Himutok ng isang OFW

Image via google credit to owner

Ayaw kong umiyak, pinipilit kong gawing magiliw ang bawat araw ko. Nakikipagnginitan sa mga nakakausap ko sa bahay at sa mga tao sa aking trabaho.  In denial ba ako sa kung ano  talaga ang nararamdaman ko ngayon? Pero hindi. Alam kong malungkot, sobrang lungkot , pero kailangan kong labanan.

Hindi ko nakakausap nang maayos ang mga anak ko. Wala daw kasing skype application sa cellphone ng bunso ko at sa panganay ko naman, ay sira daw ang cellphone niya,  mahirap daw tawagan. Ang ama nila na wala naman nang pakialam sa akin ay bihirang-bihira lang mag message, kapag kailangan lang ng pera.

Hindi ba nila ako namimiss?

Hindi man lang sila nangungumusta, minsan lang sila sumasagot sa mga message ko sa FB,  pero kulang ang mga sagot sa bawat tanong ko, parang puzzle na hindi makumpleto at ‘di mabuo-buo . Kung makausap ko naman laging choppy, ang hirap intindihin ng mga sinasabi. Minsan naman po at opo lang ang sagot sa akin, walang kuwento.

Naiinggit ako sa ibang OFW na lahat ng detalye ng nangyayari sa kanila at sa mga anak nila ay alam nila, lagi pa nilang nakakausap at nababantayan through skype ang mga anak nila pati na asawa nakakakuwentuhan nila. Kumpleto sila sa picture.

Madalas ‘yung pamilya pa nila ang laging nagme-message at nangungumusta. Pero ako, wala, nganga. Minsan lang may sumasagot sa mga message ko. Pati mga tawag ko hindi agad masagot.  Minsan, hindi talaga sinasagot.

Madalas tinitipid ko ang sarili ko sa mga bagay na gusto kong kainin at bilhin, para hindi mabawasan ang ipapadala ko. Pero bakit ganitong sitwasyon ang kinakaharap ko in return sa lahat ng pagsasakripisyo ko. Makatwiran pa ba ang ganitong uri ng kalagayan? Pinipigilan ba ng dati kong asawa ang mga anak ko na mag-message sa akin? Pero bakit pag ubos na ang padala ko ay nakakapag-message naman?

Iniwasan ko na ngang makipag chat sa iba, kasi parang lalo lang akong nalulungkot lalo na kapag nagkukumustahan na tungkol sa pamilya, wala naman akong maibida.

Kumusta na nga ba ang mga anak ko, ang tatay nila na nakipaghiwalay na sa akin, hindi kaya sila pinababayaan? Hindi ako updated sa kung ano ang nagyayari sa pamilya ko. Minsan nga mas alam pa ng ibang mga kaibigan ang nangyayari sa  kanila. May nagsesend pa ng mga pictures sa akin kapag nakakasama nila ang mga bata o kaya ang tatay ng mga bata. Madalas may nagpapadala ng pictures sa kung anu-ano pinagkakaabalahan ng ex ko.

Ako ang nagtatrabaho sa malayo pero ako ang laging nangungumusta at lahat ng paraan para ma-contact sila ay ginagawa ko. Walang nag-tatanong kumusta ka na? Kumain ka na ba? Kumusta ang trabaho mo? Kailan ba ako huling kinumusta? Okey lang ba ako?

Ako na nga lang ang magtatanong sa sarili ko.

Masaya ba ako? Nalulungkot ba ako? Okey lang ba talaga ako? Kailangan kong mahalin ang sarili ko, kasi para namang walang nagmamalasakit.  Ang dami kong pagmamahal na gusto ibigay sa mga mahal ko pero walang tumatanggap. Pero bakit pag pera ang ibinibigay, tanggap nila. Ayaw ba nila ang atensyon ko?  Kasi ako kailangan ko ang atensyon nila.

Oo, kulang ako sa pansin ng mga taong gusto kong pumansin sa akin.  Gusto kong maglambing sa kanila at marinig ang paglalambing nila sa akin.

Kapag wala nang pang gastos, hayun may message na akong natatanggap,  magpadala na daw ako. Pera lang ba na kinikita ko ang dahilan para kausapin ako? Naisip ko tuloy kontian ang bawat padala ko para mas madaling maubos, para may mababasa ako ulit na message mula sa kanila sa mga susunod na araw. Pag kailangan ko na ulit magpadala kapag wala na silang pera, nandyan na ulit sila.

About Emode

I write if I am emotionally sad, I write if am deeply happy. I write if I am in-love, I write if I am angry... I write because I have lots of stories in my mind, I think my emotion is my motivation why I can compose articles, because I write what’s on my mind, what I feel and what I dreamed for…
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!