Garage Sale

Image credit: Frugal Happy Families

Garage sale

Ipopost ko na maya maya lang ang mga ibebenta kong mga gamit sa bahay. Pinipicturan ko isa-isa nang masinop para mabenta agad. LP na lahat, last price wala nang tawad, sagad na po.

Ref, 5k- Nabili ko dalawang taon na ang nakakaraan. Sa una, madaming laman, prutas, gulay, ice cream sa freezer, fresh egg at pork chop sa chiller hanggang maging ice at tubig sa pitsel na lang ang laman kinalaunan.

Mini-component, 3k- Kasabay ng ref na nabili. Dati maingay na masaya ang tugtugan sa bahay. Laging nakasalang ang album ng Air Supply at April Boys sa cd hanggang nag mute na lang nang kusa, tumahimik na sa bahay.

Gas Stove w/ LPG, 1k – tapat na po. Regalo nung kasal namin. Makinis pa ang Gas stove kasi alaga sa punas mula sa talsik ng mantika at tapon ng mga nilulutong ulam.

Sala set, 5k – Sofang pangtatluhan, center table at dalawang extrang upuan. Hinulug-hulugan ko ng isang taon hanggang sa nabayaran ko na lahat. Walang kalmot at balahibo ng pusa, wala ring mga butas at lumuluwang bituka na foam. Matibay pa.

LED TV, 3k – 52 inches ang laki, murang-mura na lang, walang dent at gasgas. Nahulugan ko rin ng dalawang taon. Madalang magamit sapagkat lagi akong wala sa bahay dahil sa trabaho.

King size bed, 5k- Pinasadya ko sa karpentiro, gawa sa narra at mahogany, matibay ang pagkakagawa kaso marupok ang nahiga. ibebenta ko na rin para hindi ko na maalala na sa kama na ‘yan nangyari ang nadatnan ko galing ng trabaho.

At kung bumibili kayo ng asawa, ipapamigay ko na, tutal, pinapamigay din niya lahat ng sa kanya sa kung sinu-sinong makamundo sa lupa.

Kaya ibebenta ko na lahat ng kung anong naipundar ko at nang mapakinabangan kesa patuloy niyang pinapamigay at pinapagamit nang libre ang binuo naming tahanan…

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...