Halalan 2016: Ang Sakit na Lumalamon sa Sistema

Ano ang unang sumasagi sa isipan mo sa tuwing naririnig o nakikita mo ang salitang Maynila?

Masikip, matrapik, maraming mahihirap o nakatira sa mga squatter area, maraming mga gusali at imprastraktura, maraming tao, siksikan, mataas ang bilang ng krimen, bahain, mausok, at marami pang iba.

Mapapansin na pawang negatibo ang pagtingin sa lungsod ng Maynila, na siyang kabisera ng bansa. Ang pagiging negatibo nito ay epekto at repleksyon lamang ng lumalalang sakit ng Pilipinas – ang magulo at mahirap na estado ng pulitika sa bansa.

Magulo ang mundo ng pulitika kung ako ang tatanungin, at tiyak akong hindi ako nag-iisa sa ganitong persepsyon at pagtingin sa ‘pulitika ng Pilipinas.’ Magulo sapagkat kaliwa’t kanang mga balita, kontrobersiya, at isyu ang ibabato ng iba’t ibang kampo sa iyo sa oras na ikaw ay tumakbo sa kahit ano mang posisyon sa gobyerno. Hahalungkatin ng pulitika ang lahat ng lihim na kahit hindi na dapat saklaw ng pulitika ay nagiging parte pa rin ng pagbuo o pagbuwag sa reputasyon ng isang kakandidato o opisyal ng pamahalaan.

Nagiging magulo rin ang pulitika sapagkat karamihan sa mga tumatakbo ay hindi bihasa sa mga pasikot-sikot ng batas. Karamihan din sa kanila ang hindi kabisado at hindi pa binabasa ang konstitusyon kahit na sila ay nakaupo na sa kanilang mga pwesto. Kung sa totoo lamang, karamihan sa mga nakaupo sa kasalukuyan sa gobyerno ang maaaring maitawag na “nuisance” ngunit siyempre, hindi ito paaalisin ng mga kaibigang makapangyarihan.

Magulo sapagkat hindi maayos ang sistema ng pamamahala sa mga sangay ng pamahalaan. May mga pagkakataon na dalawa pala ang kalihim ng isang ahensya, at minsan naman ay wala palang taong mamumuno sa ibang ahensya. Nagkukumpulan ang karamihan sa mga ahensyang malaki ang makukupit sa kaban at bulsa ng bayan, mga ahensyang nagpapanggap na malinis at banal ngunit may maruming pagkatao sa kaloob-looban.

Maraming Pilipino rin ang naniniwalang mahirap pumasok sa pulitika sa bansa, lalo na ngayon kung saan sangkatutak na ang mga taong tumatakbo sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan. May mga pulitiko na may magandang hangarin tungo sa mga tunay na pagbabago sa bansa at lipunan, ngunit hindi sila pinapalad na makapasok sa pagiging isang senador, o kahit sa pagiging isang barangay chairman.

Mahirap sapagkat hindi ka mananalo kung ikaw ay hindi kilala, hindi sikat sa publiko, at walang kapit sa mga respetadong mga grupo at organisasyon. Para bang isang sinulid na pilit na ipinapasok sa isang karayom hanggang sa ito ay mapudpod na sa kakapilit. Mahirap ang mundo ng pulitika sa bansa sapagkat literal na maghihirap ang isang tatakbo kung hindi ito mananalo.

Milyun-milyong salapi ang iginagasta ng mga kandidato sa panahon ng pangangampanya, at kung sakaling manalo, saka lamang nila ito mababawi sa pamamagitan ng kanilang mumunting sweldo mula sa pamahalaan at mga perang mangagaling sa mga proyektong hindi man lang maaninag ng mga mata ng mamamayang Pilipino.

Sa mga unang binanggit, magulo at mahirap ang siyang naging pagtingin ko sa estado ng pulitiko, ngunit sa pagtagal ng panahon ay maaari itong  maging basura – madumi at mabaho. Kung papansinin mo ang direksyon ng pulitika sa bansa, halatang-halata naman na paurong ang nagiging takbo nito, at ito ay nakakabahala at nakakatakot para sa kinabukasan ng bansa.

Talamak na ang pagbili ng mga boto, ang pagkaluklok ng mga magkakamag-anak sa mga pwesto, ang paglawak ng sabwatan sa pagpuslit ng milyun-milyong pera, mga tiwaling opisyal na nakakalaya lamang, mga inosenteng pulitiko na pinapatay at nagpapakamatay, mga matitinong opisyal na umaalis ng bansa upang maprotektahan ang pamilya at ang sarili, at marami pang iba. Kung sa una ay sakit pa ito ng bansa, sa kasalukuyan ay nakaakibat na ito sa buong sistema ng bansa. Nakatanim na sa bansang ito ang sumpang mahirap ng sugpuin. Gagaling pa kaya ang bansang ito?

Iyan ang siyang aabangan sa darating na halalan sa 2016. Napakanegatibo at mistulang wala ng pag-asa ang bayan, ngunit naniniwala akong unti-unti nang nagigising ang nasyonalismo ng mga Pilipino. Ipinagkaloob man ng demokrasya ang kalayaang makapagsalita, ang muling pagsibol ng nasyonalismo ang siya namang makapagbibigay ng kalayaang makapag-isip ang mamamayang Pilipino.

Naniniwala akong aahon ang bansang Pilipinas sa tamang panahon. Naniniwala akong masusugpo ng nasyonalismo ang mga pangsasamantala ng mga pulitiko sa kaban ng bayan, sa pagyurak sa pagkatao ng nakararami, at sa pagkalikot sa pag-iisip ng sambayanang Pilipino. Sa huli, naniniwala akong ang estado ng pulitika ng isang bansa ang siya ring magiging estado ng isang bansa at ng mga taong nakapaloob dito.

About ChristianAutor

DLSU-M | ID 113| AB-PHM Isang estudyante na may layuning makapaglahad ng saloobin ng mga ordinaryong Pilipino sa lahat ng bagay na nangyayari sa mundo. Viva La Republica Filipina!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!