Fix You (Chapter 8)

fix-you“Huddle muna daw, saglit lang…” sabi ni Mikai sa’min. Para pa kong timang na may question mark sa ulo. Anong huddle? Meeting pala meaning nun. Sorry naman.

“Saan?” tanong nung kagrupo namin na nasa bandang likurang pwesto.

“Conference room…”

Nagtayuan na rin ang team ni Ricky makalipas ang ilang segundo. Lumakad na rin ako kasunod nila Mikai. Si Red, hindi pa rin tumatayo. Inaabangan ko ang pagtayo niya, pero malapit na kami sa pinto ng conference room, di pa rin siya natitinag.

Siga talaga.

“Ano ba naman girl, atat?” gulat ni Mikai pagkabunggo ko sa kanya. Sa kakatingin ko kay Red, di ko na namalayan na nabunggo ko na pala siya. “Wala na naman sa sarili ang bruha…”

“Sorry sorry!” habang hinahaplos ko ang likuran nya. Natawa tuloy ako sa ka-eng-engan ko.

“Hay naku wag mo ko hawakan, kadiri!” tawanan sila.

“Sorry na…”

“Ano bang nangyayare sa’yo? Nabalutan lang ng jacket ni Red yang balakang mo, lutang ka na naman…”

“Hindi. Inaantok lang. Sorry ulit.”

“Hanep, inaantok. Baka napuyat sa paglalaba ng jacket.” Singit ni Daph. Nag-high five naman silang tatlo, sumali na si Thea.

“Hindi naman.” sagot ko. Konti na lang, matutunaw na ko sa pangda-down nila sa’ken. Nakakahiya, naririnig ng ibang mga kagrupo namin.

“Speaking of, yung papa mo,” inginuso nito si Red kay Mikai na hindi pa rin tumatayo. “Sunduin mo na kaya?”

“Hay naku, tatayo din yan. Parang hindi mo naman knowing si papa Red. Last full show kung rumampa.” Saka siya bumaling sa’ken. “Ikaw na nga, tutal ikaw naman ang prinsesa ng jacket.”

“Hala, ayoko. Baka mapahiya lang ako e.”

“Ngayon ka pa nag-inarte, pinahiram ka na ng jacket?”

“Busy siya e.”

“Kelan ba hindi?” si Daph. “Yaan mo na bakla, tatayo din yan. Di ka na nasanay.”

Naging big deal nga sa office yung issue ng jacket. After nilang makita na suot-suot ko yun kahapon, kinorner na ko nila Mikai. Sunod-sunod ang tanong nila sa’ken. Bakit na sa’ken daw yung jacket ni Red. Ano daw ang nangyari. Ano daw sinabi. Ano napag-usapan. Lahat tinanong nila. Nagbiro pa si Mikai na sana napaaga daw yung dalaw niya, sasadyain niya daw na matagusan siya para mapahiram din ng jacket. Si Thea naman, kunwari nainis. Buti pa daw ako napahiram na ng jacket, samantalang nung nilalamig daw siya nung isang araw di man lang daw siya pinahiram. Nagpaparinig na nga daw siya. Iba naman si Daph. Kinilig sa eksena namin. Swerte daw nung dalaw ko, good timing.

Hanggang pagka-out at pagkababa namin, yung jacket pa rin ang issue. Parang nahiya tuloy ako sa kanila. Hindi ko rin naman kasalanan e. Hindi ko rin naman ginustong matagusan ako. Nakakatawang mas concern pa sila sa pagpapahiram ng jacket sa’ken ni Red kesa sa natagusan ako. Pero ayos lang. Naintindihan ko naman sila.

Speaking of jacket, nilabhan ko nga yun pagkauwing-pagkauwi. Hindi naman siya natagusan pero nilabhan ko na rin. Nakakahiya naman kung ibabalik kong ganun-ganun lang ‘yung itsura. Tsaka baka kumapit yung amoy. Dalawang Downy nga yung nilagay ko para sure na mabango. Buti nga natuyo, medyo makapal pa man din yun. Todo-piga ako tapos pinatulo ko ng ilang oras. After nun, tinapat ko sa electric fan. Baka kasi hindi matuyo agad. Naguu-ulan pa man din kagabi.

Nasita nga ako ni mother, kanino daw yung jacket na nilalabhan ko. Akala niya galing kay Gab. Nung kinwento ko kung sino at yung nangyari, napangiti siya. Dahil sa jacket, nagkakwentuhan tuloy kami. Kinuwento ko sa kanya yung ilang details about kay Red. Pati yung kalagayan niya ngayon. Siyempre, as usual, con todo sermon na naman siya about sa pagbo-boyfriend. Pero in fairness naman kay mother, hindi naman siya galit. Alam mo yung nanenermon na hindi mo sure kung seryoso ba siya o wala lang?

Hindi na ko nagpalda. Itim na slacks na suot ko ngayon, just in case. Medyo malakas pa din naman ang dalaw ko pero keri na. May stock na ko ng napkin. Dalawang extra-ng panty. At isa pang pants. Just in case.

Inabangan ko rin sa locker si Red para personal na iabot ang jacket na nakabalot pa ng plastik. Pasikreto ko rin nilagyan ng chocolate yung bulsa, token ko sa pagiging gentleman niya (isang Snickers lang naman yun, binili ko sa 7-11). May sapak pa rin, as usual. Pagkabigay ko, nag-thank you ako. PERO SIYA? Wala. As usual. Expected ko na yung ganung eksena, pero somehow sana sumagot man lang siya ng “you’re welcome” o kaya “nilabhan mo ba ‘to?”. Ni hindi man lang niya chineck yung jacket. Pagkakuha, sinuot din niya agad saka dumiretso sa pwesto niya. Tinitingnan ko kung nakapa na ba niya yung chocolate, pero parang hindi pa. Panay-panay nga ang silip ko sa kanya kanina kung napansin na niyang may laman yung bulsa ng jacket niya.

Nagpasukan na rin kaming lahat pagkabukas ng pinto. Kanya-kanya na ng puwesto. First time ko makapasok ng conference room. Malaki-laki rin ang itsura. May long table na kakasya ang halos dose-katao. Nasa gitna ang isang PC, na projector ang monitor. Tatayo sana ako sa likod ng pinto pero inalok ako ng upuan ng kagrupo ko (hindi ko pa rin alam name niya). Sumenyas akong okey lang, pero pinilit na rin ako nila Daph at Thea na umupo sa tabi nila.

Pumasok na rin si Ricky maya-maya (nasasanay na kong ‘Ricky’ na lang na dapat e may ‘sir’). Binuksan ang CPU pati projector, saka nagpipipindot. Wala pa rin si Red. First time ko um-attend ng huddle at hindi ko alam kung hindi ba talaga siya sumasali sa ganto. Hindi rin ako sure kung normal na sa kanila yun. Pero parang hindi. Pinasundo pa nga nila sa’ken. Baka nga huli na siyang pumapasok.

Hmp, bahala na nga siya.

“Okey…so bale nag-meeting kami kagabing mga TL pati si Ms. Donna regarding sa planong outing. Birthday kasi ni Ms. Donna, so nagpaplano siya na sa beach ganapin. Tsaka tutal na-cancel yung team building natin last summer, kaya parang eto na rin yug team building. Either Batangas o Zambales, depende daw sa mapagkakasunduan.“ saglit na umingay ang kwarto. “Siyempre depende rin sa budget. Nagbigay naman daw ng budget yung management, pero siyempre kulang pa din. Nag-calculate kami ng mga expenses…” nag-open siya ng file, breakdown ng mga expenses. Naka-highlight na agad yung contribution per head, seven hundred. “Tentative pa naman ‘to. Sinagot na ni Ms. Donna yung pagkain, tapos yung ibang gastos naka-budget na din dun sa binigay ng company…”

“Magkano yung binigay?” tanong nung babaeng nasa harap.

“Hindi sinabi e, pero medyo malaki din.”

“E malaki naman pala e, ba’t may contribution pa?”

“Eto nga, kasi nga ine-estimate pa namin yung budget depende dun sa lugar. Kasi kung sa Batangas tayo, five hundred lang per head. Actually yung per head na yun para lang sa transpo. Magre-rent ata ng van para mas convenient. Kesa mag-commute, matatagalan tayo sa biyahe. So nag-decide si Ms. Donna na mag-rent na lang ng van. Mas mabilis pa yung biyahe. Kung sa Zambales naman tayo, seven hundred. Overnight kasi yun. Magre-rent pa tayo ng tent…”

“Sa’n sa Zambales?” tanong ni Mikai.

(Click here to continue reading…)

 

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!