Fix You (Chapter 6)

fix-youDalawang araw ang nakalipas. Naisalba ko naman ang baga ko matapos ang unang dalawang araw na training kay Jared. Rest day na. Isang linggo na agad ang nakalipas. Pero pakiramdam ko isang sem na naman ang na-survived ko.

Unang Sabado ko bilang empleyado. Sa dami ng Sabado-ng na-experience ko, ngayon lang ako nakaramdam ng pagluwag ng dibdib. Tahimik na Sabado (umuulan pa). Mag-aalas nuwebe na nga ng umaga, pero hindi pa rin ako bumabangon. Tulala sa kisame. Nagmumuni-muni ng kahit ano lang. Ine-enjoy ang unang araw ng walang ibang iisipin kun’di ang sarili. Walang Jared-Jared eklavu. Buti nga walang nanggigising sa’ken. Iba talaga treatment pag empleyado na.

Sinilip ko yung kama ni Denver, wala na siya. Ang aga talaga gumising pag Sabado.

Binalikan ko nga ang Huwebes ko kay Red: masalimuot at sobrang nakaka-suspense. Pareho yung feeling ko na first time kong ma-meet ang terror na prof nung unang beses na nagturo na si Red. Nakalimutan ko nga ang mga dapat kong i-priority sa araw na yun, ultimo pagpunta ng CR at sarili kong pagkain. Oo, halos hindi ako nakakain ng maayos buong shift. Sa kaba. Sa takot. Naramdaman ko na nga lang yung gutom ko pagkauwi ko kagabi. Kahit hindi ko gaanong trip yung ulam (ginisang ampalaya), napakain ako ng wala sa oras. Pati nga si mother nagulat, kelan pa daw ako natuto kumain ng gulay. Hindi ko na lang pinansin.

Hmm…Friday? Hindi na ganun ka-suspense. Hindi na rin kasi gaanong nagsasalita si Red. Pag may mga unusual o mahihirap lang ng issue, saka lang siya kumikibo. Kung isa-summarize ko ang lahat ng mga sinabi niya, tantiya ko hindi na lalagpas ng ten minutes yung pagtuturo niya. Ten minutes, sa loob ng halos siyam na oras. Mabuti na rin yun, nakakahinga-hinga ako ng mabuti. Pag may sasabihin kasi siya, lalo lang akong nininerbyos.

Matapos makaligo at makausap ng saglit si Gab, nakatulog na rin ako agad kagabi. Mag-aalas diyes pa lang ata yun. Kaso hindi ko na talaga kaya. Automatic ng pumipikit ang mata ko. Nakapagpaalam naman ako sa kanya na kung sakaling hindi na ko makapag-reply, nakatulog na ko.

Oo nga pala, pupunta nga pala siya dito mamaya. Sinabi ko kasing ayoko munang lumabas at gusto ko munang magpahinga. Naintindihan naman ako ni Gab kay bibisita na lang daw siya dito mamayang hapon.

May isang lalake nga pala sa office na kumausap sa’ken kahapon. Nakalimutan ko yung name niya. Erik, Jeric, Derek…basta ganun. Sounds like. Hindi ko kasi masyadong narinig yung pagpapakilala niya, ka-text ko kasi si Gab. Ka-team ko din siya. Nung una napapansin ko na siyang tumitingin sa’ken pag dumadaan ako sa station niya. Nung nakasabay ko siyang bumaba sa elevator, kinausap niya ko. Kinamusta yung work ko, yung pagte-train ko, pati yung mga pakikitungo ng mga kasama ko. Ang weird nga e, sunod-sunod siya magtanong. Pero yung huling sinabi niya ang talagang napaisip ako.

“Ingat-ingat ka sa mga naririnig mo dito. Hindi lahat, totoo.”

Ang weird talaga. Nakakatawa pa kasi yung boses niya parang pwedeng mag-dub sa mga telenobela. May pagka-stranger na ewan. Masyadong seryoso. Basta ganun. Gusto ko nga siyang lapitan ulit para usisain kung ano man yung sinabi niya. Hinayaan ko na lang. Baka may pinagdadaanan. Tutal nung Friday lang naman kami nagkausap. Since nung sa elevator, hindi na niya ko nilapitan. Pero patingin-tingin pa rin siya sa’ken pag napapadaan ako sa harap niya. Nginingitian ko naman. Baka isipin niya suplada ako.

Next week baka pwede na daw ako mag-hands on. Kelangan ko daw mag-start ng mag-process kasi mataas na daw yung load. Hay, kinabahan na tuloy ako. Baka kasi makulitan sa’ken si Red pag nagtanong-tanong na ko sa kanya. E wala naman akong ibang pwede pagtanungan kun’di siya lang. Medyo may alam naman daw si Daph sa process ko, pero mas mabuti na raw na kay Red ako magtanong. Baka kung ano pa daw isipin.

Hmp, makapag-almusal na nga.

“Si Papa?” tanong ko pagkalabas ko ng kwarto. Nasa lamesa si mother, nagsusulat. For sure lesson plan na naman yun. Hirap talaga maging teacher, kahit Sabado nagtatrabaho pa din.

“Umalis, may binili lang. Kumain ka na diyan…” sagot niya ng hindi naaalis ang tingin sa ginagawa. Sinilip ko naman si Denver. As usual, DOTA pa rin. Kahit walang almusal, basta nakabukas na ang PC, buo na ang umaga niya. Hinahayaan naman nila mother, tutal hindi naman gano mabarkada at palalabas. Si papa na nga lang ang nag-uudyok na lumabas naman siya. E kaso, wa-epek. Kahit lumabas man ng bahay si bunso, after one hour babalik din. Haharap ulit sa PC. Kun’di man siya nakaharap sa PC, sa cellphone naman. Ganun pa din, games pa din. Kaya maaga lumabo ang mata.

“Ang aga ng DOTA mo a…” bati ko sa kanya pagkalapit ko. Asar pa naman siya pag binabati siya sa kalagitnaan ng laro. Nasa tabi niya ang tinimplang Milo at dalawang pandesal na parang hindi pa nagagalaw.

“Huy kumain ka naman!” sabay pitik sa tenga.

“Papansin naman to!” sabay ambang susuntukin ako sa tiyan. Pag ganun na ang expression niya, lumalayo na ko. Mas matanda ako sa kanya pero di hamak na mas matangkad siya sa’ken. Pero hanggang ganun lang naman siya. Pag nagtaray na ko, hindi naman siya kumikibo.

Makapagtimpla muna nga ng Milo.

Anong oras kaya darating si Gab?

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!