If Looks Could Kill – 2

(Photo Credit: theodysseyonline)

“MONTOYA? Joon Montoya?” nakangiti nang tanong din ni Sherine nang makilala niya ang kanyang bisita matapos ipasok ang maleta nito na nasa ulanan. “Small world, klasmeyt!” nagagalak niyang sambit.

“Akalain mong -” di na malaman ng lalake ang isusunod na salita. Mukhang nablangko na ito. Ilang sandali itong nakatunganga sa kawalan.

Sabay nilang nilingon ang nakabukas na pinto nang marinig muli ang mahihinang katok. Ang to-the-rescue sana niyang tanod na inabala ang nakatayo sa harap niyon. Nakakapote’t bota na ito’y nakuha pa rin nitong magpayong. Takot na takot maulanan si kuya.

“Ate Shers, magandang gabi. Ano’ng maipaglilingkod ko sa iyo?” bungad nito sa kanya. “Aba’y may bisita ka pala,” baling nito sa lalake.

Buti na lamang pala’t hindi niya agad nai-chika sa text rito ang tunay na rason ng pagpapadaan niya sa bahay kundi mad-dyahe siya sa bisitang dati niyang kaklase nung highschool.

“Ay kuya, bibigyan ko kasi kayo ng kape para, you know, mulat kayo all night,” palusot niya. Mabilis niyang tinakbo ang kusina para pumilas ng ilang 3-in-1 coffee saka iniabot sa lalakeng nananatili sa labas ng kanyang pinto.

“Ay ganoon ba? Napakamaalalahanin mo naman,” anito nang abutin ang 4 na sachet ng kape. “Tamang-tama, apat nga kaming naka-duty ngayon,” dagdag pa nito. “Siya, sige, salamat ha.”

Ngumiti si Sherine. “Salamat din po,” aniya nang pumihit na paalis ang tanod. Nang medyo makalayo ito’y isinara na niya ang kanyang pinto at hinarap naman ang kanyang biglaang bisita.

HINDI maintindihan ni Joon kung paano niyang babatiin ang kaharap. Makikipag-shake hands ba siya? O mag bebeso-beso? O aakap? Hindi siya ready sa biglaang presence ng highschool friend.

“Kumusta?” nagkasabay pa sila sa kumustahan. Medyo na-awkward-an siya sa kanilang puwesto, hindi pa rin pala niya kaya ang kick ng matamis na ngiti ng babae.

“Ay teka, tuwalya,” sambit ni Sherine. Agad itong pumihit patalikod upang tumakbo na halos liparin na ang kuwarto sa itaas.

Nakangiting iginala ni Joon ang tingin sa kabuuan ng bahay.

Nadako ang paningin ni Joon sa dining area. May batang nakaupo doon at tahimik na ngumunguya habang nakatingin sa kanya. Sinuklian niya din naman iyon ng ngiti.

Nakakailang palang matitigan ng mapanuring mga mata ng isang bata, sa isip isip niya.

Lalo pa siyang nahiya dahil basang-basa na ang sahig at literal na natutunaw na siya sa puwesto. Buti na lamang at ilang sandali pa’y kaharap na muli niya si Sherine; saka iniabot sa kanya ang dala nitong tuwalya. Iginiya din siya nito sa banyo upang doon makapagpalit.

HABANG nagpapalit ng damit, hindi mapaknit ang ngiti sa mukha ni Joon. Para siyang teenager na kilig na kilig sa pinapanood na romance teleserye. Paanong hindi, eh sa dinami-rami ng puwedeng sumalubong sa pag-uwi niya galing Saudi, heto at si Sherine pa ang kaharap niya. Si Sherine na crush na crush niya nung highschool. Si Sherine na major reason ng gana niyang pumasok araw-araw sa school noon. Sa dinami-rami ng bahay na nadaanan niya, sa harap ng bahay na ito pa siya napadpad.

Destiny? Coincidence? Letseng bagyo. O buwenas?

Ang sarap isipin na magkasama sila ngayon sa iisang bubong ng babaeng matagal na niyang crush, noon pa mang nasa sekondarya pa sila. Ang babaeng matagal na niyang pinagpapa-cute-an na hindi na naman siya mapasin-pansin. Ang babaeng hindi niya makuhang mapagtapatan ng damdamin. Ang babaeng naging basehan niya ng standards sa mga lumipas niyang kasintahan.

Pero sino ‘tong batang kasama niya dito sa bahay, bakit ‘Mama’ ang tawag nito sa kanya?

“Huwag ka ngang magtanga-tangahan. Obviously, anak niya yun,” mahinang bulong niya sa sarili. May asawa na siya? Nasaan? Nagbago bigla ang timpla ng kanyang mukha. Bigla na naman siyang nailang.

Nang matapos sa pagbibihis, lumabas siya ng banyo at pilit na ikinalma ang sarili dahil magpahanggang ngayon pala ay nararamdaman pa rin niya ang nerbyos sa presensya ng dating crush.

“Sherine, saan ito p’wede?” ang mga pinigang basang damit niya ang kanyang tinutukoy.

Agad namang tumayo si Sherine mula sa hapag at lumakad palapit sa kaibigan para abutin ang pinagbasaan nito. “Akin na ‘yan, ako na bahala diyan. Maupo ka na doon at kumain ka muna.”

Pinaunlakan naman ni Joon ang alok ng babae. Walang choice si Joon kundi saluhan ang batang kaharap niya. “Hi,” simula niya. Walang kak’wenta-k’wentang greeting. Ngiti lang ang isinagot ng bata.

“Mama mo si Sherine?” sa wakas ay nailabas niya rin ang tanong na kanina pa niyang gustong ibato. Masakit na sa kukote ang manghula. May inaasahan na siyang sagot mula sa bata pero who knows, baka mali siya.

“Opo. My name is Fredric Marteja. I’m 10 yrs old.”

Marteja? Walang apelyido ng ama? naisip niya.  “Nasa’n si papa mo? Nasa work ba?” pa-etching niya.

“Sabi ni Mama nasa malayo raw. Hindi ko po alam eh.”

Gusto pa sana niyang isalang sa matinding interrogation ang bata kaso dumating rin agad mula sa itaas si Sherine. Awtomatikong pumuwesto ito sa tabi niya at itinuloy ang pagkain.

“Saan ka galing? Ang dami mo yatang bitbit? May maleta pa!” umpisa ni Sherine habang ipinagpatuloy ang naudlot na hapunan.

“Actually, galing ako straight from the airport. Galing ako sa Saudi. Alanganing oras na kaya hindi na ko nagpasundo. Balak ko, sa tita ko sana ako tutuloy ngayon. Inabot naman ako ng ulan pagbaba ko ng jeep diyan sa bus terminal sa kanto. “

“Buti dito ka sa bahay ko napadpad,” aniya sa bisita.

“Oo nga, eh. Hindi raw makakabiyahe ‘yung mga bus dahil sa malakas na ulan. Prone kasi sa landslide ‘yung daan papunta sa bayan ng tiyahin ko. So, inisip kong maglakad-lakad at maghanap ng motel na matutuluyan hanggang sa madako ako rito sa doorstep mo,” mahabang paliwanag nito.

“Sa presinto ka magpaliwanag,” biro ni Sherine. Hinalakhakan naman iyon ng kausap. “Mukhang motel ba ‘tong bahay ko?”

“Di naman. Balak ko lang magpatila sana since mukhang spacious naman yung terrace mo. Ikaw lang ang may terrace sa hilera ng mga bahay rito,” patuloy ng lalake. “Pagtila, aalis na rin naman ako. Maghahanap ako ng matutuluyan, may alam ka ba?”

“May kaibigan akong nagpaparenta ng kuwarto diyan sa may kanto. Puwede ko siyang i-text na lang mamaya, baka may bakante siya,” ani Sherine na tinanguan naman ng kaharap.

“May chocolate ba ikaw na dala?” biglang singit ng bata. Nahuli pa siya ni Joon na pinandilatan ng mata ang anak, parang sinasaway. “Anak ko pala, si Frido,” pakilala niya.

Tumango si Joon bago muling nagsalita. “Marami akong chocolate. Bibigyan kita mamaya.” Tumingin pa si Joon sa kanya na parang kinakampihan si Frido.

Tahimik lang si Joon sa sofa katabi si Frido na nanonood ng cartoons nang matapos kumain ng hapunan. Malakas na ang tunog dulot ng patak ng ulan sa bubong, pero mas malakas pa rin ang volume ng tv. Gayunpaman, hindi iyon naging balakid para hindi siya antukin.

Nagpakawala ng hikab si Joon at ilang sandali pa’y namalayan na niya sa kanyang tabi si Sherine. Napangiti na naman ang kumag at nahuli iyon ng babae.

“Ano na naman yan, Montoya? Nagagandahan ka pa rin sa akin no?” biro nito. Tuluyan tuloy siyang natawa.

“Lakas ng hangin ng electric fan n’yo. Nakatodo ba yan?” pang-asar na sagot ng lalake. “Wala kang kupas, Shebangs!” aniya; gamit ang palayaw na ginagamit nito noon.

Kumindat sabay nganga pa ang babae para asarin siya. Lihim niyang ikinatuwa na naroon pa rin ang kulit na nagustuhan niya rito noong nasa sekondarya pa sila.

“Magkuwento ka naman. May anak ka na pala, nasaan ang asawa mo?” umayos pa siya ng upo na medyo paharap sa babae, kaya nahuli pa niya nang magbago ito ng mood pagkatanong niya n’on.

“Wala eh, umalis.” Dumako sa tv ang paningin ni Sherine na wari’y niya’y umiiwas ng tingin.

“Kailan pa umalis?” aniya na parang nananantiya, ngunit mukhang matigas ang kaharap na magkuwento ng mga bagay tungkol sa ama ng anak nito.

“‘Wag na muna natin pag-usapan ‘yan,” nilipat niya ang channel sa balita. “Ikaw? Mayaman ka na siguro, no? Nag-abroad ka na eh!” baling nito sa kanya.

“Mekaniko ako sa Saudi, hindi minero ng diamond!” birong sagot niya.

Medyo mahaba rin ang naging kuwentuhan nilang dalawa habang si Frido ay nakatulog na rin sa lap ng kanyang ina. Mukhang hindi trip ng kaibigan na mapag-usapan ang nakaraan kaya hindi na lamang niya ito kinulit.

Nag-iisip pa sana si Joon ng maayos na topic para hindi masyadong awkward ngunit naunahan siya ng pag-ring ng cellphone ng babae. Agad naman iyong sinagot ng kaharap saka bahagyang dumistansiya sa kanya. Mabilis lang ang tawag na iyon at agad bumalik ang babae sa kanyang tabi.

“’Yung kaibigan kong may apartment yung tumawag,” imik ni Sherine, kapagkuwa’y isinuksok na ang cellphone sa bulsa saka muling nagsalita. “Napakasuwerte mo sa araw na ito, Joon. Naubusan ka ng kuwarto.”

“Hala, bakit daw?”

“E ‘di ‘yung mga na-stranded na tulad mo ang umupa. Ikaw kasi, inuna mo pang makipaghuntahan sa ’kin eh,” tinapik pa siya nito sa likod.

Bumuntong-hininga si Joon. “Wala na bang iba?”

“Kung motel lang, marami sa kasunod na barangay pa. Pero hassle na ‘yon, anong oras na oh. Dito ka na magpalipas ng gabi.”

“Naku, nakakahiya namang-“

“I insist. Dumito ka na muna. Bukas na lang kita sasamahan sa kabilang barangay, ok?” nakangiting alok nito.

Natameme naman ang lalaking parang umurong ang dila. Hindi pa rin nagbabago ang dating kaklase, mabait pa rin ito. Palangiti. Madaling lapitan.

“Ok, so dun ka sa kuwarto ko matulog, ha,” pag-iiba ng babae.

Ikinagulat niya ang tinuran nito kaya naalarmang tumingin siya kay Sherine, tuloy ay napansin nito ang namumula niyang mukha. Agad naman siya nitong kinutusan.

“Um, masama ang iniisip! I mean, dun ka sa kuwarto ko, dun naman ako sa kuwarto ni Frido,” paglilinaw nito.

“Ahhhh..” tumango siya. “Ayusin mo kasi.”

ITUTULOY…

About ciarshadow

Mukhang matino, pero 'wag ka...