Hindi naging ‘TAYO’ kailanman

Photo by Cauã

Ako lang pala…

Ako lang pala itong umasa at naniwala na may espesyal na namamagitan sa ating dalawa, na sa tuwing masisilayan ko ang iyong matamis na ngiti, iniisip kong ako ang dahilan kung bakit ka masaya.

Inisip ko rin na sa tuwing magkasama tayo, pareho tayo ng nararamdaman. Pareho tayong nananabik sa isa’t isa, at pareho ang isinisigaw ng ating mga puso.

Mali pala…

Bakit nga ba masyado akong naniwala sa mga bagay na kailanma’y hindi magkakatotoo? Masyado akong nalunod sa mga ngiti mong hindi pala ako ang dahilan kung bakit ka masaya. Naniwala na sa mga oras na kasama kita, na sa akin lang ang iyong atensiyon, na ako lang ang may kakayahan na pawiin ang mga luha sa ‘yong mga mata—ngunit…

Hindi pala…

Dahil ang totoo, hindi mo pipiliin kailanman ang isang tulad ko. Hindi mo kayang pag-ukulan ni katiting na pagtingin ang tulad kong ni sa hinagap ay hindi mo maaatim na maging kabiyak ng iyong puso. At kahit pa siguro lumampas man sa daang porsiyento ang pagpapakitang-gilas ko sa ‘yo, ay hinding-hindi mo pa rin ako matututunang mahalin.

Ganoon pala…

Oo, gago ako, dahil masyado akong nabulag sa katotohanan. Masyado kong ginago aking ang sarili sa mga katarantaduhang pinag-iisip ko na imposibleng mangyari. At siguro nga’y masyado akong asumero dahil ang buong akala kong may ‘TAYO’.

Wala pala…


Dahil kahit kailan, hinding-hindi magiging ‘TAYO’!

Photo by Cauã.

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!