Hukluban (Ito ang Aking Kuwento)

Photo Credit: www.conceptart.org
Photo Credit: www.conceptart.org
Photo Credit: www.conceptart.org

Ang tubig kahit gaano pa kainit ay lumalamig din. Ang sikat ng araw sa katanghaliang-tapat, kahit na anong init ay lumalamig din pagdating ng hapon. Gayundin ang pag-ibig, kahit gaano kainit ay lumalamig din pala. Ako po si Justa at ito ang aking kuwento.

Sitenta’y siete anyos na ako sa susunod na buwan. Kulubot na ang aking balat na tadtad na rin ng pekas. Puting-puti na rin ang aking buhok na dati ay kasing-itim ng gabi. Malabo na rin ang aking mga mata. Naging bahagi na rin yata ng aking buhay ang pananakit ng aking mga kasu-kasuan dahil sa rayuma.

Magdadalawang taon na ako ngayon dito sa Golden Acre. Ang lugar na ito ang siyang pinaglalagakan ng mga matatanda nang tulad ko. Ang iba sa amin ay walang kaanak na maaring mag-andukha, samantalang ang iba naman ay itinakwil ng mga kamag-anak. Ako, hindi naman ako itinakwil;pinagsawaan lamang.

Tatlo ang anak namin ng aking asawang si Canor. Dalawang babae at ang aking bunsong lalaki. Si Canor ay katiwala sa isang malaking sakahan samantalang ako ay sa bahay lamang. Sa pagtutuwangan naming mag-asawa ay nakatapos ang aming mga anak sa kanilang pag-aaral.

Nagkaroon sila ng magagandang trabaho, kapwa guro ang dalawang babae at Clerk of Court ang bunso. Lumipas ang mga panahon, isa-isa silang nagsipag-asawa at nagkaroon ng mga anak. Masaya ang buhay, napakasarap makita na tagumpay na lahat ang iyong mga anak at pagkagaganda ng mga apo.

Subalit, iniwan ako ng aking asawa; nagkasakit siya sa bato. Gayunpaman ay namatay siya nang masaya dahil nakita niya ang tagumpay ng aming mga anak. Napakasakit sa akin ng kaniyang pagkawala, katabi ko siya sa higaan sa loob ng limampung taon. Kasalo sa lahat ng ligaya at pighati, tapos ngayon ay nilisan niya ako;pakiramdam ko ay nag-iisa na lamang ako.

Lingid sa aking kaalaman ay nag-usap ang magkakapatid na ako ay kanilang kukuhanin. Una akong pumisan sa aking bunso. Mahirap iwan ang bahay kung saan kami nagsamang magpapamilya, subalit makabubuti raw sa akin kung may makakasama sa buhay.

Malakas pa naman ako noon kaya naalagaan ko pa ang aking mga Apo sa aking bunso. Nang kailangan ng panganay ko ang aking tulong nang siya ay manganak ay naroon ako at inalalayan ko siya. Gayundin sa aking pangalawang anak; lagi pa rin nila akong karamay.

Hanggang sa dumating ang panahon na tumanda ako at naging hukluban, naging masasakitin ako at maramdamin. Minsan, hindi ko na mapigilan ang maihi sa aking salawal lalo na at ako ay sinasasal ng ubo o kaya naman ay natatawa. Hindi na rin ako masyadong makapaligo dahil pakiramdam ko ay nilalamig ako. Ang dating katawan ko na malakas at masipag sa pag-gawa ng gawaing-bahay ay naging matamlay. Maaring naging mainitin na rin ang ulo ko kapag nakaririnig ng ingay; lalo na at gabi.

Doon ko nakita na nagbago ang aking mga anak.

“Hello!Ate, kuhanin mo naman si Nanay, katagal na niya sa amin ah. Nag-aaway na kaming mag-asawa” naulinigan kong tinig ng anak kong bunso habang kausap ang kaniyang Ate sa telepono. Naka-loud speaker yata kaya narinig ko ang kanilang usapan.

“ Ha, pambihira ka! Noong inaalagaan niya ang mga anak mo, Hindi ka nagreklamo” sagot naman ng anak kong panganay sa kabilang linya

“Ate naman, baka nakakalimutan mo na inalagaan din naman ang mga anak mo” sagot naman ng bunso ko.

Hindi ko na tinapos pakinggan ang kanilang usapan. Napaupo ako sa aking katre at ako ay umiyak nang umiyak. Halos impit kong tinawag ang pangalan ng aking asawa.

“Canor bakit mo ako iniwan, isinama mo na lamang sana ako kaysa naman ganituhin ng mga anak natin” panaghoy ko sa kapaitan ng aking nararamdaman.

Hindi naglipat -linggo at ako nga ay sinundo ng aking panganay na babae. Noong una ay maganda pa naman ang trato sa akin. Sa isip-isip ko pa “Ang sarap pala ng may anak na babae, masarap mag-alaga.” Ngunit dumating ang pagkakataon na nagsawa na rin yata siya.

“ Nay maligo naman ho kayo, ipag-iinit ko po kayo ng tubig” sabi nito sa akin

“E anak, pakiramdam ko kasi ay lalamigin ako kapag naligo” tutol ko naman. Bakit nga ba ay masipag naman akong maligo noon. Bakit kaya ako nagkaganito?

“E Inay, hindi na raw po matiis ng mga anak ko ang panghe ninyo eh” iyon lang at padabog itong umalis

Kahit na ano ang sabihin ay ayaw ko talagang maligo. Sumama ang loob ko, kaya nang dalawin ako ng anak kong babaeng pangalawa ay sumama ako sa kaniya. Problema ay halatang-halata ang pagka-disgusto sa akin ng aking manugang. Halos ayaw nitong sumabay sa akin sa pagkain. Naririnig ko pa na minsan ay nag-aaway sila. Ayaw kong ako ang maging dahilan ng pag-aaway nilang mag-asawa. Kaya kahit ayaw ko ay bumalik ako sa dati naming bahay. Sabi ko sa aking sarili, kahit ako’y nag-iisa ayos lamang iyon. Ayaw kong makabigat sa kanila.

Subalit talaga sigurong hindi ko na kaya ang aking sarili. Minsan ay nalilimutan kong nakasalang ang aking niluluto, minsan ay muntik pang nasunog ang aking bahay. Mababait naman ang aking mga kapit-bahay, binibigyan nila ako ng lutong ulam. Marahil ay nahihiya naman ang aking mga anak. Minsan ay pumunta sila sa bahay at pilit akong kinuha.

“Nanay, dito ka sa bahay! Huwag matigas ang ulo mo!”pagalit na sabi ng panganay kong anak

Kanino mo ba kasi gusto? Tingnan mo nag-aaway ang mga mag-asawa, e sa akin wala ang asawa ko at nasa ibang bansa kaya ako lamang ang pakikisamahan ninyo. Ang hinihiling ko lang naman ay maligo kayo nang hindi kayo namamanghi” tuloy-tuloy na sabi nito sa akin.

Nasaktan ako, ganoon na ba ako pagsalitaan ngayon ng aking anak?

Noong maliliit sila, hindi ko sila pinipilit kapag sinabi nilang masama ang kanilang pakiramdam. Bakit ako ngayon, ginaganito nila.

Bilang pag-sunod sa aking anak ay naligo nga ako. Naging dahilan iyon kaya ako ay inubo nang inubo. Dinadalahit ako nang ubo lalo na at gabi. Nagagalit ang mga apo ko at hindi na raw sila makatulog dahil sa lakas ng aking ubo.

Nararamdaman kong naiinis na sila sa akin. Kapag nakabukas din kasi ang aking pinto ay umaalingasaw din ang panghe, dahil naiihi na rin ako ng hindi ko nalalaman. Minsan ay nakababasag na rin ako nang gamit ,lalo na ang baso dahil nadudulas sa aking mga kamay.

Minsan, akala siguro nila ay tulog ako. Dumating ang dalawa ko pang anak. Tila sila may pagpupulong. Dinig na dinig ko ang kanilang mga pinag-usapan.

“ Hindi ko na matiis si Nanay, may trabaho din ako at napeperwisyo ang mga bata” paliwanag ng aking panganay

“E sa akin naman ay nag-aaway kaming mag-asawa” sagot naman ng aking pangalawa

“Naku mga Ate, alangan naman na ang pag-alagain ay ang aking asawa. Siempre hindi ko maasikaso si Nanay dahil may work din ako. Tsaka may sakit siya baka mahawa ang mga anak ko.” Sabad naman ng bunso.

“ Ano kaya kung dalhin sa Golden Acre, doon ay malilibang siya. Puro matatanda ang kaniyang makakasama” suhestyon ng aking bunso.

“ E maganda nga siguro, para iwas perwisyo. Pwede bang in-charge ka sa research at kung magkano ang bayad. Kahit na mahal pa, hindi naman na siguro magtatagal si Nanay; matanda na rin naman” ang panganay ko ang nagsabi niyon.

“O sige ate, tatawag ako sa kanila bukas” sagot ng aking bunso

Napakasakit sa akin na marinig iyon. Bakit ba kasi hindi pa ako mamatay na lamang para hindi na maging pabigat.

Tatlong Linggo makalipas silang mag-usap ay hinatid na nila ako sa Golden Acres.Yumakap pa sila sa akin at parang ayaw akong iwan, subalit alam ko na ang nasa puso nila. Nangako naman sila ana ako ay dadalawin at minsan ay ipapasyal.

Nauunawaan ko naman sila, kada dalawang buwan ay isa sa kanila ang dumadalaw at minsan ay ipinapasyal pa ako. Kung sino man ang dumating sa kanila ay pinasasalubungan naman ako ng masasarap na pagkain. Mababait din naman ang trato sa akin ng mga staff dito at maayos din naman ang aking pakikisalamuha sa aking mga kasama.

Kaya lang may pagkakataon na pilit kong napagkukumpara.

Noong mga bata sila, kahit naiihi sila sa higaan ay ayos lamang sa akin. Kahit na pagdating ng umaga ay lalabhan ko nang manwal ang mga nabasa dahil naihian. Noong maliliit pa sila ay hindi ako nagreklamo sa paghuhugas ng kanilang puwet kapag sila ay dumumi. Lahat ng alaga ay ibinigay ko sa kanila. Umusal ako ng dasal na sana kapag ako naman ay matanda na at wala nang silbi ay kalingain man lang ako.

Kinakalinga naman ako subalit hindi ko na maramdaman ang kanilang pagmamahal sa akin. Para kasing obligasyon na lamang na ako ay dinadalaw at ipinapasyal. Hinihintay na lamang yata ang aking kamatayan. Napakaswerte ng aking asawa, nauna siya, naalagaan ko pa siya at hindi na niya naranasan ang ganitong trato ng aming mga anak.

Kahit maayos ang trato sa akin dito ay mas higit ko pa ring hinahanap ang alaga ng aking mga anak.

Kapag pala ganito ay hindi mo na nanaising mabuhay. Hinihintay ko na lamang din na ako ay bawian na ng buhay para hindi na maging pabigat sa aking mga anak. Pagluha dahil sa pangungulila ang nagagawa ngayon ng isang huklubang gaya ko. Sana ay hindi na ako magtagal.

Phone baby 1

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!