Fix You (Chapter 20)

Halos isang linggo na lang sa office si Red. Sa mga nakalipas na araw, halos linggo-linggo siya may absent. Kung minsan tuwing Friday, at kung minsan e Thursday at Friday. Dahilan niya (ayon na rin kay sir Ricky), gusto nitong ubusin ang mga leave bago ang last day niya. Hindi sinabi ang reason. Basta pagkabigay ng resignation letter, naka-plano na ang mga leave every week, bagay na pinayagan naman ng supervisor namin. Ang kaso, ako ang nagdusa. Natambak ang ilang mga trabaho sa’ken na dapat kaming dalawa ni Red ang tumatapos. Kaya ayun, halos weekly din akong may overtime. Wala naman akong choice. Gusto ko man magreklamo e wala na din akong magagawa. Nakakapagod lang talaga. Minsan sa sobrang pagod e hindi ko na nagagawang kumain pagkauwi. Diretso tulog na. Akala tuloy nila mama nakikipag-date ako. Nung pinakita ko sa kanila yung time sheet record ko, hindi na sila nag-react.

Speaking of pakikipag-date, nahalungkat tuloy isang beses ‘yung tungkol sa’min ni Gab nila mama. Tinanong niya kung kamusta na kami, at kung bakit hindi na niya nakikita si Gab sa bahay. Ipinaliwanag ko naman sa kanila ‘yung totoo. Ikinuwento ko ng buo kung pano kami nagsimula, at kung pano nangyari ang huling dalaw at pag-u-usap namin.

“Pinahaba-haba mo pa, hindi rin naman pala kayo magkakatuluyan. Sayang ang batang ‘yun, ang bait-bait pa naman…” huling comment ni mama pagkatapos kong magkwento. Hindi na ko nag-react. Hindi naman sila galit. Hindi ko rin naman ramdam na nanghinayang sila kay Gab dahil hindi rin naman nila hinahanap sa’ken. Si Denver lang ang madalas nagtatanong. Sinabi ko na lang na busy sa trabaho.

Hindi na nga nagparamdam si Gab simula nung huling punta niya sa’min. Wala na kong balita sa kanya. Hindi ko na rin nakikita ang status niya sa facebook, na lately ko lang nalaman na ‘parang’ naka-block na ko sa kanya. Wala na siya sa friends list ko at hindi ko na rin ma-search ang name niya. No comment na lang.

Sa mga iilang araw na pumapasok si Red, naging madalas na ang pag-u-usap namin (saglit na kwentuhan lang naman). Wala naman kaming ibang pinag-u-usapan kun’di sa trabaho. May mga pagkakataong napapakwento siya tungkol sa sistema ng trabaho niya dati, at nasabi niyang mas okey daw ngayon dahil madami na sila sa team. Madami daw kasing nag-resign noon dahil sa hindi nila kasundo ang dating supervisor. So lately ko na rin nalaman na hindi pa pala ganun katagal si Miss Donna sa team.

Hindi ko alam kung dahil lang sa natataon ‘yun sa breaktime ko o pagka-out kaya napapadalas ang kwentuhan namin. Hindi sadya, talagang nagkakataon lang lalo pa na madalas mag-isa na lang ako mag-break. May mga time na nakakasabay ko siyang umuwi (sakto na din kasi ako mag-out). Nitong mga nakaraan kasi, halos hindi na ko sumasabay sa break kila Mikai dahil na rin sa dami kong ginagawa, ganun din naman sila. Pero siyempre hindi ko naman sila dinededma. Inaaya ko pa rin naman sila mag-break kahit alam kong tapos na sila mag-break. Kahit si Thea na halos hindi na ko kinikibo e inaaya ko rin. Tango lang naman ang sagot niya.

Hindi na talaga kami nag-usap simula nang mangyari ‘yung komprontahan namin. May ilang araw ko din siyang iniiwasan at hindi kinikibo. Pero dahil ayokong may kaaway e nagsimula na rin akong mag-reach out sa kanya. Kaso, naging cold na ang treatment niya sa’ken. Simpleng tango, simpleng ngiti. Wala akong matandaan na nagkaron kami ng matagal na pag-u-usap gaya ng dati. Kung magkakasalubong man kami, madalas hindi siya tumitingin sa’ken. Kung mapapatingin man, bigla din siyang iiwas. O yuyuko. Hindi ko na lang pinapansin.

Hindi ko alam, pero nakaramdam talaga ako ng lungkot ever since kumalat ang balitang nag-resign na nga si Red. Sayang, hindi niya man lang maabutan ‘yung regularization ko. Balak ko pa naman sila i-treat. Well, sana nga ma-regular. So far wala pa naman akong natatanggap na feedback kung may bad record na ba ko galing kay sir Ricky at sa supervisor.

*             *             *

Halos lahat naka-nganga at kunot ang noo ng pumasok si Red, huling Lunes niya. Mahihinang bulungan ang naririnig ko, ‘yung mga tunog ng pindot sa PC, biglang nag-fade out. Yung mga mga naglalakad, tumigil. Yung mga kunwaring busy, napalingon sa kanya. Ako na busy sa pag-aayos ng PC e halos mapatigil din sa dumarating na Jared. This time, ibang Jared ang dumadating. As in iba.

Bagong gupit. Ibinalik ang semi-kalbong hairstyle na minsan ko ng nakita sa mga dating picture niya kila Mikai. Bagong ahit. Wala na ang medyo makapal na bigote. ‘Yung balbas niya, bagong ahit din. Hindi na ganun kahaba at kakapal. Mas malinis na tingnan. ‘Yung jacket na iniregalo namin sa kanya, suot-suot niya ngayon. Hindi nakatalukbong sa ulo niya ang hood ng jacket. Ang gwapo at ang astig niya tingnan. Tantiya ko, nabawasan ng twenty percent ‘yung expression ng mukha niyang suplado. Hindi naman ganun ka-approachable tingnan, pero mas okey at masasabi kong hindi na siya gaanong suplado.

Pagkaupo ni Red sa puwesto niya, parang may pumindot ng ‘play’ button sa buong floor. Back to normal ang lahat. Parang kakatapos lang ng stop-dance. Umingay, pero kakaibang ingay. At iisa lang ang bukambibig at topic nila: etong katabi ko ngayon. Mukhang fresh. Parang nag-resurrect. Bumalik na ata ang dating Red.

Ang gwapo pala niya talaga. Ngayon naintindihan ko na si Thea. I’m with you na.

“O di ba? Ang gwapo-gwapo naman ng Lunes o…” habang hinihima-himas pa ni Miss Donna ang ulo ni Red. Lumapit ito sa puwesto ni Red, sa bandang kaliwa siya pumwesto kaya nakaharang siya sa view ko kay Red. Di ko tuloy makita kung ano ang reaction niya sa welcoming remarks ni Miss Donna. “Kelan ka pa nagpagupit?”

“Kahapon po…” halos pabulong na sagot ni Red. Sayang hindi ko man lang nakita ‘yung reaction niya. Titingnan ko sana kung mas gwapo ba siya sa hairstyle niya ngayon habang nakangiti.

Napalingon ako kila Mikai: pangiti-ngiti na parang nagtataray. Hindi ko alam kung para sa’ken ba ‘yun o para sa katabi kong boss. Napangiti na lang ako. Sinilip ko si Thea: nakatutok sa PC.

“So hanggang Friday ka na lang pala?” wala akong narinig na sagot kay Red, baka tumango lang. “Good for you. At least bago ka pa man umalis dito e okey ka na.”

Okey na nga ba siya?

Sana nga.

Baka nga mas okey na umalis na siya dito. Mabawasan man lang ang depression niya.

Kaso, sad…siyempre.

Kung kelan okey na ang itsura niya, saka pa siya aalis. Sana man lang pagkapasa niya ng resignation letter e saka siya nag-makeover.

Hmp, yabang talaga neto.

Pero okey lang. ‘Wag ka mag-alala. Mami-miss kita

Seryoso. Mami-miss kitang suplado ka.

‘Wag ka na kasi umalis.

“Wuy! Kinakausap ka,” nagulantang ako sa kalabit ni Daph. Sabay nguso nito kay Miss Donna.

“Ay sorry po, hindi ko po narinig!” palusot ko. Wala na naman ako sa sarili, ang aga-aga.

“Mukhang nai-stress ka na sa overtime a.” si Miss Donna, nakangiti sa’ken. “Ready ka na ba? Aalis na ‘yung partner mo?”

“Ready na po,” matipid at aligaga kong sagot, kahit hindi totoo. Wala pa man, feeling ko dodoble ang stress ko. At for sure, baka araw-araw na ang overtime ko habang wala pang nakukuhang kapalit kay Red. Balita ko kasi wala pa silang nakukuhang kapalit.

So alam na this. Parusa pa rin. Baka hindi lang stress mag-reflect sa mukha ko, pati haggard na.

Kita mo na side effect ng pag-resign mo ha, Red?

Ang harsh mo pa rin sa’ken kahit paalis ka na!

Pero okey lang, huhu. Wala e, wrong place at a wrong time.

Ano ba ‘tong pinagsasasabi ko?

“Kita mo na?” kalabit at pabulong na sabi sa’ken ni Daph. “Ganyan ang dating Red. Astig. At may pleasing personality.”

Nangiti ako. “Oo nga. In fairness mas malinis siya tingnan ngayon.”

“Bagay na bagay sa kanya ‘yung jacket ‘no? Sakto lang pala sa size niya e.”

“Oo nga. Okey din naman pala sa kanya ang blue e? Ang astig lang.”

“Corrected by.”

Biglang lapit sa’min ni Mikai. Umupo siya sa pagitan namin ni Daph saka pabulong na medyo galit-galitan nagsalita. “Anong kaguluhan ‘to? Nakakita lang kayo ng pogi nagkakaganyan na kayo?”

“Bakit? Bawal ba?” si Daph. Para kaming mga ewan. Galit na nag-u-usap pero pabulong. Paminsan-minsan ko ngang sinisilip si Red, baka naririnig na pala kami.

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!