If Looks Could Kill – 3

(Photo Credit: theodysseyonline)
(Photo Credit: theodysseyonline)
(Photo Credit: theodysseyonline)

Si Joon na ang umako sa pagbuhat sa bata para ilipat sa silid nito. Matapos iyon ay ipinakita naman sa kanya ni Sherine ang silid nito na kanyang tutuluyan pansamantala. Ilang hakbang lang naman ang layo niyon sa naunang silid. Ang babae na ang nagbukas sa kanya ng pinto niyon, pero hindi na ito pumasok roon.

“Sige na, matulog ka na. Pagpasensyahan mo na lang ‘tong kuwarto ko, huh. Ikaw na lang din ang magbukas ng aircon.”

Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. “Sosyal, may aircon. Saan banda?”

“Nasa mall pa, bibili pa lang ako.” Bumelat ito sa lalake na parang batang nang-aasar ng kalaro. Napakamot naman sa sariling anit ang lalake. Kapagkuwa’y nagpaalam na ito at siya na ring nagsara ng pinto.

Nang iwan siya ni Sherine sa kuwarto, hindi naman siya agad humiga. Ang totoo’y hindi nga siya agad-agad makagawa ng tulog to think na nasa loob siya ng kuwarto ng babae. Hindi siya mapakali at may kung ano sa loob-loob niya ang kating-kati na magkalikot ng mga gamit nito.

Everything in front of his eyes amazed him. Feeling niya’y nasa isang museo siya at nauuhaw na malaman ang istorya sa likod ng mga bagay na naroon sa silid na iyon. Some of it may lead him to clues how she was doing in the last years na wala siyang balita rito.

Una niyang ini-scroll, ang mga nakapatas na libro. Actually, hindi naman lahat ‘yun ay libro; karamihan lang. May mga notebooks doon na kasama. Organized ang pagkakasalansan ng mga iyon by size ngunit nakabukod nang patas ang mga aklat na iisa ang may akda.

May recipe books, mga lecture books noong college, may mga compilations din ng xerox copies ng lectures sa school, may pocketbooks, dictionaries, mga magazines, songbooks, songhits, photo albums, mga notebook na naglalaman ng mga unfinished nobela niya, mga slumnotes, sketchpad, cds at cassette tapes. Mayroon din doong isang cup na naglalaman ng santambak na lapis, bolpen, pentelpen, pambura, pantasa, etc.

Ang daming ipon, abah, bulong niya sa sarili. Napadpad naman ang tingin niya sa mga wallframes. Maraming pictures dun na magkasama ang mag-ina. May nakasabit din na gitara at may mga baseball cap na lahat ay pula.

Nakangiti siyang umupo sa gilid ng kama. Lalong lumawak ang ngiti niya nang makita ang isang pares ng tsinelas na nakapuwesto sa gilid ng kama. Malambot ito, mabalahibo at mayroon pa iyong design na ulo ng bear sa harapan.

Parang bata, napapailing na bulong niya.

Dumako naman ang tingin niya sa sidetable na pinaiibabawan ng lampshade. May nakapatong din roon na notebook na may nakaipit na bolpen, may relo at singsing na may nakaukit na ‘Sherine love Jake’. Kahit paano’y nagdulot iyon ng bahagyang kirot sa puso.

Humiga siya sa kama, inayos ang unan at nakapa niya sa ilalim niyon ang isang walkman. Isang dangkal ang laki niyon at halatang luma na. May mga stickers pa ng letters na bumubuo ng pangalang ‘eva’. Tinry niya i-on iyon at nakinig ng musika habang nakatingin sa kisame at dinarama ang malamig na ihip ng hangin mula sa bahagyang nakaawang na bintana.

“MA! Baon ko po!” sigaw ni Frido na nakabihis na ng uniporme at handa nang pumasok sa school.

“Nilagay ko na diyan sa bulsa ng polo mo. Check mo, dali!” bulalas ni Sherine habang abala ito sa pagliligpit ng pinagkainan ng anak.

Agad sinilip ni Frido ang bulsa sa leftside ng kanyang polo at gumuhit ang ngiti nang makumpirma ang sinabi ng ina. “Ok na, Ma, nandito na. Aalis na po ako!”

“Hep-hep-hep!” tumakbo pa si Sherine sa may pinto para habulin ang paalis nang anak. “May nakakalimutan ka pa!” lumapit sa kanya ang bata at humalik sa pisngi.

“Late na ko!” nakangusong sambit ng bata.

“Nagrereklamo pa eh! ” bahagya niyang tinawanan ang pagmamarakulyo ng nagmamadaling anak. “Sige na. Takbo, dali! Magpayong ka,” inihatid na lamang ni Sherine ng tingin ang anak na karipas sa pagtakbo para habulin ang mga kasabay na klasmeyts sa daan.

“Good morning, Shebangs,” bungad ni Joon na bagong gising habang binabagtas ang hagdan pababa. Nakasando ito na puti at may nakasampay pa na tuwalya sa kanang balikat. Naniningkit pa ang mga mata nito at mukhang hindi pa nakakamulat nang maayos.

“Good morning!” masigla niyang bati. Dumiretso siya sa paghahanda ng lamesa para sa almusal habang ang lalake ay diretso sa sink sa labas ng banyo nila. “Almusal na tayo, halika na dito,” alok niya sa lalake nang makitang tapos na ito sa pagmumumog at paghihilamos. Awtomatiko naman ngang umupo ang lalake sa hapag kaharap si Sherine.

“Pinakialaman ko nga pala ‘yung walkman mo, nasa ilalim kasi ng unan,” pagsisimula ng lalake.

“Ayos lang. Kay Mama ‘yun nung dalaga pa siya. Gumagana pa kaya pinagtitiyagaan kong gamitin. Sayang naman, eh. Gusto mo ng kape?” alok niya. Hindi naman iyon tinanggihan ng lalake.

Tahimik ang dalawa habang nag-aalmusal nang may kumatok sa nakabukas niyang pinto. Nilingon naman agad iyon ni Sherine.

“Ano iyon, ‘te?” tanong niya sa aleng nasa labas ng pinto. Kahit umaambon lang ay nakasuot ito ng kapote at bota at may bitbit itong Tupperware na basket.

“Puto, kutsinta. Baka bibili kayo,” alok nito. “May bisita ka pala, Sherine. Boypren mo?” pag-uusisa ng matanda.

“Bigyan ninyo po ako ng tig-sampu niyang dala ninyo.” Iniabot niya ang bayad saka sinagot ang tanong ng matanda. “Hindi ko pa ho boypren ‘yan. MU pa lang ‘teh, MU lang,” seryoso ang mukha niya kaya hindi mabasa ng matandang chismosa kung nagyayabang lang siya o ano. Narinig naman niyang nahirinan ang nasa lamesang kumakain. ‘Di na niya ito nilingon at baka matawa pa siya.

“Ang aga naman wari niyang napadalaw?” nanunuring tanong pa ng tindera habang iniaabot ang plastic na may laman nang puto.

“May lahing Intsik ho ‘yan kaya maaga kung manligaw. Ganoon ho talaga siya,” pauso niya.

“Aba, ay mabuti naman kung ika’y may boypren na, Ineng. Kailan ang kasalan?”

“Bukas ho pag gumanda ang panahon,” seryoso pa rin niyang turan.

“Biglaan naman yata… buntis ka ba?” diretso pa ng matanda.

“Naku, hindi pa ho. Nagmamahalan lang ho talaga kami nang dalisay. Takot lang kaming mawala sa piling ng isa’t isa. Hindi ba, Sweetham?” nilingon niya ang lalake. Hindi naman ito makasagot kaya uminom na lamang ito ng tubig dahil sa mga naririnig.

Nang maiabot ang sukli, nagpaalam na ang ale. Si Sherine naman ay dumiretso sa lamesa.

“Ano iyon?” nakakunot na naman ang noong tanong ni Joon.

“Puto. Kutsinta.” Itinuro pa niya ang mga tinutukoy niyang pagkain na kasalukuyan niyang inililipat sa plato.

“Hindi iyan. ‘Yung mga sinabi mo doon sa matanda ang tinutukoy ko.”

“Ahh. Hayaan mo na iyon. Lider kasi ng mga chismackers iyon diyan sa labas, palibhasa nakakapag-house to house every morning kaya sagap niya lahat ng latest,” paliwanag niya.

“Eh bakit mo sinabing manliligaw mo ko? Sino namang maniniwala sa ganito kaagang panliligaw?”

“Malaman man lamang nilang may manliligaw ako, ‘di ba? Bigay mo na sa ’kin ‘to, Joon, ‘kaw naman, oh! Kain na tayo,” natatawa niyang alok.

“Mamaya ma-chismis ka niyan,” hindi pa rin mapakaling turan ni Joon.

“Machi-chismis ako, true. Pero lilipas din ‘yan.” Sumubo siya ng puto.

Bumuntong-hininga ang kaharap. “Sorry, ha. Baka mapasama pa ang image mo rito sa inyo dahil sa pagpapatuloy mo sa akin dito.”

Bahagyang tinapik naman niya sa braso ang nagi-guilty nang bisita. “Ano ka ba, sanay na ‘ko sa newsflash ng mga iyan. Don’t worry about it. Kumain ka na lang diyan. Gusto mo pa yata subuan pa kita diyan eh.”

Natawa naman si Joon sa sinabi ng kaharap. “Saan mo naman napulot ung ‘Sweetham’?”

“Sa pugad baboy komiks ko ‘yun nabasa, endearment ng mag-asawang characters. Sina honeycured at sweetham,” bahagya pa siyang natawa sa ipinaliwanag.

“Puro ka kalokohan,” anang lalake; sabay subo ng puto.

“Siyempre, ganun talaga, Sweetham,” nakangiti niyang pang-aasar. Sinabayan pa niya iyon ng kindat.

“Tumigil ka na, Honeycured,” halos masamid din nitong sinakyan ang biro niya.

ITUTULOY…

About ciarshadow

Mukhang matino, pero 'wag ka...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!