Hala… May MUMU!

(Photo Credit: scaryforkids)
(Photo Credit:  scaryforkids)
(Photo Credit: scaryforkids)

October 31 na naman. Ibig sabihin e magha­-Halloween na naman. At ibig sabihin din niyan ay may Halloween Special na naman ang Magandang Gabi, Bayan!

Teka… teka…

Sino ba namang hindi natakot sa nasabing palabas noon? Tuwing gabi ng huling Sabado ng Oktubre e nakaabang na ang buong pamilya para magtakutan, magtilian, at magtakbuhan. Mula sa mga lumulutang na kabaong, combat boots na naglalakad mag-isa, mga nanlilisik na mata sa gilid ng puno ng saging hanggang sa mga maligno sa likod ng pader, kapre sa taas ng puno at mga manananggal na nakatambay sa Baron antenna. Idagdag pa ang dalang thrill ng narration ni Noli de Castro. Eto ang dahilan ng mga pamilya noon para magtabi-tabi muna sa iisang kama.

Pero walong taon nang wala sa ere ang MGB. Ang alam ko e may mga shows ngayon na pinagpapatuloy ang tradisyong ito tulad ng Kapuso Mo, Jessica Soho, Imbestigador at yung successor ng MGB sa Channel 2 na di ko alam kung ano ang pangalan o kung meron ba (oops, biased). Pero walang makakatalo sa dating news magazine program ng ABS-CBN, iba pa rin talaga ang orig.

Masarap talagang magtakutan pag ganitong panahon. Bukod sa mga palabas sa TV ngayon e uso na naman yung mga ghost stories o di kaya e movie marathon ng mga horror films. At ngayon ay nauuso na rin yung mga costume parties at trick or treats pero mga mayayaman pa lang yata ang pumapatol dito dahil di pa afford ng karamihan sa’tin ang bumili ng sandamakmak na balot ng imported candies o costume ni Iron Man.

 Pero ang tanong: May mumu nga ba?

 Marami na kong narinig na mga kwento tungkol sa kanila. First-hand experiences pa ng mga kaibigan ko. Pati nga nanay ko e may “third-eye” din yata. Nakakita daw siya noon habang pinagbubuntis pa lang niya ko. Ewan ko kung anong naging epekto nun sa’kin, baka nga naapektuhan ng slight ang pag-iisip ko. Ewan.

Madalas daw na mga nagpapakita e yung mga kamag-anak nilang matagal nang wala sa mundo. Kaya naman ang isa ko pang tanong ay kung bakit nandito pa rin sila? Di daw matahimik ang mga kaluluwa nila. Bakit? Kala ko ba binigyan na natin sila ng maayos na libing. Sinusunod naman natin lahat ng pamahiin mula sa pageembalsamo, sa burol, hanggang sa mismong libing tapos di pa rin matahimik? Masyado naman yatang demanding ang mga multong to. At napanood ko rin sa isang video sa YouTube na bakit daw may damit ang mga nakikita nating multo? Dapat daw hubo’t hubad ang mga mumu dahil wala namang kaluluwa ang mga tela. Diba?

Ang isa daw na paraan para makipagcommunicate sa multo (bukod sa sexting) e ang Ouija Board. Di pa ko nakakasubok nito pero parang gusto kong itry. Kahit na parang niloloko ko lang ang sarili ko at alam ko naman na ako lang din ang nagkocontrol nung shotglass. Maganda siguro itong gawin kapag kasama mo e yung mga gullible mong tropa at madaling mauto. Ewan ko kung sino namang gago ang nakaimbento nito at nagpauso kaya agad akong pumunta sa Google. Pero may naisip akong mas magandang tanong at di ako nagkamali, meron na ngang Ouija board app sa Android at iOS! Ang lupet! Humahahigh-tech din ang mga mokong na ‘to a. Marunong din kaya silang mag-Candy Crush?

Multo pa lang ang pinag-uusapan natin. Sila yung mga di pa harmful at trip lang talagang magpakita at magpacute. Sila yung mga medyo transparent ang hitsura at madalas kulay white tulad ni Casper. Kung mas hardcore ang trip mo e nandiyan na yung mga nanggugulo at nananakit tulad ng kapre, aswang, tiyanak, tikbalang, tiktik, manananggal, maligno, kokey, dwende, bampira, zombie, poltergeist (tama ba spelling?), monster, demonyo at marami pang iba. Pero wala kong masyadond alam sa kanila bukod sa magaling ang mga make-up artists nila.

May mas wawasak pa sa trip na yan. Eto naman yung mga sinasanaban daw ng kung sino. Madalas din itong ibalita sa TV. Sa una daw e makakakita ang biktima ng kung anong nilalang-galing-impyerno tapos maya-maya e maglulupasay na ito sa sahig, magwawala, maglalaway, papadyak ng papadyak, lalaki ang boses at magsasalita ng ibang lenggwahe. Pag babae ang nasapian e nandiyan din ang maya-maya niyang pagbaba sa kanyang damit para di makitaan at mahubaran, may pagkaconservative kasi sila e. Kung hebigats na droga man ang tunay na sumanib sa mga ‘to at hindi multo e di ko na problema yun, basta ang alam ko lang e eto ang isa sa mga trip na di ko gagawin. Dahil di ako ganun kagaling umarte at saka baka pagtawanan lang ako ng mga kaibigan ko imbis na maawa at tumulong sa’kin. Badtrip yun.

So anong problema? Gawa-gawa lang ba talaga ng isip ng tao ang mga mumu? Gawain lang ba talaga natin ang takutin ang ating mga sarili kapag bored tayo o tahimik at walang ibang tao? O sadyang adik lang talaga tayo at mapaggawa ng kwento? Hay ewan! Basta ako, di pa ko nakakakita ng multo sa personal. Siguro wala akong third-eye o sixth sense. Malaki talaga ang duda ko sa mga ‘to kaya siguro di sila nagpapakita sa’kin. Sa tingin ko e pakana lang ‘to ng simbahan noon para mas magdasal at mas dumalas magsimba ang mga tao. Pero tignan mo naman ngayon, malaking business na ito. Naglipana na ang mga ghosthunters, mediums at mga paranormal investigators maging dito sa Pinas. At pinagkakakitaan nila to a. Konting test ng electromagnetic force, electronic voice phenomena, temperature at hangin, konting gamit ng videocam at sound recorders, konting rinig ng boses kunyari. May bayad na! Ang alam ko e may mga schools na rin na nag-o-offer ng course ngayon tungkol dito. Kung may dapat mang katakutan e hindi dapat multo, kundi ang mga ‘to.

 E opinyon ko lang naman yun. Kung gusto niyong maniwala sa mga multo at aswang e wala na kong pakialam dun. Kung handa kayong magbayad ng malaki sa mga paranormal investigators para ipacheck ang bahay niyo e bahala kayo, tutal di ko naman pera yan e. At kung handa kayong ipagamit ang katawan niyo para sapian ng kaluluwa ni Patrick Swayze e di ko na problema yun. Basta ako e magsasara na ko ng pinto at bintana, bubuksan ang lahat ng ilaw, radyo at TV, at magtatalukbong ng kumot dahil mag-isa lang ako sa bahay ngayon at malamig ang simoy ng hangin. Para sure lang.

Enhanced by Zemanta

About maysayad

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!