Gaano Kasakit Ang Mawalan?

Bata man o matanda, lahat tayo ay naranasan na magkaroon ng bagay na sapilitang inangkin ng iba; sumakabilang palad,  ‘ika nga.

Gaano nga ba kasakit mawalan?

Kalunos-lunos. Animo’y hinahagupit ka ng matinding bagyo buong araw kaiisip sa nawala sa iyo. Kasing lubha ng panghihinayang mo nung kinasal ang ultimate crush mo.

Para itong ‘yung sakit na nararamdaman ng isang inang nanganganak. O ‘di kaya’y sing sakit ng kumikirot mong puso noong inagaw ng iba ang mahal mo.

Umaabot tayo sa tipong tayo mismo ang nagtatanong kung bakit. Bakit sa dinami-dami ng tao, tayo pa piniling pagnakawan? Bakit hindi sila magsumikap para magkaroon din sila ng matatawag nilang ganap na kanila?

Kabibili ko lang kahapon, bakit hindi man lang hinayaang uminit man lang sa palad ko?

Nagkakamabutihan na kami, aamin na ako, bakit kinailangan mong sumabay? Bakit ako ang dinukutan, bakit ako pa?

Ang hirap magmove on lalo na kapag pinaghirapan mo iyon. Masakit sa loob na sinadyang itangay ang isang bagay na dahilan ng kawalan mo ng tulog at pahinga nang ilang buwan. Ang pinaglaanan mo sa lahat ng pagtitipid mo sa sarili mo. Ang dahilan ng ilang beses mong hindi pag-unlak sa imbitasyon ng mga kaibigan mong gumala at magsaya. Ang isang bagay na nagmula sa dugo, pawis at sakripisyo mo.

Nakalulungkot na sa isang taong umaasa lamang sa hirap ng iba napunta ang pinagpaguran mo. Mahirap tanggapin na mayroong mga taong dahil sa lubhang pangangailangan o di kaya’y katamaran ay nagagawang isakripisyo ang kahihiyan at dignidad.

Oo nga’t maaaring pag-ipunan ulit at bumili na lang ng panibago,  ngunit sana naman, kung sino-sino man ang mga salarin sa mga nananakaw ay magbagong-buhay na rin. Hindi basta-basta ang pagkakaroon ng mga bagay lalo na’t sa pera umiikot halos lahat ngayon, at alam nating mahirap itong kitain. Hindi lang sa pagnanakaw may pera. Magsikap tayong paunlarin ang sarili natin.

Nasubukan mo na bang mawalan?

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!