Fix You (Chapter 7)

fix-you“Huy? Okey ka lang?” tanong ni Thea sa ’kin. Napansin niya yatang parang wala ako sa mood. Breaktime, pero hindi ako nagugutom. Masakit kasi puson ko. First day ng bisita ko. Lunes na Lunes pa man din.

“Okey lang. Wala lang akong ganang kumain,” sagot ko. 

Magkakasabay kaming nag-break nila Thea, Daph at Mikai. Hindi sana ako sasabay sa kanila, kun’di lang mapilit si Mikai. May dala siyang pagkain, birthday daw ng nanay niya kahapon. Pansit, lumpiang shanghai at leche flan. Para na rin kaming nagse-celebrate ng birthday, nanlibre pa ng softdrinks si Thea. Pero hindi talaga ako gutom. Mas inaalala ko kung pano mawawala tong sakit ng puson ko. Pumapak lang ako ng dalawang shanghai, at bumawas kaunti sa leche flan. Hindi ko gusto ‘yung itsura ng pansit, itsura pa lang nahihilo na ko. Hindi ko rin magawang uminom ng softdrinks. Lalong lalakas ‘yung dalaw ko.

Balak ko nang pumunta ng clinic, hindi ko lang alam kung saan. Nahihiya naman akong magtanong kay Red kanina. Ang suplado naman kasi. Nag-good morning na nga ako, pero ‘di naman niya pinansin. Parang walang narinig.

Wrong timing pa palda ko. Hindi ‘yung dark ang sinuot ko. Medyo malakas pa man din. Kanina bago mag-break kakapalit ko lang ng napkin. Wala na kong extra. Bababa na lang ako mamaya.

“Mukha nga. Ayaw mong galawin yung pansit e. Specialty pa man din ni mother earth yan,” sabi ni Mikai.

“Kumain naman ako ng shanghai tsaka leche flan a?”

“Bakla ka ‘yung pansit ang issue dito. Tikman mo naman, nakakasama naman ng loob ‘to. Ang bongga-bongga pa naman ng pagbitbit ko dyan o…” Sabay malanding umirap siya sa ’kin.

“Loka, wala ngang ganang kumain ‘yung tao pipilitin mo pa,” sabi ni Daph. Thank you at naintindihan mo ko. “May sakit ka ba?”

“Wala naman.” Kumuha na ko ng disposable plate saka pasimpleng kumuha ng pansit. Konti lang. Baka lang sumeryoso ‘yung pagtatampo ni Mikai sa akin. Mahirap na.

“Baka naman puyat?” tanong ni Daph. Umiling lang ako. Mahaba-haba ang tulog ko kagabi. Nakatulugan ko na nga ‘yung pinapanood kong movie.

“Broken hearted?” si Mikai ulit. Iling lang ulit. Broken hearted? Kanino?

Sabagay, hindi nga pala nila alam. At malabo talaga ‘yung salitang broken-hearterd.

Una, wala akong boyfriend, hindi pa ko nagkakaron ng boyfriend at hindi pa ko nakakaranas ma-in love. Pangalawa, meron lang akong bestfriend-slash-manliligaw na hindi ko rin alam kung ano ba talaga siya sa ’kin. Pangatlo, single ako.

Totoo, hindi ko pa talaga naramdaman yung…errr…ma-fall? As in fall in-love to the highest level na halos ako na yung manligaw? Yung tipong pang Nicholas Sparks at Wattpad yung love story? Hindi pa. Never. Oo, nagkagusto na ko sa lalake pero hindi naman umaabot sa na-in love.

Siguro naman hindi lang ako ‘yung nakaka-experience ng ganto. At for sure, normal na tao pa rin naman ako. Wala naman sigurong specific na stage sa buhay ng tao kung kailan nila mararamdaman ang ma-in love talaga sa opposite sex (o same sex). Kung late bloomer man ako, fine. Basta alam ko sa sarili ko na hindi ko pa nahahanap si mister right. Hindi ko pa rin nararamdaman ang spark. At wala pa din akong nakikitang ka-chemistry ko sa buhay, kung meron nga.

Maya-maya parang nakaisip si Mikai ng hindi maganda sa ’kin. Biglang nagbago ‘yung expression niya. ‘Yung mukha niya biglang parang nagulat at nagtataka na halos medyo mapahawak pa siya sa bibig niya.

“OMG! Preggy ka???”

Hindi ko alam kung maiinis o matatawa ako sa joke niya, pero in fairness natabig niya ‘yung kiliti ko. Medyo natawa din kasi kami. Hindi dun sa tanong niya, kun’di dun sa pagka-deliver ng tanong niya pati yung facial expression. Pwede ng bigyan ng best actress award.

“Gaga, buntis agad? Di ba puwedeng may dalaw lang siya ngayon?” si Thea. Sa wakas may tumama rin sa hula nila.

“Meron nga ako. First day,” mahina kong sinabi.

“Kita mo na, malisyosa din ‘yang utak mo e.”

“Sorry na ‘te, malay ko ba?” sagot ni Mikai sabay hawak sa kamay ko. “Ramdam kita, girl, at alam ko ang feeling na ‘yan. Last week meron din ako. Nakakaloka ‘yung sakit, ang sarap mag-sick leave. E ang kaso, masipag ang lola mo kaya tiniis ko na lang…” medyo natawa ako sa banat niya.

“Ilusyunadang bakla. Puwet mo lang ang dinudugo, okey? At wala kang bahay-bata, assumera,” sabi ni Thea.

“Ikaw talaga, girl, hindi ko alam kung kakampi ba kita o kaaway? Panira ka ng trip e. Alam mo namang pangarap ko rin bumili ng napkin, ganyan ka pa sa ’kin. You’re so mean.”

“E ‘di bumili ka. Bibili lang pala e.”

“Bakla wala pang budget.” Tawanan kami.

“Speaking of broken hearted, may dyowa ka na ba?” si Daph na ang nagtanong.

This is it. Baka nga ito na ‘yung tamang panahon para magkuwento ako. Last time kasi naudlot nung dumating si Red. “Wala. Single ako.”

“Kelan pa?”

“Matagal na.”

“Gano na katagal?”

Inhale. Exhale. “Since birth.”

Nagkatinginan silang tatlo. Iisa facial expression: medyo na-surprise na medyo nagtataka. Moment of silence. May dumaang mga anghel. Nang-aasar. Tinatawanan ako. Feeling ko sabay-sabay pa silang sumisigaw ng “NBSB! NBSB! NBSB!”

“Meaning…?” si Mikai na yung nagtanong.

“Di pa ko nagkaka-boyfriend…” hininaan ko yung boses ko. Baka kasi biglang magtinginan yung mga nakakarinig sa’min. Maging laman pa ko ng status nila sa FB.

“Oo nga pala, natanong na natin sa kanya ‘to, naudlot lang. Anyway, sige ngayon ka na magkwento.” Sabi ni Thea. “Sabi mo nga nun it’s complicated di ba?”

Tumango lang ako.

“Wow, interesting. It’s complicated naman pala ang peg. Nakakaintriga yan bakla.” Si Mikai.

“Te, ‘yang ganda mong ‘yan, never ka pa nagka-dyowa?” si Daph. Matipid akong umiling. Minsan nakakawala din pala ng sakit sa puson ang compliment na ‘maganda’. Kaso lang, parang hindi bagay pagsamahin sa sentence yung ‘ang ganda mo’ sa ‘never ka pang nagka-dyowa’. Napakuha tuloy ulit ako ng pansit.

“Baka naman babae din ang hanap mo?” si Thea. Tinanong na yata nila sa ’kin to. Di ko lang matandaan ang sinagot ko.

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!