Huwag ka nang umalis…

Image by Holgi (Pixabay)

Pag nag-iimpake ka na, nauuna na ‘yung diwa kong nakaalis dito, iniisip ko magiging kalagayan mo dun.

Ang hirap, pamawi ay luha kasi mami-miss kita, hahanap-hanapin kita. Sa pag-uwi ko galing ng trabaho, maninibago sa walang madaratnan, walang kasamang manonood ng mga teleserye’t koreanobela. Walang magpapagpag ng higaan, magsu-switch-off ng ilaw at bubulong ng malambing sa tenga ng mahal kita saka magtatanong kung matutulog na ba tayo.

Ba’t kasi kailangan pang umalis, magpapatatak ng pasaporte, mangingibang bansa ng higit sa isang taon o mas higit pa. Matagal-tagal na panahon ang aantayin bago muling magkakasama at kung minsan ‘di maiwasan na sumama ang loob hindi sa ‘yo kundi sa sitwasyong magkalayo tayo sa isa’t-isa.

‘Wag ka na kayang umalis, ‘wag ka nang umalis.

Magiging okey naman tayo sa ulam na sardinas at tuyo, masisilong sa tagpi-tagping bahay na may kinakalawang na yero sa bubong. Malalampasan ang mga bagyo sa evacuation center. Makakapila nang maayos sa pagkuha ng relief goods. Makakaahon din tayo sa hirap.

Gayunpaman, ayokong ikahon ka sa kalagayang ganito na lang.

Sabi mo para rin sa atin, para sa bukas natin. Susuportahan kita sa gusto mo kahit na nakikisapmata ko ang mga nakakatakot na mangyayari kapag magkalayo na tayo. Ang mawalay sa iyo ay malungkot pero sasanayin ko na lang na nasa kabilang bayan ka lang malapit sa akin.

Sobrang simple lang naman ng mga pangarap ko sa buhay, hindi nagugutom, mabuting kalusugan, may lupa at bahay na tinitirhan kahit na ‘di nakamarmol, maayos na trabaho at tahimik na kaisipan – solb na ako.

Sa eksenang aalis ka na, ngumingiti ako at pilit naiiyak na, ‘wag kang magsawa sa paulit-ulit kong bilin na ingatan mo ang sarili mo dun at lagi mong iisipin na baon mo ang mga salitang mahal na mahal kita at nandito lang ako maghihintay sa iyong pagbabalik; kahit matatagalan man mabilis naman ang ikot ng panahon.

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!