Halalan 2016: Two-Party System Laban sa Multiparty System

(Photo Credit: EMIL MERCADO)

Ilang buwan bago ang halalang magaganap sa ika-9 ng Mayo, 2016, marami sa mga Pilipino ang nagnanais na tumakbo para sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan. Sa kanilang pagtakbo, nakaakibat sa mga pangalan nila ang mga partido-pulitikal na sa kasalukuyan ay halos hindi na mabilang sa daliri ng ating mga kamay.

Karaniwang nahahati sa dalawa ang mga partido-pulitikal sa bansa: ang partido ng mga nasa administrasyon at ang partidong oposisyon kapwa may iba’t ibang ipinaglalaban at pagtanaw sa mga suliranin sa bansa at lipunan.

Sa kasalukuyan, maraming partido na ang kadalasang napapabalita o nababanggit sa mga dyaryo, telebisyon, at maging sa social media, at ang mga ito ay may iba’t iba ring paniniwala at pananaw sa pagpapatakbo ng pamahalaan. Ano nga ba ang mas maganda para sa Pilipinas? Two-party system o multi-party system? At ano-ano nga ba ang maganda o masamang maidudulot nito sa estado ng ating pamahalaan? Sa mga Pilipino? Sa kinabukasan ng Pilipinas?

Sa two-party system, dadalawa lamang ang partidong maaaring kapitan ng mga nagnanais na tumakbo sa halalan at ang maaaring pagpilian ng mga botante.

Ang partido ng administrasyon at ng oposisyon ang siyang naglalaban para sa pwesto, at ang ganitong sistema ang nanaig bago makamit ng mga Pilipino ang demokrasya noong 1986. Ang pagkakaroon ng mas masinsinang pagsala at pagpili sa mga taong nais tumakbo ang isa sa ikinaganda ng pagkalimita ng mga partido sa bansa.

Mabibigyan din ng mas limitadong pagtingin ang mga botante sa mga taong tatakbo na siyang magiging dahilan upang pag-isipan nilang mabuti ang kanilang pipiliin. Halimbawa, si Juan ay tatakbo para sa administrasyon habang si Jose naman ay tatakbo sa ilalim ng oposisyon.  Ang mga taong ito ang siyang magiging mukha ng partido. Sila ay piniling mabuti ng kani-kanilang mga partido upang hindi mayurakan o masira ang reputasyon ng bawat partido.

Para sa mga botante, dadalawa lamang ang maaari nilang ikumpara at mapili at sa kalaunan ay iboboto. Ang hindi magandang epekto nito ay ang pagiging limitado sa pagpipilian. Marami ang naghahangad na tumakbo para sa tunay na pagbabago ngunit hindi nila ito makakamit dahil sa limitasyon ng mga partido. Nanaisin din ng mga botante na makapili ng higit pa sa dalawang tatakbo sapagkat may mga pagkakataong hindi matino ang mga pinagpipiliang pulitiko. Ito marahil ang naging dahilan kung bakit lumipat sa multiparty system ang eleksyon sa bansa.

Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng maraming pagbabago sa mundo ng pulitika matapos ang pagkamit ng demokrasya noong 1986 na ibinunga ng People Power Revolution o EDSA Revolution. Nagkaroon ng pagbabago sa konstitusyon na siyang naging hudyat ng pagdagsa ng mga partido sa magulong mundo ng pulitika. Kasabay ng kalayaan ng bansa ay ang kalayaan din ng iba’t ibang partido na maglabas ng kani-kanilang mga pambato sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.

Nagsulputang parang kabute ang mga partidong may hindi pangkaraniwang pangalan, pananaw, o adhikain para sa pagpapatakbo at kinabukasan ng bansa. Isa sa magandang epekto nito ay ang pagdami ng mapagpipilian ng mga Pilipino sa mga kakandidato sa halalan. Maraming kaisipan at paniniwala ang nababalot at matatagpuan sa Pilipinas. Maraming anggulo at pananaw ang mga Pilipino sa kung paano mapapabago ang kalagayan ng bansa sa kasalukuyan.

Naging tulay ang sistemang ito upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga pananaw at kaisipan na ito. Sa kabilang banda, may mga negatibong epekto din naman ang ganitong sistema. Sa pagdami ng kumakandidato, marami rin dito ang hindi seryoso, ang magnanakaw lamang sa kaban ng bayan. Hindi man sila maboto, dito makikita ang hindi mabuting intensyon ng iilan. Marami rin ang maguguluhan sa dami ng tatakbo at tiyak na mahahati ang boto ng sambayanang Pilipino.

Maaaring sa ngayon ay mahahati pa rin ang opinyon ng sambayanang Pilipino sa kung anong sistema dapat na ipatupad sa bansa. Maaaring may magsabi na mas maganda kung bumalik na tayo sa dating sistema, ang two-party system. Maaari din namang sabihin na mas mainam na sumunod tayo sa nauuso at ipagpatuloy ang multiparty system. Sa totoo lang, nakasalalay naman ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa sa dalawang klase ng tao sa isang demokratikong bansa – ang mga boboto at ng mga iluluklok sa pwesto.

Natural lamang sa isang demokratikong bansa ang mangampanya ng paulit-ulit ang mga nais tumakbo sa pwesto, ano man ang partidong kinabibilangan ng mga ito. Sa mga pangangampanyang ito marahil maraming salita at pangakong nabitawan ukol sa pagbabago, mga platapormang papabor sa mahihirap, sa mga manggagawa, sa mga Pilipinong umaasang giginhawa ang buhay nila at ng kanilang mga anak. Sa pagtatapos ng maingay na pangangampanya at pagpapabango sa sarili, nasa taumbayan pa rin naman ang huling sagot, ang huling hakbang tungo sa pagbabago o pagpapabagsak ng bansang ito.

Iisa lang naman ang solusyon sa maduming estado ng pulitika sa bansa – ang ayusin ng mga iluluklok sa pwesto ang kanilang mga gawain, ang tuparin ang mga pangakong kanilang binitawan, at ang magawa ang mga platapormang kanilang ginamit sa pagpapabango at pagpapalakas sa sarili. Sila na rin naman ang ibinoto ng sambayanang Pilipino, ito na rin ang pagkakataon upang suklian ang inaasam na pagbabago ng mga Pilipino at ng bansang Pilipinas.

About ChristianAutor

DLSU-M | ID 113| AB-PHM Isang estudyante na may layuning makapaglahad ng saloobin ng mga ordinaryong Pilipino sa lahat ng bagay na nangyayari sa mundo. Viva La Republica Filipina!