Halusinasyon

halusinasyonManhid na ako sa lasa ng alak.

Matagal na.

Hindi na ako naduduwag

sa taglay niyang tapang,

hindi na ako nalulunod

sa hatid niyang kemikal.

 

 

Tatangkain kong ulitin

ang gabing nakaraan

at ang ilan pang

gabing nagdaan, pipilitin

kong magpakalango

upang ako at ikaw’y

muling magtagpo.

 

 

Ang utak ko’y liyo

sa iyo at iyong alaala —

nahihibang,

Ako ay alipin,

ako ay alila

ng bigong pag-ibig —

ng ispirutu

ng alak.

 

 

Nais kong magmula sa

kawalan ikaw ay magpakita

kasama ng iyong kariktan at

ng iyong halimuyak

na sumusuot

hanggang doon

sa aking

 

 

Gusto kong malango

at gumapang sa

labis na kalasingan

— baka sakaling bumalik

ang lahat ng nangyari kagabi

at noong isang gabi

at nakaraang pang mga gabi.

 

 

Baka sakali.

 

 

Humulagpos ang isang

hikbi at bulong nang

makaidlip ako sa iyong

bisig upang humabi ng

sarili kong panaginip.

Pagkatapos mairaos

ang libog at makamundong

pagnanasa. Hindi namalayan

— ikaw’y winalang bahala.

 

 

Gusto kong alamin

ang dahilan sa likod

ng madalas na pagtangis.

Ngunit tumanggi ka

‘wala ito’ sabi mo,

— pinaniwalaan ko. Ngunit

mayroon pala at ngayo’y

wala ka na.

Wala na rin ako.

 

 

Hanggang ngayon,

umaalingawngaw pa rin

ang iyong tinig at

ang malulutong mong

halakhak sa aking

pag-uutak — noong tayo pa.

 

 

Nakarehistro sa aking diwa

ang matamis mong ngiti,

ang maamo mong mukha,

ang lambing mo sa akin

sa tuwing ako’y susuyuin

— noong tayo pa.

 

 

Ang iyong boses,

ang iyong tawa,

ang iyong luha

ang iyong alaala

ang kumukurot at gumugulo

sa aking pusong gumuguho

— nang gumuguho, nang gumuguho.

 

 

Tinungga ko ang bote

nakapagtataka — nalasahan ko

ang pait ng alak

gaya ng pait na

sinabi mo walumpu’t anim

na gabi na ang nakalipas

“ayaw ko na, hindi na kita mahal”

hindi kita pinigilan, subalit

sa kabila ng hindi ko pagtanggi’y

gusto kong sabihing

“baka p’wede pa nating ayusin?”

 

 

Umiral ang pride, putanginang pride.

Hindi kita masisi — gago kasi ako

inakala kong okay ka

kahit alam kong hindi.

kahit alam kong may problema

inakala kong wala.

 

 

Sa pang-ilang lagok

bumalik ka na

kasama ng iyong kariktan

nalanghap ko ang iyong pabango,

narinig ko ang iyong tinig

umaalingawngaw ang iyong halakhak —

sumigla ang puso kong gumuguho.

 

 

Paubos na ang alak sa bote

ilang lagok na lang ay simot na.

Habang ikaw ay nakaupo lang sa malungkot na sofang minsang naging kasangkapan at naging saksi ng ating hindi mabilang na pagniig sa tuwing gabi.

Nakatitig. Nakikiramdam. Walang emosyon.

 

 

Nais kong ikaw ay lumapit

patungo sa akin,

muling akayin

at lambingin,

at sariwain

ang damdamin,

muling damhin at

sagipin — ang puso kong gumuguho.

 

 

Ang isip ko’y ligalig

gaya nang sa digmaan

gaya nang daluyong

ng karagatan —

na tanging ikaw

ang makakapagpamayapa.

 

 

Tinungga ko ang bote

ng alak, sa pagdampi ko

ng labi sa bote’y

naalala ko ang lambot

ng iyong labi — na sa

maraming pagkakataon

ay pumukaw sa magkasudlong

na pagmamahal at libog

ng aking nararamdaman.

 

 

Sinimot ko ang alak

hanggang sa kahuli-hulihang

patak — muling gumuhit

sa aking lalamunan

ang malaasidong likido,

tumungo ito sa sikmura kong

umapaw at nalunod

sa bagsik na taglay

ng kemikal

— ng alkohol.

 

 

Sabay sa pagligwak at

pagbulwak ng lahat ng

laman ng aking sikmura

ang paglaho ng iyong kaanyuan

at kagandahan,

ng iyong pabango,

ng iyong tinig,

ng iyong halakhak.

 

 

Muli, ang puso ko’y gumuguho —

nang gumuguho, nang gumuguho.

 

 

Manhid na ako sa lasa ng alak.

Matagal na.

Hindi na ako naduduwag

sa taglay niyang tapang,

hindi na ako nalulunod

sa hatid niyang kemikal.

Akala ko.

 

 

Bukas, muli akong

magpapakalasing,

sa pamamagitan ng alak

ikaw’y aking kakatagpuin.

About ragubalane

Walang pormal na edukasyon sa pagsusulat pero hindi ito naging handlang upang huminto sa pagsusulat ng kanyang mga saloobin. Nagbuhat sa isang tipikal na pamilya, nag-aral sa pampublikong paaralan mula elementarya hanggang sekondarya. Iginapang ng magulang ang kolehiyo at pinagtibay ito ng diploma at lisensya na iginawad halos dalawampung taon na ang nakararaan. Nag-aral, nagsikap hanggang marating ang destinasyong kanyang nilakbay. Umasam, umasa hanggang matupad ang ilang kanyang inaasam sa buhay. Sumubok, sumulong hanggang makamit ang ilang minimithing tagumpay. Nangangarap ng mabuti at magandang Pilipinas sa kabila ng kawalan ng pag-asa ng iilan. Katulad ng karaniwang tao pilit na binubuhay ang pag-asa kahit habol-hininga na lang ito, hindi bibitiw at susuko kahit batid na ang resulta ng pagkabigo. Hindi matalino pero naipasa ang anumang pagsusulit, hindi matino pero nagpupumilit na gumawa ng katinuan. Madalas na napuputikan dahil sa daigdig na kanyang kinabibilangan ngunit agad na naglilinis at naghuhugas gamit ang inuusal na dasal.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!