If Looks Could Kill – 4

(Photo Credit: theodysseyonline)

LUMALAKAS na naman ang patak ng ulan sa labas kaya nagmamadaling nagbihis si Joon para makadiretso na sa bayan ng tita niya.

“Aalis ka na? Eh may bagyo kaya! Di ka ba nakinig sa radyo kanina?” bungad ni Sherine nang makalabas ito ng kwarto. “Saan ba lugar ng tita mo?”

“Sa Rizal,” kakamot-kamot pa sa batok na sagot ni Joon.

“Sa Rizal pa? Naku, dumito ka na muna. Dadaanan ko ‘yung paupahan sa kabilang barangay at magtatanong kung may bakante. Mamaya ma-stranded ka pa sa daan, andami mo pa namang dala. Na-try mo na ba’ng sumilip sa bintana? Hindi mo napapansin ang hangin na iyan?” sermon ni Sherine habang nagsusuklay ng buhok sa harap ng salamin. “ O kaya naman, dito na lang. Para di ka na magastusan. Lalayo ka pa, nandito ka naman na.”

“Sure ka, walang problema? Walang magagalit?” Tumigil sa pagsisintas ng sapatos ang lalake saka tumunghay sa kanya.

“Ako, magagalit,” biro niya. “Walang problema Montoya, relaks ka lang. Feel at home. Baka mamaya, kapag nagreunion ang batch natin, masabi mo pang pinasugod kita sa kalagitnaan ng bagyo. Diyahe iyon, ‘pre.”

Tumango-tango ang lalake na mukhang naniwala naman sa pangongonsensya niya. Maya-maya pa’y ito naman ang pumuna sa babae habang abala rin ito sa pag-iintindi ng sarili na wari’y paalis.

“At ikaw, saan naman ang larga mo?” tanong ni Joon sa kanya nang mapansin nitong nag-aayos siya ng sarili at naka-jacket.

“Susunduin ko si Frido, walang payong iyon. Itinaas na sa signal # 1 dito. Nagtext sa akin ‘yung kaibigan kong teacher doon. Pinauuwi na ang mga bata habang hindi pa tuluyang lumalakas nang todo ang bagyo.”

“Nakabihis na rin lang ako, e ‘di samahan na kita,” pagkuwa’y tumayo rin ito at handa nang lumarga.

“Mababasa ng baha iyang outfit mo. Pang malakasan mo pa naman yata iyan eh,” pang-aasar niya sa lalake. Sinundan pa niya iyon ng mahinang hagikhik.

“Ayos lang. Magbabarong na lang ako pag-uwi sa amin, para big time,” birong sagot nito.

SABAY nilang nilusong ang baha papunta sa school ni Frido na medyo may kalayuan din. Wala namang pedicab na bumibiyahe kaya tiyaga sila sa lakad.

“So, kailan ka pa bumukod sa inyo?” umpisa ni Joon. Medyo nakaririndi na kasi ang katahimikan sa pagitan nila.

“Matagal na. Siguro mga 2-3 years ago,” sagot ni Sherine habang nananatiling nakatuon sa dinaraanan ang paningin.

“Bakit?” Unlike Sherine, wala sa dinaraanan ang focus ng paningin ni Joon. Nanatili itong nakapagkit sa profile ng babae. Gumagawa siya ng conversation with her, pero nakukuha pa rin niyang mangarap at purihin ang kasimplehan ng anyo nito sa loob-loob niya.

“Anong bakit? Ang tanda ko na kaya. At saka I think, overstaying na ‘ko doon kasi may anak na ako. I have to live on my own, hindi ba?” paliwanag niya. “We’re not getting any younger.”

“Sabagay. Kumusta naman mga kapatid mo? Tsaka parents mo?”

“Okay naman sila. Si Levi, may work na rin sa Makati, doon na rin iyon nag-i-stay. Si Kath, nag-abroad na, baka doon na rin iyon tumira dahil naroon din ang boyfriend niya. Si Regina naman, siya ang kasama nina Mama sa bahay. Manager na ‘yun ng supermarket sa atin.”

Tumango si Joon sa kausap bilang pagpuri sa achievements na binanggit ng babae. “Eh tungkol naman sa ‘yo, kumusta ang lovelife mo?”

“Ayos lang din,” matipid na sagot ni Sherine.

“Ayos lang? You mean, may boyfriend ka?”

“Wala. Pero ayos nga lang, walang pressure,” nakangiting sambit ng babae.

“Ano ba kasi’ng istorya mo? Try mo kaya mag-share,” halatang atat na atat tuloy itong malaman ang tungkol sa parte na iyon ng buhay ng babae.

“Mahabang kwento kasi, Montoya.”

“Eh ‘di short cut-in mo..”

Bumuntong-hininga ang babae saka ito nagsimulang magkuwento. “Yung long time boyfriend ko mula pa noong highschool, si Jake. Kilala mo iyon, ‘di ba? Iyon ang tatay ni Frido. Nagplano kaming mag-stay sa isang bahay since pareho naman ‘yung place ng work namin. Live in. Nung nabuntis ako, siyempre nawalan na ‘ko ng trabaho. Kinulang ‘yung sinusuweldo niya para sa gastusin namin sa bahay. So nai-suggest niya na sa amin, kina Mama, muna ako dapat mag-stay. Para daw sa ikabubuti ko at ikalulusog ng baby sa tiyan ko. Kaya ‘yun, naghiwalay muna kami.”

“Muna?” nakakunot ang noo na tanong ni Joon. “Kailan pa ‘yung ‘muna’ na iyon? Naghihintay ka pa?”

“Busy na ako sa pagiging nanay, hindi na rin siya gaanong pumapasok sa isip ko. Paminsan-minsan, nagfa-flash back ‘yung mga times na magkasama kami. Nami-miss. Pero lumilipas rin agad. Nasanay na rin siguro ako na wala siya,” sagot niya. “Ikaw?”

“Anong ako?” Naiwan pa sa kuwento ng babae ang kukote ni Joon kaya nawala siya sa usapan.

Kasingdilim ng langit ngayon ang nararamdaman niya matapos marinig ang kuwento nito. Nahirapan ang kukote niyang i-absorb iyon. Bigla niyang narinig sa kanyang hinuha ang isang linya sa kanta ng Parokya ni Edgar. ‘Binabasura ng iba ang siyang pinapangarap ko,’ gusto sana niyang isatinig with feelings.

“Sabi ko, ikaw naman ang magkuwento,” ani Sherine, sinabayan pa nito iyon ng pingot sa lalake.

“Wala naman akong ikukuwento eh.”

“Madaya ka!” pinalo pa ni Sherine ang kausap sa balikat. “We’re here!” masigla sambit ni Sherine nang matapat sa gate ng pampublikong paaralan.

“MATAGAL daw kaming walang pasok, sabi ng teacher namin,” pagyayabang ni Frido sa kanyang ina nang makauwi sa bahay. Kung gaano kakupad ang batang ito na magbihis ng uniporme sa umaga, ganoon naman ito kabilis magbihis ng pambahay na damit pagkauwi sa bahay.

“Ows! Ayaw mo lang pumasok eh!” tukso ng inang sitting pretty na sa sofa katabi si Joon na abala sa pagtingin sa nakalabas na photo albums.

“Hindi ah, peksman,” nakataas pa ang kanang kamay nito na parang nanunumpa ng panatang makabayan. Tinawanan naman iyon nina Sherine at Joon.

“Oh sige na, naniniwala na ako. So, anong balak mong gawin sa mga araw na wala kang pasok?”

“Manood ng movie! Kung Fu Panda!” masayang sagot ni Frido na sinabayan pa ng pinong mga palakpak.

“Ilang beses mo nang napanood iyan, ‘nak, eh.”

“Ako, hindi ko pa napapanood..” sabat ni Joon na halata na namang kinakampihan lamang ang bata.

“Alam mo, kunsintidor ka! Kahapon ka pa ha, ” pananaway ni Sherine sa kaibigan na sinabayan pa ng mabigat na palo sa braso ni Joon. Napangiwi naman sa hapdi ang huli.

“Ang brutal mo naman, puro pasa na ‘ko sa katawan. Tama na, huy,” nagmamakaawa ngunit natatawang sambit ni Joon at tinawanan naman ng babae.

WALA sa pinanonood na movie ang utak ni Joon. Nakatingin lang siya sa tv, pero ang isip niya, iba ang nirorolyong eksena. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman dahil sa mga nangyayari. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nagaganap. Treinta anyos na siya at kalalaking tao niya, kinikilig pa siya.

Napasulyap siya sa batang katabi na mukhang kulang na lang ay tukuran ng palito ng posporo ang mga mata para lang labanan ang antok. Medyo natatawa pa siya sa napansing iyon.

Bumaling ang tingin niya sa katabing si Sherine na medyo pumipikit na rin ang mata sa antok. Ang mahinang tawa ay napalitan ng matamis na ngiti dahil sa nakikita.

“Tulo na ang laway mo, Shebangs!” siniko pa niya ang katabi, pero hindi na talaga yata makayanan ang antok, lalo tuloy itong humilig sa braso niya at ginawang unan ang balikat ng lalake.

“Aba, bagsak ang mag ina,” aniya kasabay ng pagpatay sa kaharap na TV. Nagbrown-out. Tinanaw niya ang labas ng bintana mula sa kanyang pwesto. Madilim pa rin ang kalangitan pero nakapagbibigay pa rin ito ng liwanag sa loob ng kabahayan. Hindi na muna siya tumayo para mag-abalang maghanap ng kandila, nanatili siya sa puwesto at sinabayan ang pagpapahinga ng dalawang katabi.

Matagal siyang nakatitig sa kawalan, hindi niya makuhang makapagpahinga. Daig pa niya ang nanggaling sa marathon dahil sa bilis ng tibok ng puso niya. Hindi naman makolesterol ang inumagahan nila, kaya sigurado siyang hindi siya high blood lang.

Bahagya siyang tumighim para medyo makakilos at damhin ang sariling dibdib. Balak niyang kalmahin ang nagwawalang puso dahil naaalangan siyang baka sa sobrang lapit ng babae ay marinig nito iyon.

Nagrelease siya ng tensyong nadarama sa pamamagitan ng buntong-hininga. Sinulyapan niyang muli ang babaeng nakayapos sa braso niya at agad bumalik ang bilis ng tibok ng kanyang puso.

Natutukso siyang damhin ang pisngi nito ngunit natatakot siyang baka mag-transmit ang damdaming iyon ng ibang mensahe sa bawat himaymay ng ugat niya sa katawan.

Nagulat si Joon nang bigla na lamang nag-alarm ang cellphone sa bulsa ng babae at awtomatikong nagmulat ng mata si Sherine na parang naalimpungatan. Mabilis naman siyang umiwas ng tingin at umarte na parang kagigising lamang din. Literal na ‘saved by the bell!’

(Iutuloy)

About ciarshadow

Mukhang matino, pero 'wag ka...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!