Fix You (Chapter 19)

“Ate…ate…” naalimpungatan ako. Pagtingin ko, si Denver. Niyuyugyog ang balikat ko. “Nasa baba si kuya Gab,” sabay labas ng kuwarto.

Anong oras na ba?

Napatingin ako sa wall clock: mag-a-alas otso pa lang ng umaga. Kainis. Hindi naman ganto ang oras ng gising ko ‘pag walang pasok. Usually mga 10 or 11 AM na ko bumabangon, halos patanghalian na. Bawi sa limang araw na puyat. Hindi rin naman ako ginigising nila mama o papa ‘pag wala akong pasok dahil alam nilang puyat ako.

At teka: anong ginagawa ni Gab dito?

May halos dalawang linggo na simula nang huli kaming mag-usap. Akala ko nga ‘yun na rin ang huling kita namin. Hindi na siya nagparamdam e. Wala nang text. Wala nang tawag. Hindi na rin biglang sumusulpot sa office. Inisip kong baka okey na kami. Tanggap na niyang hanggang dun na lang kami. May mga times pa ngang inaabangan ko ‘yung nga mga text at tawag niya. Wala na. As in wala. Hindi ko alam kung dapat ba kong matuwa kasi tumigil na siya or dapat akong mag-worry lalo. Gaya ngayon, nasa baba siya.

Hmp, makabangon na nga.

Saglit akong naghilamos at nag-ayos ng sarili. Nang makabuwelo, lumabas na rin ako ng kwarto. Hindi pa man ako nakakababa, amoy na amoy ko na ang niluluto sa kusina. Sinangag. Nagutom ako. Na-miss ko kumain ng sinangag. Puro tinapay kasi ako pag pumapasok, minsan nga kape na lang lalo na pag nagmamadali.

Ano kayang ulam? Sana may hotdog.

Hindi ako sanay na maagang bumabangon ng Sabado. Usually, paggising ko kumakain na sila ng tanghalian o nanunuod ng tv. Ngayon, iba ang itsura nila: si Mama nagluluto ng almusal, si Papa busy sa diyaryo, si Denver nakaharap sa TV pero nasa tablet ang mata. At katabi si Gab. Nakatingin lang siya sa ’kin habang bumaba ako ng hagdan. Hindi ngumingiti. Hindi nagsasalita. Hindi naman seryosong-seryoso. Ewan ko kung ano nakain nito ngayon at naligaw dito sa bahay. Pero ‘wag naman sana. Sana mali ang kutob ko.

“Ayan na gising na pala si Mira,” bungad ni Mama sa ’kin. Si Mama lang ang tumatawag sa ’kin ng Mira. Si Papa at Denver e Miracle. “May bisita ka…”

“Oo nga po…” sinilip ko ang niluluto ni Mama: may itlog at hotdog. Buti na lang. Dumiretso ako sa ref. Kumuha ng tubig saka nilapag sa mesa. Kumuha ng baso sa paminggalan saka sinalinan ng tubig at dire-diretsong uminom. Puwede nang magtimpla ng kape.

“Kape?” tanong ko kay Gab. Umiling lang siya habang nakangiti. Matipid na ngiti. Sinilip ko ang puwesto ni Papa kung may kape na: meron na. For sure nakapag-kape na rin si Mama kaya sariling kape ko na lang ang ititimpla ko. Hindi ko na aalukin ng Milo si Denver at paniguradong lalamigin at masasayang lang.

Saktong matatapos na ko sa pagtimpla ng kape nang utusan ako ni Mama na maghain na. Pagkatapos tikman at tantiyahin ang lasa ng kape, agad-agad akong naghain, para sa limang tao. Maya-maya pa, nagsimula na kaming kumain. Nasa kanan ko si Gab, nasa kaliwa si Denver, katabi si Papa. Katabi naman ni Gab si Mama.

“Puro ka tablet, kumain ka muna…” mahinang hampas ko sa kamay ni Denver. Isang mabilis na ‘aray’ naman ang reaction niya. OA. Hindi naman malakas ‘yung hampas ko. Dahil for sure, pagagalitan ako ni Mama. Paborito kasi ang bunso.

“Ano ba ‘yan? Ang aga-aga nagsasakitan kayo?” si Mama. Hindi naman galit. Wala namang imik si Papa na halos hindi ginagalaw ang pagkain. Busy sa diyaryo. Sa lahat ng puwede sitahin pagdating sa pagkain, si Papa ang hindi puwede. Keso mag-cellphone siya o may gawing iba, hindi siya sinisita ni Mama. Wala e, boss e.

Saglit na nilapag sa mesa ni Denver ang tablet at nagsimula ng kumain. Ako na ang naglagay ng mga kakainin niya. Inalok ko ng itlog si Gab, iling lang ang reaction. Kaunting sinangag at isang itlog lang ang laman ng plato niya. Hindi ko alam kung busog ba siya o nahihiya lang sa ’min. Sabagay, iilang beses pa lang siya sumasabay sa’min sa pagkain dito sa bahay. Madalas kasing dinadahilan niyang kumain na siya. Kung kakain man, konti lang ang kukunin. Si Mama ang magpupumilit na alukin ng alukin si Gab, na wala din naman magawa.

Wala kaming kibuan habang kumakain. Puro tunog ng mga kutsara’t tinidor at TV lang ang maririnig. Hindi ko alam kung dahil maaga pa para magkwentuhan o pare-pareho lang kaming nagpapakiramdaman kung sino ang magbubukas ng pag-uusapan. Kadalasan kasing si Mama ang unang nagsasalita. Kakamustahin ang trabaho ko, ang pag-aaral ni Denver o magkukuwento ng mga nangyari sa nakalipas na araw (na kadalasang puro tungkol sa school ang issue). Ewan, parang ang tamlay ng Sabado. Sumasabay ata sa issue namin ni Gab. Kung meron man.

Busog ako. Sa dami ng nakain ko, baka mamayang hapon na ‘yung tanghalian ko. Napasarap sa sinangag at hotdog. Dalawang magkasunod na dighay nga ako kanina pagkaubos ko ng kape. Nahiya tuloy ako kay Gab na wala pa ring imik.

Ako na sana ang maghuhugas ng mga pinagkainan ng pigilan ako ni Mama. Asikasuhin ko na lang daw ang bisita ko. Wala na kong nagawa, sinamahan ko na si Gab sa sala. Nakisama naman si Denver, sa PC na pumwesto. Makakapag-usap na kami ng mas maayos. Naiwan naman sa mesa si Papa na busy pa rin sa pagbabasa ng diyaryo.

“Kamusta ka naman?” tanong ni Gab makalipas ang ilang minutong walang kibuan sa harap ng TV. Ayaw ko namang ako pa ang mag-initiate ng usapan. Inantok kasi ako sa pagkabusog. Tsaka wala din naman akong sasabihin.

“Okey lang. Walang bago…” wala naman talaga.

“Sorry kung naistorbo ko tulog mo. Gusto lang naman kita dalawin.”

Medyo naistorbo mo nga. Pero keri lang. Andiyan ka na e. “Okey lang…”

Dead air. Wala na siyang kasunod na script. Ako, wala ding kasunod na script. Walang maisip na itatanong. Pero dahil bisita ko siya at ayokong magmukhang mataray e sasaluhin ko kahit papano ‘yung conversation. “Ikaw, kamusta naman?”

“Nothing unusual. Same-same…”

Dead air ulit. Part two. Tipid ng sagot e. Ano isasagot ko dun? Wala namang follow up questions.

“Na-miss kita…” halos pabulong niyang sinabi. Hindi ako nakakibo. Alangan namang sabihin kong ‘salamat’, edi ang weird nun? Pinatigil ko na nga siya sa panliligaw tapos magpapasalamat pa ko? Mas awkward naman kung ngingiti pa ko tapos itatanong ko kung bakit niya ko na-miss.

So ano dapat kong i-react?

Teka, bakit ba ang maldita ko?

Nasobrahan ata ako sa sinangag. Puyat na rin, siguro nga.

Ang totoo, hindi ko feel na andito siya ngayon sa bahay. Nag-assume na nga akong tapos na kung ano man ang meron sa’min. Pero ngayon, nasa tabi ko siya. Dito pa mismo sa bahay namin talaga nakipagkita. Para ano? Magpapa-good shot kila Mama? Tsk tsk tsk. Kung may balak man siya makipag-usap dahil ‘na-miss’ niya ko o whatsoever, siguro sana sa labas na lang. Kahit sa harap ulit ng office, dun siya bigla-bigla ulit sumulpot.

Hinawakan niya ko sa kamay, na dahan-dahan ko namang inalis. “Ako, hindi mo man lang na-miss?”

Napalingon ako kila Mama. Bumuntong-hininga saka diretsong tumingin sa mga mata niya. “Gab, please. Tama na. Uulitin na naman ba natin ‘yung huling napag-usapan natin?”

“Miracle, please. One last chance. One…last…chance. Bibigyan kita ng panahon para mag-isip, basta pumayag ka lang na magsimula tayo ulit. Back to zero ako sa panliligaw ko sa ’yo. Magbabago ako. Sabihin mo kung ano gusto mo. Mga conditions mo. Pumayag ka lang.”

“Gabriel, nasabi ko na ang mga dapat kong sabihin sa ’yo. Ano ba ang hindi mo maintindihan dun?”

“Lahat. Lahat ng mga sinabi mo hindi ko maintindihan. All of a sudden bigla ka na lang walang gana sa ’kin? Bigla-bigla mo na lang akong pinapatigil sa panliligaw ko sa ’yo? Why? May mali ba? Uulitin ko, may iba na ba? May gusto ka na bang iba?”

“Nasagot ko na ‘yan. Paulit-ulit na tayo.”

“Sensya, pero hindi ko talaga maintindihan.”

“I’m sorry…”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!