Gusto Mo Bang Yumaman? Gusto Ko.

Ang pamilya ko habang kumakain sa isang restaurant sa loob ng mall.
Ang pamilya ko habang kumakain sa isang restaurant sa loob ng mall.
Ang pamilya ko habang kumakain sa isang restaurant sa loob ng mall.

Simple lang akong tao na mayroong simpleng pangarap. Para sa akin ang makakain ng tatlong beses sa loob ng isang araw ay okey na.  Ayos na ang butu-buto. ‘ika nga.

Ganyan ako mag-isip…noon! Pero hindi na ngayon. Ang dating simpleng pangarap ay engrandeng pangarap na ngayon.

Sa pagdaan ng panahon, unti-unti kong natuklasan na mas masarap pala ang bukod sa Altanghap (almusal, tanghalian, hapunan) ay mayroon ding meryenda sa umaga at meryenda sa hapon. Nalaman ko rin na lubos  na nakapagbibigay-ligaya pala ang kumain sa labas at mag-shopping kasama ang buong pamilya.

At dahil sa ligayang dulot ng aking “natuklasan”, aba, eh tila nasarapan kami ng todo ng pamilya ko at linggo-linggo ay sa isang malaking mall sa Alabang na kami kumakain maghapon. Doon na rin kami nagsisimba tutal ay mayroon din namang chapel doon, eh.  Maging ang panonood ng sine ay ginawa na rin naming regular na bahagi ng buhay namin tuwing araw ng Linggo. Malaking halaga kung susumahin ang aming nagagastos sa tuwinang nasa mall kami. Pero okey lang. Kaya naman ng budget. Maganda ang takbo ng negosyo naming internet cafe.

Sabi ko nga sa sarili ko ay para akong nakadiskubre ng isang balon ng pera. Palaging puno ang aming kompyuteran (dahil na rin sa dami ng mga  miron na nakikinood ng Counterstrike). Halos literal ko ngang hawiin ang mga tao kapag pupunta ako sa isang unit para sabihan ang player na “time na,  mag-e-extend ka pa ba?”

Pitong taong ligaya ang tinamasa ng pamilya ko dahil sa  nasabing “balon ng pera”.  Akala ko ay wala nang katapusan ang masarap na buhay subalit ang “balon” ay natuyo. Maraming dahilan kung bakit nangyari iyon. Ang kapabayaan at pagiging sobrang kampante ay kasama na doon. Hindi ko namalayan marami na pala kaming kakumpetensya. Luma at mabagal na ang mga PC units namin kumpara sa gamit ng mga kalaban  sa negosyo. Hindi ako nag-upgrade.  Nagkaroon pa ng price war…hindi ko kinaya ang kumpetisyon. Isinara ko ang aming computer shop at natigil ang masarap naming lifestyle.

Kahit sa maikling panahon lang, naranasan namin ang maging mayaman (base ito sa sarili kong depinisyon ng pagiging mayaman). Gusto kong maulit muli ang karanasang iyon kaya naman sari-saring pamamaraan ang ginagawa ko ngayon upang kumita ng malaki…para yumaman. Iba-ibang online opportunities ang sinalihan ko subalit sa ngayon ay barya lang ang kinikita ko at hindi pa ako puwedeng maningil dahil hindi ko pa naaabot ang minimum amount na kailangan bago ako bayaran.

May  mga “offline” business din ako kagaya nitong sari-sari store at pinauupahan ko na lang ang pwesto ng dati naming kompyuteran. Sinubukan ko ring maging wholesaler ng softdrinks, pero hindi nag-click. Wala akong makuhang pahinante na pumapayag na P3.00 per case na mabebenta namin lang ang sahod niya.  Sinubukan din ng kamay ko ang paggawa ng floorwax kaya lang itinigil ko dahil sa sobrang mahal ng kerosene na isa sa pinakaimportanteng sangkap nito. Nag-aral din ako gumawa ng fruit juice (pangarap kong tapatan ang tagumpay ng Zesto hehehe) kaya lang hindi ko pa nakukuha ang tamang timpla. Masarap ang gawa kong fruit juice, pero hindi pa rin nito kayang tapatan ang “kalaban” kaya isinantabi ko muna ito. Ang ginagawa ko ngayon ay yung Buko Salad Ice Candy na malapit ko nang maperpekto ang timpla.

Alam ko at nararamdaman ko sa bawat himaymay ng aking laman that someday I will hit the jackpot dahil gusto kong yumaman!  Uhmm…tumataya rin po pala ako sa Lotto.

About Abner San Juan

Tahimik pero sabi nila matinik (yun ang sabi nila)
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!