“Ibinenta Ko Ang Aking Pananampalataya” (OFW-Kuwento Ng Buhay)

"Ibinenta Ko Ang Aking Pananampalataya" (OFW-Kuwento Ng Buhay)Habang ginagawa ko ang kuwento kong ito, pakiramdam ko ay sinusunog na ang kaluluwa ko sa impiyerno.

Mula pagkasilang hanggang nag edad apatnapu ay sagrado Katoliko ang aking relihiyon.

Pinalaking may matinding takot at pananampalataya sa Diyos. Biniyayaan ako ng tatlong anak at mabuting asawa.

Sa labinpitong taon ng aming pagsasama ay masasabi ko na ako ang pinakamapalad na anak ng Diyos, hindi kami kahit kailan nagtalo ng asawa ko sa kahit anong problema ang dumaan sa aming buhay.

Ang mga anak ko ay sadyang mga masunurin at mababait na bata! Bukod sa pamamasukan ng asawa ko bilang karpintero ay nasasabi ko naman na kahit hindi marangya ang aming buhay ay lubos ang kapayapaan at kaligayahan sa puso ng bawat miyembro ng aming pamilya.

Ika nga, namumuhay man ng payak ay masaya at buo ang aming pamilya.

Ngunit sadyang sinubok ng Panginoon ang aking katatagan, malamim na ang gabi ay nakatanggap ako ng tawag mula sa hindi kilalang numero.

“Ikaw po ba si Maristela Peralta?, humihingal sa kabilang linya ang tinig ng nagsasalita.

“Opo, ako nga! Sino po sila?”, kinakabahan kong balik-tanong.

“Ako si SPO3 Gonzales, ang asawa ninyo po ay namatay sa aksidente. Natanggal ang likurang gulong ng kanyang sinasakyan na motorsiklo at bigla po siyang tumilapon at nasagasaan po ng mga kasunod na ten wheeler trucks at bus. Ikinalulungkot ko Misis ang pangyayari”, malumanay na sambit ng nasa kabilang linya.

Sabi ko sa sarili ko hindi totoo iyon. Hindi ako tuminag sa kinauupuan ko hanggang sa magising ang mga anak ko ng alas singko ng umaga, hindi nila ako napansin sa ganun na kalagayan. Ako ay nakaupo lamang sa isang sulok.

Nakauwi na sila ng tanghalian nang ako ay mapansin nila na tulala. Hindi raw ako makausap. Nagtataka at nagaalala ang mga bata.

Inisip nila ng mga panahon na iyon ay maaaring nadestino sa malayong lugar ang kanilang ama kaya hindi nila masyadong inalala.

Ako ang labis nilang pinag-aalala dahil sa naging kalagayan ko.
Lumipas ang tatlong araw na hindi ako kumakain at natutulog.

Mismong araw din na iyon, bigla ang dating ng mga pulis sa aming bahay at pinaghahanap ako.

“Tao po! Tao po! Mrs. Peralta, pakibuksan po ang pinto!” malalakas na katok at boses sa labas na napaigtad ang aking mga anak.

Atubiling binuksan ng panganay ko ang pintuan.

“Inihatid na lamang namin rito ang mga gamit ng inyong namayapang asawa. Sapagka’t hindi po kayo nagpakita!,” tuloy-tuloy ang pagsasalita ng mamang pulis at biglang napahinto ng mapansin ako.

“Ano ang nangyari sa kanya, iho?”, tanong ng mamang pulis.

Hindi na nasagot ang tanong ng mamang pulis at nagtanong na lamang.

“Ibig pong sabihin patay na ang tatay namin? Kailan pa po?, humihikbi-hikbing sambit ng panganay ko.

Iniabot ng pulis ang pitaka at ilang gamit ng aking nasirang asawa. Tinapik sa balikat ang panganay kong anak, “Magpakatatag ka iho, patignan ninyo si Mrs. Peralta, nakikiramay ako sa inyo.

Pagdamutan ninyo ang kaunting abuloy namin!”; sabay abot ng isang sobre na may laman ng munting abuloy mula sa istasyon ng kapulisan”, puno ng sinsiridad niyang tugon.

Sabay-sabay na humagulhol ang tatlong mga anghel ng buhay ko. Sinugod nila ako ng yakap. Niyugyog ng paulit-ulit. Ngunit nanatili lamang ako sa ganun na kalagayan.

Sobrang pait ng kapalaran, hindi man lamang namin siya nahawakan sa huling pagkakataon, walang libing, walang lamay; sapagka’t nagkalasog-lasog ang kanyang katawan mula sa ilang beses na pagkakasagasa ng mga sasakyan.

Lumapit ang aking mga supling sa mga kapatid ko at hindi nagdalawang salita ang mga anak ko.

Umiiyak na niyakap ako ni Asuncion, “Ate, nakikiramay ako sa pagkawala ni Kuya!”, lumaban ka pakiusap para sa mga anak mo”.

Lumipas ang anim na buwan at isang pagsubok na naman ang dumaluhong sa aming buhay. Naospital ang bunso kong anak dahil sa sakit na “dengue”, isang linggo na palang inaapoy ng lagnat at namimilipit sa sakit ay walang pinagsasabihan sa mga kapatid.

Hindi ko alam kung bunga ng mga panahon na iyon na nawala ako sa aking sariling katinuan ay may isang karanasan na hindi ko maaaring kalimutan. Simula nang mawala ang pinakamamahal kong asawa, laging tangan ang kanyang larawan, kinakausap at iniiyakan.

Alam ko na gising na gising ako sa mga oras na iyon. Nakita ko ang asawa ko na lumalakad palapit nang palapit sa akin. Napakalungkot ng kanyang mukha at dahan-dahan siyang umupo sa aking tabi.

“Marela, asawa ko; “Bakit ka nagkakaganyan? Nasaan na ang mga pangako mo na kahit anuman ang mangyari sa isa sa atin ay hindi mo pababayaan ang anak natin? Ang bunso nating anak, huwag mong hayaang mawala! Labis akong nasasaktan, sapagka’t ang babaeng may may matatag na loob, maka-Diyos at mapagmahal na ina ay ngayon ay animo’y nauupos na kandila at walang wala ng pag-asa!” mariin ang pagkakasambit ng bawat kataga.

Lumong-lumo ang kanyang itsura, “Wala akong inisip sa mismong kaunting oras na nalalabi sa buhay ko ay ang pagdadasal na madali mong matanggap ang pangyayari!” “Pakiusap asawa ko! Kung mahal mo ako at ang pamilyang pinagtulungan nating buuin, paglabanan mo iyan!” humahagulhol niyang banggit. (Habang hinahawi ang buhok ko at mahinhin na hinalikan ako sa noo!)

Napahagulhol daw ako ng sobrang lakas at sumisigaw nang: “Asawa ko, asawa ko, patawad! Mahal na mahal kita at hindi ko pababayaan ang mga anak natin!” Bumalik ka! May sasabihin pa ako sa iyo! ” iyan ang mga katagang nasambit ko bago ako nawalan ng malay.

Pagkagising ko ay parang walang nangyari at naglinis ako ng buong bahay namin. Labis na nagtataka ang pangalawang anak ko na siyang bantay ko, kaya naman saway rito, saway roon ang kanyang ginawa.

Dumating ang panganay kong anak at ibinalitang kinakailangan pa ng dugo para ipandonasyon sa Blood bank kung saan ay nakakuha sila ng tulong para sa platelet na kailangang isalin sa bunso ko.

Hapong-hapo niya akong niyakap, “Ma, ayos ka na ba? Ano po ang masakit sa iyo? Ma, pagaling ka ha!” pinipigilan ang mga luha.

“Kuya, huwag mo pigilan ang mga luha na iyan, naalala mo ang sabi ni Papa ninyo?”, hinahagod-hagod sa likod ang labing-anim na taong gulang na anak.

“Hindi tanda ng kahinaan ang pag-iyak ng isang lalaki!” iyan po ang sabi niya Ma!”, sabay hagulhol sa aking mga balikat.

“Pasensiya ka na, anak! Naging mahina ako, pero ngayon aasahan mong magtutulungan na tayo!”

Sa awa ng Panginoon ay nakaligtas sa tiyak na panganib ang bunso ko. Ikinuwento ko sa mga anak ko ang pagpapakita sa akin ng kanilang ama, at biglang sumabat ang bunso kong anak.

“Ma, iyong sobrang nagdidiliryo ako, nanginginig ako; bigla akong niyakap ni Papa at sabi niya na sabihin ko nga kay kuya na maysakit ako!”

Itunuloy-tuloy niya ang kuwento….

“Napaiyak po ako noon! Imbes na natakot dapat ako, kaso miss na miss ko na si Papa! Huwag daw matigas ang ulo ko at sundin ko siya! Gusto ko na kasing mamatay, “Sabi ko wala na si Papa, si Mama maysakit! Paano na kami!”, habol ang hininga at pasigok-sigok habang inilalahad ang kanyang karanasan sa amin.

Sa loob ng isang taon ay kung anu-anong trabaho ang pinasukan ko upang may pantustos sa pang araw-araw naming pangangailangan.

Nawawalan na ako ng pag-asa dahil may kolehiyo akong anak. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pang matrikula at mga pangangailangan namin.

Napahinto ang anak ko ng isang semester sapagka’t hindi talaga namin kakayanin ang gastos. Isang araw sa pinapasukan kong pabrika habang breaktime, kaming mga extra lamang sa pakyawan ang trabaho ay hindi basic minimum wage ang pasahod. Mas maliit kung tutuusin sa mga regular na namamasukan sa pabrika.

Habang nagbabasa ng diyaryo ang isa sa kasama ko, “Mariz, mamasukan kaya tayo bilang DH? Tignan mo oh, walang placement fee! Malay mo, ito na ang suwerte sa buhay natin!” nangangarap ang mga mata habang nangeengganyo niyang sambit.

Dahil dalawa kaming magkaibigan na magkasamang sumubok mag-apply ay medyo nagkaroon ako ng lakas ng loob.

Plantsado na ang lahat at inaasam-asam namin na wala ng magiging bulilyaso ang aming pag-alis nang biglang lumabas ang resulta ng medikal at sinasabing hindi siya nakapasa.

Ikinalungkot naming magkaibigan iyon, pero binigyan pa rin niya ako ng payo na ituloy ko ang pag-aabroad.

Kaya kahit nag-iisa ako ay wala ng urungan sa aking pag-alis. Labis ang pagtangis ng tatlo kong kayamanan habang inihahatid ako sa taxi na magdadala sa akin sa paliparan.

“Ma, huwag kang mag-aalala, ipanatag mo ang loob mo ako ang mag-aalaga sa mga kapatid ko”, pampalakas-loob ng panganay ko.

“Ate, ako na ang bahala sa kanila. Mag-iingat ka roon at laging tumawag ha!”, bilin ng aking kapatid.

“Welcome to Buraydah, Saudi Arabia!”, bati ko sa aking sarili.

Nakalulula sa laki ang kanilang tahanan, anim ang mga bata, mag-asawang amo ko at may nakapisan na dalawang tiyahin.

May nauna na akong kasama, isang Indonesian. Edukado ang mga amo ko ngunit hindi balanse ang pagkakahati ng trabaho.

Ngunit sadyang masasama ang ugali nila, ramdam ko rin ang ibang pakikitungo sa akin kumpara sa iba.

Sobra ang naging kalungkutan ko, wala man lamang ako nabitbit na kahit maliit na bibliya, sapagka’t natakot akong magdala dahil mahigpit daw na ipinagbabawal.

Minsan ay may nakakuwentuhan akong mga katulad ko rin na mga kasambahay at sila lahat ay Muslim, at sabi nila sa pamilya na iyon ay halata ang diskriminasyon sa aming mga hindi Muslim.

Makikita kong nakikipagdaldalan sa kanila ang mga amo, sa aming dalawa na hindi Muslim ay hindi.

Hindi ko inaasahan ang sumunod na mga kaganapan….

Minsan ay, naglilinis ako at kinausap ako ng amo ko sa unang pagkakataon, inalok akong maging Muslim, sabi niya gusto niya ang pagtatrabaho ko pero sana raw ay mahikayat niya akong maging Muslim upang maging kapatid ang turing niya sa akin.

Inalok niya ako ng tatlong libong riyals na regalo kasi sumang-ayon at tuwang-tuwa rin ang dalawang kapatid niya. Bibigyan pa ako ng isa sa mga madam ng telepono.

Labis akong nag-isip, kailangan ko ng pera, at iyon ang ipinunta ko sa ibang bansa.

Udyok sa akin ng kasama kong Indonesian ay tanggapin ko na ang alok na iyon, kasi kapag tumanggi ako baka raw mag-iba pa ang pagtrato sa akin.

Sa madaling salita ay pumayag ako at pinag-aral ako sa Islamic Center nang dalawang buwan.

Ngunit hindi talaga bukal sa loob ko ang pagtanggap sa bagong relihiyon na pinasukan ko.  Nang malaman pa ng mga anak at kapamilya ko ay lubha nilang ikinagalit.

Wala akong masamang pagtingin sa relihiyong Islam, ngunit mahirap  yakapin nang lubusan ang hindi nakasanayan at kaunti lamang ang aking nauunawaan.

Napakabigat lagi ng dibdib ko sa kataksilan na ginawa ko sa relihiyong kinamulatan ko.

Alam kong isa itong kasalanan, nguni’t naging mas malakas ang kaway ng tunog ng salapi; na mismong dahilan kauya’t  ako ay nahikayat.

Hindi intensiyon ng amo ko na magpapalit lamang ako ng relihiyon para lamang sa pera, nais nilang galing sa puso ko. Ngunit hindi ko sinabi ang totoo.

Kaya doble-doble ang bigat ng kasalanan na dinadala ko ngayon.

Ikaapat taon ko na rito at kada magbabakasyon ako sa Pinas ay balik Katoliko ako at kumakain ng mga ipinagbabawal na pagkain.

Pagbalik ko naman sa Saudi ay balik Muslim ako dahil iyon ang alam ng amo ko.

Nais pa nilang mag-extend ako, ngunit kahit gusto ko pa dahil sa maayos na pakikitungo nila at gamay ko na ang trabaho, nakapagdesisyon na ako na aalis na lamang sapagka’t lalo lamang akong nalulubog sa kasalanan. Hindi lamang sarili ko ang niloloko ko kundi lalong-lalo na ang Panginoon nating Lumikha.

Ako  nga ba ay isa nang makasalanan?

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!