Hoard to Heaven

Kapag nanalangin tayo sa taas, isinasantabi natin ang paghingi ng material na bagay kung sakali, pero minsan hindi natin maiwasan na humiling ng mga bagay na sa akala natin ay makapagpapasaya at makapagpapakontento sa atin.

Lord, sana magkabahay na kami.

Lord, sana mabili ko na yung bagong labas na Iphone.

Lord, sana ibigay na ninyo ang gintong kuwintas na matagal ko nang pinapangarap.

Lord, sana tumama ako sa lotto.

Lord, sana magkapera pa ako nang marami.

Hindi tayo natatapos humiling ng kung anu-ano. Kapag nakuha na ang gusto, hindi magtatagal may panibago uling hihilingin. Nakakulong tayo sa siklo ng consumerism.

Kanya-kanya ng paraan para madiskartehan ang gusto. May sa shortcut at agresibong umaasam katulad ng pagtaya sa lotto, pagsusugal, at mas malala, illegal na paraan gaya ng pagnanakaw at panggagantso. May waldas gumastos, may kuripot sa pera para lang magkaroon ng gustong bilhin. May sumusubok magnegosyo, may sumasabak sa trabaho mapalabas at loob ng bansa. May umaasa sa mamanahin, may naghihintay pakasalan ng banyagang ulyanin.

Sa buong araw hanggang gabi, sumasagi sa isip natin na may gusto tayong bilhin.

Kaya kapag nagkakapera tayo, gusto nating magpundar ng mga kailangan at kagustuhan. Magpapatayo ng malaking bahay, bibili ng limang sasakyan, aangkin ng higit sa isang titulo ng lupa, mag-eexpand ng negosyo, magsusuot ng branded na damit, mangongolekta ng mga mamahaling gamit, atbp. Ngunit ayaw nating patawag na mayaman, ayaw nating maging sentro ng atensyon ngunit sa katotohanan gustong gusto naman.

At sa pagkakataong lilisanin na natin ang mundo, iniisip natin kung kanino maiiwan ang lahat ng ating ari-arian dito sa lupa. Pinaplano nating mabuti ang ipapamana sa mga maiiwanan. Kung puwede lang sigurong dalhin sa langit ang mga ari-arian, gagawin ng iba. Wala pa kasing kabaong na naimbento na puwedeng ilagay lahat ng binili mo. Mabuti na lang hindi nasulat sa bibliya.

At mabuti na lang paisa-isa tayo kung umaalis sa mundo, may mapupuntahan ang ating mga naipundar kung meron man. Paano na lang kung minsanan gaya ng pagkakataong tumama ang isang dambuhalang bulalakaw sa mundo, sigurado ubos tayo pati ang mga naipundar natin.

Kaya kung hihiling tayo sa taas, pumikit at ‘wag idilat ang mga mata para hindi natin makita ang demonyong salesman na nagkatawang lupa at nangungumbidang “halika dito, heto, bilhin mo na….”

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...