Fix You (Final Chapter)

Hindi ako kinikibo nila Daph hanggang uwian. Pagkabalik nila sa station nila, parang bigla silang nagka-amnesia. Hindi na ko kilala. Hindi na binati. Walang kalabit, walang tango, walang ngitian. Parang walang Miracle sa paligid. Parang kanina lang nagbibiruan at nagtatawanan pa kami. Gusto ko man mag-reach out pero guilty ako. Kaya ayun, sinubsob ko na lang ang sarili ko sa trabaho.

OT ako, nauna na sila sa’ken pagpatak ng alas-sais. Hindi na nag-OT si Red. Tinamad na din siguro. Sabagay paalis na rin siya. Bakit pa nga naman siya mago-OT kung meron naman tatapos ng trabaho niya?

Awkward lang talaga sa elevator kanina. Hindi ko alam kung ano sasabihin ko. Hindi ako nakapagsalita. Pilit ang ngiti. Gusto kong magsalita, batiin o magtanong ng kahit ano, pero biglang umurong ang dila ko, hanggang sa makasakay na sila ng elevator at naiwan naman akong aligaga. Iniwan din ako agad ni Red pagkalabas namin ng elevator. Kamot ulo ako. Tulirong speechless na ewan.

Hindi maganda sa feeling ‘yung eksena kanina. Hindi nila ako binati o kinibo man lang pagkalabas ko ng elevator. Gusto ko nga silang sundan para mag-explain kaso overbreak na ko. Iba ang tingin nila sa’ken, lalo na si Thea. Kulang na lang ata murahin niya ko sa talim ng tingin niya. Ni halos hindi na nga nila pinansin na may kasama ako e. Sa’ken lang ata sila nakatingin pagbukas ng elevator.

Tsk, pambihira naman.

Napapaisip tuloy ako kung ano na mangyayari sa’ken pagkaalis ni Red dito. Parang magiging loner ako. Solo sa break. Solo umuwi. Solo sa trabaho. Mahihiya ako magtanong sa kanila kung may tanong man ako tungkol sa trabaho ko. Ano pa ba? Mapapanisan ng laway. Magmumukha akong invisible sa mga kasama ko (na halos ‘yung iba e tinatanguan at nginingitian lang ako ‘pag nagkakasalubong kami). Sila Mikai lang talaga ang nakakakwentuhan ko dito. Wala ng iba.

So, good luck na lang sa ’kin, ganun?

Magse-seven na rin pala. Iilan na lang kaming naiwan sa floor. Sa lane ko, dalawa na lang kami (‘yung nasa dulo na Mitch ata ‘yung name, tapos ako). Yung lane na nasa likuran ko, isa na lang, ‘yung katabi ni Thea. Sa harap ng lane na ‘yun, wala ng naiwan. Bale tatlo na lang kami. Ay mali, apat pa pala. Di pa pala umuuwi si sir Ricky. Kelangan muna pala matapos kami para makapag-report siya.

Hindi ako nag-meryenda kanina. Mas pinili ko na lang mag-focus sa trabaho ko. Good thing ‘di naman ako nakakaramdam ng gutom. Sabagay, medyo marami din akong nakain kaninang lunch. Hindi ko nga alam kung nakapag-CR na ko. Bilis ng oras e. Huling tingin ko sa oras, 3 pm. Tapos maya-maya naramdaman ko nagtatayuan na ‘yung mga kasama ko. Saka ko lang napansin na alas-sais na pala. Sumobra ako sa pagka-busy at focus.

Pero okey na rin. At least hindi ako nainip. Maya-maya lang uuwi na ko.

Kung tutuusin, kahit two hours OT lang ako pwede na ko umuwi. Iilang documents na lang tatapusin ko. Tantiya ko, bago mag-seven thirty tapos na ko. So may kalahating oras pa para tumunganga. Pwede naman ako mag-file ng one hour OT na lang, kaso sayang din. Half hour na lang din naman aantayin ko. Tiyagain ko na lang. Tambay na lang muna ko sa pantry.

Parang nakakatamad pumasok tuloy bukas. Hindi ko alam kung ano mangyayari sa’ken dito. Mas mahirap pang hindi kinikibo kesa pinagagalitan e. At least dun naa-address kung ano man ang concern o problema nila sa’ken. Pag hindi kasi sila nagsasalita, para kaming nag-aantayan at nagkakapaan kung sino ang unang kikibo. In the end, ako din naman ang susuko. Ano pa bang magagawa ko? Kahit naman paganahin ko pride ko dito wala naman akong mapapala.

Pano ko ngayon iti-treat si Red bukas?

Hay, bahala na nga.

*             *

Maaga ako nakapasok kinabukasan. Twenty minutes bago mag-nine, nasa office na ko. Wala pa sila Mikai. Da-dalawa pa lang ata kami sa team. Si sir Ricky wala pa din. So, maaga nga talaga ko. Usually kasi pagdating ko nandun na si sir Ricky sa pwesto niya.

Sinadya ko na nga late umalis ng bahay e, kaso maaga pa rin. Himalang hindi gano traffic sa EDSA. Tapos ang bilis ko pa nakasakay ng bus. Kakaibang Martes. Ang sarap magpa-misa. Kung ganun ng ganun lang sana araw-araw edi sana hindi ako laging hinihingal kakahabol ng oras.

So bakit gusto ko ma-late? ‘Yung totoo, wala lang. Parang ang bigat kasi sa loob pumasok. Pagkagising ko nga kanina, sila Mikai agad naisip ko. Bago ako matulog, sila din naisip ko. Nakatulugan ko na nga ‘yung ganung muni-muni e. Hindi ko alam kung twelve na ba ko nakatulog o magwa-one na. Naalimpungatan na lang ako nung tumunog ‘yung alarm clock.

Hindi ko napansin dumating na si Red. Busy kasi ako sa pag-set up ng PC. Nalaman ko na lang na nasa tabi ko na siya nang maramdaman kong may gumalaw sa kanan ko. Ni hindi ko nga rin napansing nagdatingan na rin ang mga ka-team ko. Wala pa rin naman si Daph.

Inaantok lang ba talaga ako lipad na naman utak ko?

Si Mikai, kararating lang. Wala sa mood. Seryoso ang mukha. Diretso sa PC, time-in, basa-basa ng e-mail. Kasunod si Thea. Ganun din, seryoso mode. Maya-maya nag-usap sila saka lumabas.

Puwede kong isiping pagod sila sa biyahe, hindi pa kumakain o naalala na naman nila ‘yung eksena kagabi kaya pagkapasok, wala agad sa mood. Ayokong isipin na ganun ang reason, pero mas malapit siguro sa katotohanang baka ganun nga. Ayoko mag-assume, at sana mali iniisip ko. E ang kaso, ganun ang nararamdaman ko. Feeling ko panira ako ng Martes nila. Parang mas magandang hindi na ko pumasok. O kaya nagkasakit na lang ako para medyo-medyo may valid reason ako. Nagi-guilty tuloy ako.

Wala na, praning na ko.

May tumutuktok sa table. Si Red. “Anong oras kita ililibre?”

Hindi ako agad nakapagsalita. Pano ba naman, nakaka-starstruck ang kausap ko ngayon. Kahit alam kong naka-seryoso mode ang mukha niya, ewan ba’t parang naku-cute-an at…basta.

“Wuy? Wuy? Ba’t ‘di mo sinasagot tanong ko? Lasing ka ba?” tanong niya ulit. Para naman akong natauhan sa sinabi niya.

“W-wala…antok lang ako, sorry. Ano nga ‘yun?”

“Wala. Yaan mo na…”

Bahagya kong nilapit ang upuan ko sa kanya sabay hila sa manggas ng jacket niya. “Ano nga ‘yun? Di ko gano naintindihan e.”

“Puyat ka ba?”

“Medyo. Ewan. Parang…”

“Ano ba talaga? Lasing ka ‘no?”

“Parang sira naman ‘to o. Puyat nga lang ako. Tsaka ‘di pa kumakain. Sorry na. Ano na ‘yung tanong mo?”

“Sabi ko kung anong oras kita ililibre…”

“A okey. Kala ko kung ano. Edi lunch ulit. Gutom ka na ba?”

“Oo, ‘di pa rin ako kumakain.”

“Sige, maya-maya onti. Gagawa lang muna ako saglit.”

“Puwede naman mamaya ‘yan…”

“E baka mapagalitan ako ni sir Ricky e. Kararating ko lang break agad.”

“Sino ba trainor mo?”

“Ikaw…”

“O ano pang problema mo?”

Haay, hindi talaga ako mananalo dito. “O siya, ‘lika na nga. ‘Pag ako nasita ni sir, ikaw ituturo ko.”

Ni-lock na niya ‘yung PC sabay tayo. “Bilisan mo. Daming arte.”

Loko ‘to a?

Dire-diretsong lumabas ng office si Red, kasunod ako. Lumingon-lingon ako saglit, baka nasa paligid na naman sila Mikai, lalong mag-init ang ulo nila. Wala naman. Buti na lang.

“Bilisan mo!” halos pasigaw na sabi ni Red. Halos kalalabas ko lang ng entrance kaya patakbo akong pumasok ng elevator.

“Bagal…” sabi niya pagkasara ng pinto.

“Sorry naman, bilis mo maglakad e.”

“Mabagal ka lang talaga.”

“E ‘di ikaw na mabilis…”

Hindi na siya nag-react.

Totoo, hindi pa talaga ako kumakain. Kahit kape, hindi pa rin. Hindi ko nga rin sure kung uminom na rin ako ng tubig. Basta, wala pang laman sikmura ko. Kagabi nga, mga nine na ko nakakain ng dinner. Ang weird nga, hindi ako nakakaramdam ng gutom. Kung gutom man ako, parang nato-tolerate ko pa rin. Keri lang.

“O? ‘Kala ko ba sa 7-11?” tanong ko ng bigla siyang humakbang palabas pagbaba ng 7th floor.

“Wala naman matinong pagkain dun…” yun lang nasabi niya. No choice, sumunod na rin ako.

Hindi ako nagagawi dito sa canteen ng gantong oras kaya medyo naninibago ako sa menu. Puro pang almusal. At infairness naman sa menu, breakfast meal ang peg. Natakam ako sa fried rice na ewan parang chao fan. Hotdog, ham, itlog, longganisa, tocino, maling, spam. Ayun, nagising na ang sikmura ko. Nakakita ng pagkain.

“Ano sa’yo?” tanong niya pagkapila namin. Pang-apat kami, so panlima ako dahil nauuna sa’ken si Red.

“Parang gusto ko ‘yung maling. Pero nami-miss ko ng kumain ng Spam. Kaso mukhang masarap ‘yung longganisa…”

“Oorderin ko ‘yang mga ‘yan, pero siguraduhin mong uubusin mo.”

“Teka lang, namimili pa e.”

So, ano nga ba?

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!