Huwag Mo Na Lang Kaya Siyang Mahalin (Part 1)

(Photocredit:http://www.123rf.com)
(Photocredit:http://www.123rf.com)
(Photocredit:http://www.123rf.com)

Heto na naman ako, hindi na nadala. Inulit ko na naman sa sarili ko ang nakaraang nagbigay sa akin ng matinding kalungkutan, ikaw na aking minamahal.

Minahal ko si Bryan nang buong puso. Kaya ko ngang tanggapin lahat ng kanyang pagkukulang.At sa nakaraan naming dalawa, masasabi kong may parte sa puso niya na kahit sabihin niyang hindi niya kaya magmahal gaya ng hinihintay ko, ang pagmamahal ko ay naging sapat para tumagal ang aming relasyon nang dalawang taon at nakita kong kahit paano’y pinahalagahan niya ako.

Dumating sa punto na ang relasyon namin ay naputol, ngunit umusbong ang pagkakaibigan. Maraming naghusga, ang tanga ko raw. Pwede na raw akong barilin sa Luneta, ang martir ko nga siguro.

Wala naman sa akin ang mga sinasabi nila, wala naman kasing pakialam kung ano ang sasabihin ng iba. Ang gusto ko lang ay maging malapit pa rin ako sa kanya. Siguro nga dahil sa mahal ko pa rin siya.

Hindi naman naputol ang dati kong ginagawa, parang mayroon, pero wala ang sistema ng aming pagsasama. Libre na siyang maghanap ng iba, gaya ng sabi niyang libre na rin ako na magmahal ng gusto ko.

At iyon naman talaga ang ginagawa ko. Libre ako na mahalin siya, kasi yun ang gusto ko. Yun nga lang hindi niya alam yun.

Minsan ay kinuwento ko sa kanya ang pangarap ko. Ang makasama ang minamahal ko sa isang simpleng tahanan. Babalik ako sa panahon na wala pang mga mamahaling gadyet, gaya ng celphone o kaya laptop man. Ayoko na may magiging dahilan para kami’y mag-away, na kadalasan ay dahil sa mga bagay na minsan hindi naman kailangan.

Gusto kong bumalik kung saan ang asawa ay nagsisilbi, hindi nawawalang-bahala ang asawa dahil sa Facebook o kaya’y sa games man. Kaibigan niya ay aking tatanggapin, kung sila man ay gustong maghapi-hapi sa bahay namin.

Ngunit hindi naman iyon ang gusto niya. Ang gusto niya ay isang babaeng exciting, maganda at puwedeng irampa; ‘yung puwedeng ipagmalaki sa mga kaibigan niya.

“Ang malas mo naman, Divina,” ang sabi nila.

“Sinisiksik mo ang sarili mo, sa ayaw naman sa ‘yo,” patuloy nila.

“Oo nga noh?, ang malas ko talaga, kung bakit naman kasi ang bobo ko, ang pangit pa,” sagot ko naman sa kanila.

Ewan ko ba, ngunit sa araw-araw na ginawa ng Diyos, hindi kumpleto ang buhay ko na hindi ko siya nababati. Pakiramdam ko ay akin siya, ngunit ang totoo naman ay hindi.

Minsan, may inamin siya sa akin, sila raw ng katrabaho ko. Masama ang loob ko, lintek naman kasi, sa dinami-dami ng babaeng puwede, may asawa na kasi ang babae.

Nakita ko kung paano lumandi sa kanya ang aking katrabaho, gusto kong ibulgar ang kanilang ginagawa, ngunit dahil sa pagmamahal ko sa kanya, ako ay nanahimik.

Paano kung patayin siya ng asawa ng babaeng kinahuhumalingan niya? Hindi ko kayang mawala siya kung kaya’t wala akong ginawa.

Tumagal din naman ang kanilang relasyon, ngunit ang alam ko mayroon pang ibang babae na umiistorbo sa kanya sa kanyang celphon; lahat naman yata kasi ng tao ay pinagbibigyan niya, parang hindi pa sapat ang paghahanap ng mamahalin niya.

Minsan, sa ‘di inaasahang panahon, ang babae ay nagbuntis. Wala naman akong nagawa nang siya ay lumapit. Gusto niya na raw iwasan kung kaya’t ako ay kailangang gamitin. Hindi raw naman sa kanya ang ipinagbubuntis, dahil ang babae ay may asawa at hindi niya maaaring akuin.

Naiinis ako sa kanya, inulit na naman niya sa iba ang ginawa niya sa akin; nang ako ay magbuntis, itinatwa rin niya. Sinabing kasalanan ko ang lahat at ako lang ang may gusto, ayaw niya raw na may koneksyon kami, kung kaya’t ito ay aking alisin.

Pinaglaban ko ang buhay ng anak ko, lumayo ako sa kanya at sinabing madedestino sa ibang lugar. Doon ko iniluwal ang aming anak, ni wala siyang alam sapagkat ako ay takot na sumbatan. Sa pagbabalik ko, ang lahat ay nanatiling lihim.

Naisip ko, anong klaseng lalaki ba ito? Taga-tikim lang ba o sadyang walang puso?

Sino kaya ang makapagpapabago sa kanya? Kailan kaya siya titigil at makukuntento?

Nakawala nga siya sa babaeng kanyang kinalantari. Ni hindi na sinagot ang tawag at text nito. Gaya ng dati, balik sa dating gawi, libre na naman siya. Puwede na namang magmahal ulit.

Bakit nga ba kasi ang babae ay nadadala sa itsura? Palibhasa ba guwapo, hindi nakagkagawa ng masama? Minsan, gusto ko nang isigaw na may mali, huwag na kayong magbakasakali dahil baka kayo ay masawi.

Ako ang piping saksi sa kanyang kahibangan. Ang sabi niya sa akin ay alam naman ng mga babae ang kanyang gusto, at ito’y tinatanggap naman nila nang buong puso.

Minsan nakita ko siya may kasama na namang iba……sus ko po, isang kolehiyala, malas mong bata ka………..sa loob-loob ko, huwag kang bibigay pagkat may pag-asang masaktan ang puso mo.

 

(Itutuloy)

About jessa maria

Proud to be a BICOLANA..a simple person who writes what's on her heart. Loves to laugh even in times of trouble..hopeless romantic and often times with a wild imagination.....friendly but shy....