang sasakyan. Mainit at siksikan noon, tanda ko pa. Ngunit hindi ko alam kung bakit nagagawa pa niya ilabas ang salamin, pulbos, at lipstick niya upang mag-retouch. Nakatingin lang ako sa kaniya, hindi na iyon bago para sa akin, sanay na ako.

Pagbaba namin, hindi ko na napigilan ang sarili kong tanungin siya:

“Ano yung pakiramdam kapag hindi ka nakapag-re-retouch? Parang may kulang ba?” Nagulat din ako sa sarili ko pagkatapos ng tanong ko na iyon. Ngunit hindi ako nagpahalata. Tumingin siya sa akin, ngumiti, saka sumagot, “Oo.”

Magsasalita pa sana siya ngunit hindi ko sinasadyang maputol. “Tingin mo, esensyal yan sa buhay?” hindi ko sinasayang maging ganoon ang tono ng tanong ko. Ang ibig ko lamang sabihin ay masyado ba iyong importante para sa kaniya. Na kahit sa nagsisiksikang sasakyan eh, nakahahanap siya ng paraan para magpaganda.

“Oo, para sa akin, kailangan iyon sa buhay,” sagot niya habang nakangiti. Habang ako, nagtataka pa rin.

Kung esensyal nga iyon sa buhay, ibig ba sabihin noon hindi ko naiintindihan ang buhay? Dahil iba ako sa kaniya? Pinipilit ko siyang intindihin, kaya naman muli akong nagtanong.

“Ano pa ang mga hilig mong gawin?”

“Ang totoo, gusto ko kasing mag-stand-out sa karamihan. Gusto ko yung mapapansin kaagad ako, yung nasa spotlight palagi ika nga. Gusto kong maging pinakamagaling sa pagsayaw at pagkanta sa harapan ng maraming tao. Pinangarap ko rin dati na maging beauty queen. Ngunit hindi naman iyon lahat para sa akin, iyon eh para maging proud ang mga taong malalapit sa akin. Nakatatawa, ano?” Sinabi nya iyon habang nakayuko at nakangiti. “Ikaw? Ano ang esensyal sa buhay mo?”

Nagulat ako sa tanong niya na iyon, aaminin ko, hindi ako nakapaghanda. Hanggang ngayon kasi hindi ko pa masyadong kilala ang sarili ko, hindi ko pa alam kung saan ako patungo. Gagayahin ko ba ang sagot niya? Muling bumalik sa akin ang tanong ko sa sarili, kung ano ba ang mas mahalaga? Ang paggawa upang matustusan ang pangangailangan? O, ang maupo sa tabi at huminga upang mabuhay? O, parehas lang?

“Ano ba yung gusto mong gawin sa buhay? Ano ang nagpapasaya at ang mahalaga para sa iyo?” Muli niyang tinanong, nag-isip akong muli, saka sumagot.

“Ako?… Gusto kong magsulat nang magsulat tungkol sa iba’t ibang mga bagay. Mapunta ng iba’t ibang lugar, kumuha ng litrato, itago sa kuwarto, at ipakita sa mga magiging apo ko. Gusto kong makaakyat ng mga matataas na bundok, mag-bonfire at magtayo ng tent habang nagpapahinga, sumigaw ng napakalakas kapag nasa tuktok na, saka bumaba nang nananabik upang ibahagi ang karanasan sa iba. Gusto kong tumira sa labas ng kalawakan nang ilang araw, umupo sa buwan, titigan at mamangha sa lahat ng nilikha. Masaya na akong makitang nakangiti ang pamilya ko sa umaga, lalo na kung alam kong ako ang dahilan ng tuwa nila.”

“Iyon naman pala eh,” saka siya muling ngumiti sa akin.

Hindi ko alam kung bakit sa mga sandaling iyon, naintindihan ko kung bakit gusto niya palaging nagpapaganda ng sarili, saan man siya nandoon. Wala na ring nagsalita sa aming dalawa simula noon. Tila ba, naging sikreto na lang namin iyon sa isa’t isa. Hindi ko na rin tinanong kung anong reaksyon siya sa mga ka-wirdohan na sinabi ko.

Isa lang ang naintindihan ko simula noon. Dumedepende pala ang esensyalidad ng buhay kung saan ka masaya. Upang mahanap ang importansiya ng buhay, hanapin at gawin mo kung saan ka masaya.

Kung masaya kang umiibig, maaari mong sabihing napaka-romantiko ng buhay. Kung masaya kang umawit at sumayaw, maaari mong sabihin na ang buhay ay parang musika. Kung masaya kang nakararating kung saan-saan, maaari mong sabihin na ang buhay ay isang mahabang paglalakbay. Kung masaya ka sa pagsusulat, may karapatan kang sabihin na ang buhay ay puno ng iba’t ibang kuwento. Kung masaya kang nakikita ang ngiti sa iyong pamilya, pwede mong sabihin na ang buhay ay ginagamit upang mapasaya ang iba.

Tayo ang gumagawa ng buhay natin, tayo ang makapagsasabi kung ano ang esensyal para sa atin. Higit sa lahat, tayo lang ang tanging makasasagot sa tanong na: Ano ang mas mahalaga? Ang paggawa upang matustusan ang pangangailangan? O, ang maupo sa tabi at huminga upang mabuhay? O, parehas lang? O, wala sa nabanggit? O, nevermind?

Pati na rin sa tanong na: Ikaw? Natanong mo na ba kung ano ang esensyal sa buhay?

About anne

Isang taong sa pagsusulat lamang naibabaling ang hindi lubusang masabi ng bibig. Seryoso ngunit madalas ay bata-isip. Hindi nag-aral ng pormal sa pagsusulat, hinahayaang ang puso at isip ang magtakda ng bawat titik.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!