He who broke my heart (Part 30)

orlie dfWALANG KAEMO-EMOSYONG HINAHALIKAN ni Dwight sa mga labi si Kylie. habang nasa isang magarbong motel sila. Si Kylie ay isa lamang sa mga babaeng parausan ngayon ni Dwight na halatang patay na patay sa binata.

Simula nang lumabas sa kanyang lungga ang binata mula sa pagmumukmok ay tila naging libangan na niya ngayon ang makipaglampungan sa mga naggagandahan at nagseseksihang mga kababaihan. At isa na nga rito si Kylie na isang papasikat pa lamang na modelo.

He became a womanizer after what his ex-girlfriend did!

Mayamaya’y mas lalong naging mapangahas si Dwight. Mabilis niyang tinanggal ang suot na blouse ng dalaga habang walang puknat pa rin niya itong hinahalikan sa mga labi.

This is just a one-night stand!

Para sa kanya, wala siya ni maramdamang kahit na anong kasiyahan sa ginagawa nila ngayon ng dalaga. Para siyang estatwa na walang pakiramdam. Iba pa rin talaga kapag ang babaeng mahal mo ang iyong kasiping.

NASA CONDO NA SI DWIGHT nang tumunog ang kanyang cellphone. Ang kanyang kuya Dustin ang tumatawag. Nagdalawang-isip siya kung sasagutin ito o hindi. Pero mas nanaig ang una.

“Yes, kuya?” sagot niya.

“Ano, napag-isipan mo na ba ang iniaalok ko sa’yo? Para rin ito sa kabutihan mo. Kaya sana, tanggapin mo na,” anang kapatid sa kabilang linya.

Hindi lingid sa kaalaman ng kanyang nakatatandang kapatid ang naging epekto sa kanya ng kataksilan ni Felicity. Mula sa mahabang panahon na pagmumukmok. Hanggang sa ginagawa niya ngayong pagpapabaya sa sarili dahil sa mga bisyo. Gaya ng alak at pambababae.

Napangisi siya. “Alam ko kung ano ang makakabuti sa akin o hindi. Kaya pabayaan mo muna ako, kuya.”

“Pabayaan? Makakabuti? Ano sa tingin mo ang pinaggagagawa mo ngayon sa buhay mo, ha? Dahil lang sa isang babae ay nagkakaganyan ka?” anang kapatid na tumaas na rin ang boses.

Lalo siyang nairita sa sinabi nito. “Ayoko na munang makipagtalo sa’yo, kuya. Kaya pabayaan mo muna ako, okay? Isa pa, wala naman kinalaman dito ang pagpunta ko d’yan para makaiwas. Dahil una sa lahat, nasa sa’kin kung ano ang dapat gawin. At uulitin ko, alam ko kung ano ang ginagawa ko!” pagmamatigas niya.

Sandaling katahimikan ang namayani sa kanila ng kapatid. Tanging malalalim na buntong-hininga nito ang naririnig ni Dwight.

“Alam ko na hindi kita dapat pilitin sa kagustuhan kong ito. Pero sana, mapagbigyan mo ako kahit ngayon lang,” pagkuwa’y malungkot na turan ng kapatid. “W-Wala na kasi akong ibang puwedeng pagkatiwalaan sa mga negosyo ko rito kundi ikaw lang na kapatid ko. Isa pa, alam ko na ikaw lang ang makakatulong sa akin higit kaninuman.”

May biglang kumudlit sa kanyang puso sa tinurang iyon ng kapatid.

“K-Kung alam mo lang kung ano ang kalagayan ko ngayon,” nabibigatang pagpapatuloy nito.

Napakunot-noo siya. “B-Bakit kuya m-may…problema ba?”

“Hangga’t maaari, ayoko sanang ipaalam sa’yo ang totoo. Dahil ayaw kong pati ikaw ay mag-alala. Pero naisip ko, darating ang araw na malalaman mo rin ang totoo. Ninyong mga pamilya ko…”

“Kuya! A-Ano’ng pinagsasasabi mo?’

Muling bumuntong-hininga ang kapatid sa kabilang linya.

“Ayaw kong kaawaan mo rin ako, Dwight. Pero nais kong malaman mo na kahit man lang sa mga huling sandali ng buhay ko ay makasama kita. Kayong mga pamilya ko. Maikli lang ang buhay ng tao. At gusto kong bago ako pumanaw, isa ka sa mga mahahalagang tao sa buhay ko na alam kong may magandang direksiyon ang buhay. Kaya gusto kong pumunta ka dito sa New York…” mahabang litanya ng kapatid na lalo niyang ikinagulat.

“K-Kuya, ginugudtaym mo ba ako para mapasunod mo ako d’yan sa Amerika?” tanging nasambit niya.

“I-I have a stage 4 lung c-cancer…”

Tuluyan nang hindi maibuka ni Dwight ang bibig nang marinig ang pag-aming iyon ng kapatid. At ilang segundo lamang ay unti-unti nang tumulo ang kanyang mga luha.

“K-Kuya, kailan mo pa nalaman ang sakit mong ‘to?” bulalas niya.

“Three months ago. Akala ko noong una, simpleng sakit lang ng tiyan. Pero palala nang palala ang sakit. Kaya nagpatingin na ako sa doktor. At iyon na nga, stage 4 lung cancer na daw pala ang sakit ko,” malungkot na tugon ng kapatid.

“Alam na ba nina papa at mama ‘to?” pilit na pinatatatag ni Dwight ang loob.

“H-Hindi pa. Sa’yo ko pa lang unang sinabi ito. Ayaw kong mag-alala sila at baka kung mapaano sila. Saka ko na lang sasabihin sa kanila ang totoo.”

“Gagaling ka pa kuya, diba? Hindi namin hahayaang mawala ka sa’min!”

“Unti-unti ko nang tanggap ang magiging kapalaran ko. Kaya habang may oras pa. Gusto kong makasama kita, kayong mga pamilya ko,” anito na pilit pinasisigla ang boses.

“May aayusin lang ako sandali dito at saka ako pupunta ng Amerika, kuya. Pupunta ako d’yan para alagaan ka. Kahit anong iutos mo sa’kin ay gagawin ko, kuya!” desididong pahayag niya na tinatatagan pa rin ang loob. Hindi niya kayang tanggapin ang karamdamang iyon ng kapatid. At lalong ayaw niyang mawala ito sa piling nila.

Kaya lahat ay gagawin niya alang-alang sa kapatid. Kahit pa maging sunod-sunuran siya dito. Mahal na mahal niya ang kapatid at napakalaki din ng utang na loob niya rito.

“Salamat, Dwight. Alam kong hindi mo ako matitiis. Pero ‘wag mo ng isipin masyado ang kalagayan ko ngayon. Alam kong may Diyos na tutulong sa akin para gumaling,” masiglang turan ng kapatid.

MATAGAL NANG NAPUTOL ANG USAPAN nila ng kanyang kuya Dustin, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Dwight sa natuklasan. Nakaupo siya habang nakatulala sa kawalan. Isa ang kanyang kapatid sa mga tumulong sa kanya para lumaki ang kanyang car business. Iyon din ang mga negosyo nito sa Amerika. Kaya sa kanya nito gustong ipagkatiwala ang mga negosyo nito.

Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit siya pumayag na magtungo roon. Dahil gusto niyang bantayan at alagaan ang kanyang pinakamamahal na kapatid. Sa kanilang apat na magkakapatid, mas close siya sa kanilang panganay at mula’t sapul ay sila na ang madalas na nagdadamayan sa isa’t isa. Kaya aasikasuhin niya ang mga dapat asikasuhin dito. Bago siya tumulak papuntang Amerika.

“Hintayin mo ako d’yan, kuya. Aalagaan kita. Mahal na mahal kita, kuya!” tila may kausap na turan niya.

NEW YORK CITY, USA!

MASAYANG sinalubong si Dwight ng kanyang kuya Dustin at hipag na si ate Margareth sa JFK airport. Nang makita ni Dwight ang kapatid, nanlumo siya sa hitsura nito na namayat ng husto at halatang nahihirapan dahil sa sakit. Ayaw niyang isipin na ang dating matikas, malakas at malusog na kapatid ay unti-unti na ngayong nanghihina dahil sa malubhang karamdaman.

Matapos ang yakapan at kumustahan ay saka sila dali-daling sumakay ng kotse papunta sa bahay ng kanyang kapatid. Magkakahalong emosyon ang nararamdaman ngayon ni Dwight. Pero isa lang ang natitiyak niya, hinding-hindi niya pababayaan ang nakatatandang kapatid at lalong hindi na niya ito bibigyan ng sakit ng ulo kahit kailan.

Isang bagay ang napagtanto niya simula nang matuklasan ang malubhang karamdaman ng kapatid. At ito ay ang pahalagahan mo ang iyong sarili at mga taong mahalaga sa’yo. Tama ang kanyang kuya na maikli lamang ang buhay ng tao sa mundo. And from now on, he will live life to the fullest!

Kalilimutan na rin niya ang kahit na anumang bagay na nagdulot sa kanya ng sakit at kirot sa dibdib. Napatawad na rin niya ang taong nanakit sa kanyang damdamin at hindi na niya ulit paglalaruan ang mga kababaihan para lamang makaganti. Naisip niyang masyado siyang naging unfair at nagpadala sa galit. At mula din ngayon, bubuksan na niya ang kanyang puso sa iba at hahayaan niyang makita nito ang babaeng karapat-dapat sa kanyang pagmamahal at atensiyon.

Pero handa na nga ba siyang muling magmahal???

Pagdaka’y napatingin siya sa kapatid na nagmamaneho. Bakas sa mukha nito ang paghihirap dahil sa iniindang karamdaman. Subalit sa kabila nito ay pilit nitong ipinapakita sa kanila ang isang matamis na ngiti para lamang huwag silang masyadong mag-alala rito.

Tama. Sa kapatid na muna siya magfofocus mula ngayon. Isa pa, ito naman talaga ang dahilan kung bakit siya ngayon naririto sa Amerika. At wala siyang ibang pagtutuunan ng pansin kundi sa kanyang pinakamamahal na kapatid lamang.

Napabuntong-hininga siya. At kasabay niyon ay saka niya itinuon ang atensiyon sa labas ng sasakyan. Ngunit nabigla siya nang mapadako ang kanyang paningin sa isang pamilyar na mukha ng isang babae.

“E-Ehra…?” mahinang bulalas niya matapos makita ang dalaga na nakatayo sa harap ng isang matayog na gusali. Waring may hinihintay ito roon. Ngunit agad din itong nawala sa paningin niya. Lalo’t medyo may kabilisan ang takbo ng sasakyan nila na minamaneho ng kapatid.

Namamalikmata lang ba ako? sabi niya sa sarili.

Ngunit sigurado siya sa kanyang nakita. Si Ehra talaga ang babaeng nakita ng dalawa niyang mata.

Ewan pero parang may kung anong lumukso sa dibdib niya pagkakita sa dalaga. At saka lang niya naalala na dito nga din pala sa New York ito nakabase ngayon.

Pero kailan pa ito bumalik ng Amerika?

Magkakahalong damdamin ang ngayo’y biglang nabuhay sa kanyang puso.

(Itutuloy…..)

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!