If Looks Could Kill – 5

(Photo Credit: theodysseyonline)

“HALA, ala una na,” aligagang nag-ayos ng sarili si Sherine matapos silipin ang tumunog na cellphone. Mabilis itong tumayo at dumiretso sa kusina para harapin ang kanina’y naibabad nang frozen na manok.

“Ano’ng ginagawa mo?” tanong ni Joon na tumayo na rin para makiusyoso sa kusina.

“Tanghalian. Matulog ka muna, gigisingin ko na lang kayo kapag tapos na ito.”

“Tulungan na kita. Huwag ka nang humirit,” pangunguna ni Joon sa babae. “Ano ba’ng puwede kong gawin?”

Tumigil sa paghahati ng manok si Sherine saka tumingin sa lalake na parang nananantiya. “Mapilit ka,ha. O, ayan.” Iniabot niya rito ang sibuyas. ” Gayatin mo iyan.”

“Ma, sali ako,” sabad ng nagkukusot pa ng mata na si Frido na kagigising lang din.

“Seloso. Halika, itong paborito mong bawang ang bakbakan mo,” nakangiting aniya.

Lahat sila ay nakangiti habang may ginagawa, pero maya-maya ay luhaan na si Joon. Agad napansin iyon ng bata.

“Mama! Si Montoya, umiiyak! ” sumbong ni Frido.

“Yung sibuyas kaya..” natatawa ngunit luhaang sagot ni Joon. Bumaling ang tingin niya kay Frido nang bigla nitong hinablot ang kutsilyo na nasa harapan niya. Tumingin siya kay Sherine na parang humihingi ng senyas para sawayin ang anak, pero nginitian lang niya ito.

Tulala si Joon sa nakitang pag-mince ni Frido sa bawang. Pinong-pino at mabilis. “Hanep ah!” puri ni Joon sa bata. Nakipag-apiran pa ito nang matapos sa ginagawa. “Nakikini-kinita ko na, magiging chef ‘to paglaki. Ang galing, eh! Dinaig pa ‘ko?”

“Naku, bago pa natuto iyan, marami munang nasayang na bawang. Nalalaglag sa sahig eh. Ang kulit, gusto niya lagi tumulong dito sa akin sa kusina.” Iniabot ni Sherine ang iba pang papayang hilaw sa dalawang lalake sa harap niya. “O, ayan pa. Pagtulungan nating balatan ito para mabilis tayo.”

SABAY-SABAY na nagsalo sa hapag ang tatlo nang maluto ang tinola. Kuwentuhan, yabangan, tawanan ang ginawa nilang dessert. Taob ang kaldero at kawali nang matapos silang kumain. Tinulungan na rin ng dalawa si Sherine sa pag-iimis ng pinagkainan, maging hanggang sa paghuhugas ng pinggan.

At dahil nga brown out, nilabanan nila ang inip sa pamamagitan ng paglalaro ng cards. Ang matalo sa bawat round, nilalagyan ng uling sa mukha. Masaya ang naging laro ng tatlo at dinaig ng halakhakan nila ang ingay ng ihip ng hangin hatid ng bagyo. Ang ending, si Sherine ang talo at wala nang puwedeng puwestuhan ang mga guhit ng uling sa mukha niya dahil punong-puno na iyon.

“Ano ang gusto mo paglaki mo, Frido?” pag-iiba ni Joon nang matapos ang laro.

“Gusto kong maging..” tumigil ang bata at tumingala na parang nag-aabang ng malalaglag na kasagutan mula sa kanilang bubong. “Hindi ko pa alam eh. Ano ba’ng maganda, Mama?”tanong nito sa ina.

“Aba, malay ko sa `yo,” sagot ni Sherine habang hinihilang palapit sa kanya ang anak para yakapin.

“Huwag mo na muna isipin iyan. Ang isipin mo ngayon, mag-aral ka nang mabuti. Habang lumalaki ka, malalaman mo kung san ka magaling, kung anong gusto mong gawin, kung ano ang gusto mong maging.”

“Basta gusto ko, kahit malaki na ‘ko,magkasama tayo. Hindi kita iiwan mag-isa dito kasi kawawa ka naman dito sa bahay,” sinserong wika ni Frido.

Naluluha si Sherine sa mga tinuran ng anak. Bukod sa ‘I love you’ at ‘napakaseksi mong mama’, iyon na wari ang pinakamasarap na nadinig niya mula sa anak.

“Ang bait naman ng anak ko, pakiss nga ako.” Hindi lang kiss ang ginawa niya kundi niyakap pa niya ito nang mahigpit. “Dito ka sa gitna namin ni Montoya, dali! Picture-picture tayong tatlo,” ani pa niya saka inilabas niya ang cellphone na may camera.

“Kasali ako?” nagtataka pang tanong ni Joon. Matapos ma-shot-an mula sa camera ng karag-karag na cellphone ni Sherine, ang medyo mamahaling cellphone naman ni Joon ang ginamit nila.

“Patingin ako!” inagaw ni Frido ang cellphone ng dalawang nasa tabi niya. Tumayo pa ito at tumakbo paakyat sa kuwarto niya. Susundan pa sana ni Sherine ang bata para bawiin ang mga cellphone pero pinigilan siya ng lalake.

“Hayaan mo na muna, titingnan lang naman daw eh,” nakangiting pagtatanggol na naman ni joon sa bata.

“Huwag pindot nang pindot ha. Baka masira yang cellphone!” habol na sigaw pa ni Sherine. Saka ito bumaling ng atensyon sa lalake. “Pasensya ka na sa anak ko ha, ang kulit eh. Tapos ikaw naman, kunsintidor. Sarap ninyong pagbuhulin na dalawa.”

Tinawanan naman iyon ng kausap. “Sweet ‘yung anak mo,” puri nito saka umayos ng pag-upo at humarap ss kausap.

“Oo nga eh. Sana hanggang paglaki, consistent ‘yung pagka-sweet niya.”

“Feeling mo ba tatanda ka mag-isa?”

Nagkibit-balikat muna siya bago sumagot. “Ewan ko. Hindi naman daw ako iiwanan ni Frido eh. Pero magkakaasawa din iyan. Magkakapamilya. ‘Yung life ko that time, hindi ko pa naiisip. Come what may na lang,” mahabang paliwanag ni Sherine.

“Gusto mo, samahan kita that time?”

“Matanda ka na rin sa panahong ‘yon, makukuha mo pa bang maglakwatsa? Ano, dadayo ka dito sa akin para makipaglaro ng baraha?” natatawang komento ni Sherine.

Hindi na lang umimik ang lalake, imbes ay gumuhit na lamang ang ngiti nito sa labi saka bumaling sa nakitang sketchpad na nasa ilalim ng lamesita.

“Hanggang kailan ka nga pala dito sa Pinas? Babalik ka pa sa Saudi?” pag-iiba ni Sherine.

“Oo babalik ako. Kailangan, eh. Six months ‘yung bakasyon na ifi-nile ko sa office,” sagot ng lalake ng hindi na iniaalis ang paningin sa binubuklat nang sketchpad.

“Mahabang bakasyon ah. Nakatawag ka na ba sa inyo? Nasabi mo nang nandito ka na?”

“Oo naman, kahapon pa. Sabi ko, nakikituloy ako sa kaibigan for a while kaya huwag na sila mag-alala.
After ng bagyo, uuwi na ‘ko. Diretso ako sa bahay, kina nanay.”

“Nakuh, miss ka na sigurado ng mga iyon. For sure, sabik na sila sa arrival mo.”

“Siguro. Sabik na rin naman ako umuwi, eh.”

Ngumiti lang si Sherine. “Gusto mo ng kape? ” alok niya. Tumango naman ang lalake. Mabilis naman niyang naipaghanda ng kape ang bisita.

Lumapit siya sa lalake at iniabot ang tasa ng kape. Umupo siya sa maliit na table sa harap nito. “May asawa ka na ba, Joon?” agad niyang tanong.

Buti na lang hindi pa nakakahigop ng kape ang lalake; kung hindi, marahil ay nabugahan na nito ang babae sa mukha dahil sa tinuran ng kaharap. “Shebangs, kung may asawa ako, siya mismo ang susundo sa akin sa airport pa lang.”

“Bakit galit ka? Para nagtatanong lang,eh,” natatawang biro ni Sherine.

“Hindi ako galit, pinopoint out ko lang sa ’yo ang normal na scenario kung may asawa na ‘ko,” nakangiti na ring sagot ni Joon. Tumango-tango naman ang kaharap.

“Girlfriend, mayroon?” pagpapatuloy ni Sherine sa panggigisang ginagawa sa lalakeng tipid magkuwento.

Natagalan ito bago sumagot. Marahil, nag iisip kung ide-deny ba o hindi.

“Bakit mo ba itinatanong, mag-a-apply ka bang girlfriend ko? Oy, ‘di ako easy ha,” biro niya.

Kinutusan muna ni Sherine ang kausap bago umimik. “Huwag ka ngang assuming, manong. Nagtatanong ako kasi ang tipid mo magkuwento. So, ano nga?”

“Meron. Pero na-fall out of love na ‘ko sa kanya eh,” sa wakas ay sumagot ito.

“Agad-agad? I’m sure magbabago na ‘yan kasi nandito ka naman na sa Pinas. Iba pa rin ‘yung feeling ‘pag magkasama kayo, ‘no. Malay mo’t manumbalik yung spark, naks!”

Umiling-iling naman si Joon. “Balak ko na ngang makipag-split eh. Wala na kasi talaga. Tapos.. basta,” parang timang na bigla na lamang itong ngumiti.

“Asus, kinikilig si Manong! i-share mo! Ano? May iba ka na? Two timer ka no? Tsk, sabi ko na nga ba eh!” may paghampas pa sa hitang sambit ni Sherine.

“Ang galing mo mambintang eh, ‘no?”

“Wushu, tatanggi pa. Ito bang babaeng gusto mo, eh gusto ka rin?” excited na patuloy ng babae.

“Wala nga, Shebangs. Ang kulit ng lahi mo ha,” natatawa na ring sagot ng lalake.

“Weh, mamatey?” Hindi tinantanan ni Sherine ang lalake sa pangungulit hanggang sa in-oo-han na lang siya nito, matahimik lang siya.

HINDI na hinayaan ni Joon ang sarili na magpalipas ulit ng isa pang gabi sa bahay ng mga ito dahil baka mawili pa siya’t tuluyan nang hindi umalis. Nang medyo gumanda ang panahon kinahapunan ay nagpasiya na siyang mag-intindi para sa biyaheng pauwi diretso na sa Mindoro, imbes na sa tiyahin niya sa Rizal. Ang ending, hindi pa rin maka-biyahe ang barko at sa terminal sa Batangas pa rin siya nagpalipas ng gabi.

(Itutuloy)

About ciarshadow

Mukhang matino, pero 'wag ka...