Fix You (Chapter 18)

Sa loob ng food court sa SM Makati kami dinala ng mga paa namin. Malayo-layo ang nilakad mula sa office pero keri lang. Tinanong ko siya kung saan niya kami gusto kumain, ‘basta’ lang ang nasabi niya. Hindi na ko nagreklamo, hindi na ko nag-react. Ang mga tulad ni Red e mahirap diktahan ng kung ano at alin, lalo pa kung gutom. Madali naman sa’ken mag-adjust, and at the same time e hindi pa naman ako gaanong gutom. Kahit ano, puwede. Well, since dinner na din, mabuting kumain na rin para diretso pahinga na lang pagka-uwi.

Marami-rami ang tao sa loob kaya nahirapan kami humanap ng puwesto. Hindi niya rin malaman kung ano ang kakainin dahil puro may mga nakapila sa bawat stall. Maya-maya pa, itinuro sa’ken ang pupuwestuhan ng may makitang bakante, saka siya nagtanong kung ano ang oorderin ko. “Bahala ka na…” ‘yun na lang naisagot ko sabay abot ng pera. Kinuha niya din naman agad sabay pila.

Hindi ito date. Yun ang paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko. Tutal gusto ko lang naman siyang kausapin at humingi ng dispensa sa nangyari kagabi, kaya hindi ko pwedeng isipin o bigyan ng malisya kung sabay man kaming kakain ngayon. Ng kami lang. Dalawa lang kami. Hindi naman siguro masama ‘yun. Hindi siya nanliligaw. Walang kahit ano sa’min. Kakain lang kami. Mag-u-usap. Yun lang.

Maya’t maya ko nililingon ang suplado…err…medyo supladong si Red. Kunot ang noo at nakakibit-balikat habang matiyagang nag-aantay ng order. Halatang gutom na. Siguro, inip na din. Ewan lang…pero…ang cute niya titigan. Ang astig lang. Bad boy na bad boy ang dating.

Naalala ko bigla ‘yung usapan namin kanina ni miss Donna. Gumulo ulit utak ko. Hindi ko na malaman kung sino paniniwalaan ko. Pero siguro, kung binigyan ko lang ng chance na makapag-usap pa kami ni Jeric, mas naintindihan ko siguro agad ‘yung istorya. Sabagay, sinabihan din kasi ako nila Mikai na ‘wag na pansinin si Jeric, which is sinunod ko naman. Not knowing na connected din pala sa istorya si Jeric. Malaki ang part niya dun. Ang kaso, dinedma ko. E pano naman kasi, ang weird kung makatingin. Parang may gagawing masama. Malay ko ba kung minamanyak niya ko o ano.

Medyo shocked pa din ako sa nalaman ko about sa girlfriend ni Red.  Parang ang hirap paniwalaan. O siguro, hindi ko lang matanggap ‘yung rason kaya ganun. ‘Til now, magulo at malabo para sa’ken ang reason ng pagsu-suicide niya. Kung ano man ‘yun, for sure malaking problema ‘yun. Mabigat na problema. Interesado akong malaman kung ano ‘yung reason, pero hindi ko alam kung pano. Kung kay Jeric ko itatanong, puwede rin. ‘Yun nga lang, baka siya naman ma-weird-ohan sa’ken. Bakit nga naman bigla-bigla na lang ako naging interesado sa ganun. Hmp, bahala na nga.

After fifteen minutes, umupo na sa tabi ko si Red dala-dala ang order namin (which is hindi ko in-expect na sa tabi ko siya uupo, kala ko sa tapat ko). Two-piece barbecue with java rice ang sa’ken, ‘yung sa kanya e hindi ko alam. Something na nasa sizzling plate na may karne ng baka, umuusok-usok pa. Or should I say sizzling steak. Ewan. May isang iced tea, inusog niya sa tapat ng plato ko (so obviously para sa’ken ‘yun). Isang bottled water naman ang sa kanya. Pagkaupo, inabot niya sa’ken ang sukli saka niya ko sinabihang kumain na. Edi heto, kakain na nga.

Tahimik na kumakain si Red habang pasimple ko naman siyang tinitingnan. Hindi ko rin alam kasi kung pano bubuwelo. Kung paano uumpisahan ang pagso-sorry. Ayoko naman siyang istorbohin sa pagkain, baka mabara pa ko. Mahirap na, gutom na gutom pa naman siya. Dalawa ang sunny side up sa plate niya, may extra rice pa. Signs na hindi puwede mangulit. Or mang-istorbo. Malaki ang gutom ni suplado. In fairness naman kay Red, marunong umorder ng pagkain pam-babae. Na-miss ko nga mag-ulam ng barbecue. Buti na lang, ito in-order niya. All of a sudden e ginanahan ako kumain. Ang bango-bango ng barbecue. At masarap.

“Alam mo, wala naman akong pake dun sa kasama mo kagabi,” Biglang sabi ni Red matapos uminom ng tubig at balikan ang pagkain. Saglit akong napahinto sa pagtanggal ng barbecue sa stick. Tinitingnan ang mukha at ang galaw ng bibig niya habang nagsasalita. “Naiintindihan ko naman ‘yung reaction niya kung bakit siya ganun. Kung ako man ang nasa posisyon niya, malamang baka magwala-wala din ako.” saglit siyang sumubo bago nagpatuloy. “Kaso, medyo kupal siya umasta, parang tanga. Gutom at pagod na ko, gusto ko na umuwi, tapos may umiiyak pang babae sa tabi ko. Kaya pasensya na din kung naging kupal ako sa kanya.”

Nangiti ako. “Okey lang, ako nga dapat mag-sorry kasi nadamay ka pa sa’min.”

Tumango lang siya. Tinuloy ko na rin ang pagkain ko.

Walang kibuan. Pareho kaming busy sa pagkain. Kunwari tumitingin-tingin ako sa mga dumadaang tao pero siyempre pasimple ko rin siyang pinapanuod kumain. Ang bilis, sunod-sunod ang subo. Subo, konting nguya, lunok.

Saglit pa, inilipat na ni Red ang extra rice sa sizzling plate niya saka siya nagtanong. “Matagal ka na niya kamong nililigawan?”

“Oo. May three or four years na din.”

“Bakit?”

“Anong bakit?” dinampot ko ang iced tea. Konting inom. Balik sa kanin at barbecue.

“Bakit hindi mo pa sinasagot? May problema ba?”

“Ewan ko kung problema ko, problema niya, o pareho. Tingin mo, problema ba…kung ‘yung rason ko e wala akong nararamdaman para sa kanya?”

Napatigil siya sa pagkain, tumingin sa’ken na meyo nakataas ang kaliwang kilay. “Wala? Tapos aabot kayo ng ganun katagal sa ligawan? Anong trip niyo sa buhay?”

“Hindi ko rin alam e. Basta…magulo.”

Napailing siya habang parang may dinudukot ang dila niya sa ngipin. “Hindi mo alam? O inaantay mo lang maramdaman na baka mahal mo nga siya?”

Naudlot ang pagsubo ko ng kanin. Medyo iba e. Parang hindi si Red kausap ko e. “Teka, wait lang a? Ikaw ba talaga ‘yan Red? Seryoso ka sa tanong mong ‘yan? Totoong Red ba ang kausap ko?” kinurot-kurot ko ang braso niya. Pinisil-pisil ang kanang pisngi. Mahina lang naman. Baka biglang dumapo sa mukha ko e. Good thing wala naman siyang violent reaction.

“H’wag kang OA. Sagutin mo na lang tanong ko…”

Sabi na e. Babanat ng ganun e. ‘Wag kang mag-alala, ready ako sa pambabara mo. “Sorry naman. Hindi lang ako sanay na ganyan ka.”

“Na ano?”

“Yan, ‘yang mga ganyang reactions mo. Parang hindi bagay sa isang supladong tulad mong…”

“Sasagutin mo tanong ko o magdidiskusyon tayo sa pagkatao ko?”

  1. Bigla-bigla naman ang mood swing. “Relax, okey? ‘To naman. Nakakagulat lang kasi ‘yung mga tanong mo e. Marunong ka din pala maging ganyan. Kala ko araw-araw kang problemado…”

Hindi siya kumibo. Tinuloy na lang ang pagkain. Medyo na-guilty naman ako sa sinabi ko. Eng-eng ko talaga, nakalimutan kong may pinagdadaanan nga pala etong katabi ko ngayon.

Baguhin ang mood. Tuloy ang seryosong usapan. Ibalik ang interesanteng topic. “Ang totoo niyan, nung una gusto ko naman siya. Crush ko naman talaga siya noon pa. Ang kaso, nung tumagal e parang hanggang dun lang. Nawawala na nga paunti-unti e. Parang alam mo ‘yun, hindi ko ma-feel na magiging boyfriend ko siya? Take note, first boyfriend IF, sagutin ko siya. Kaso nga, hindi ko naman siya magawang mahalin. Wala e, walang spark. Walang magic. Pinilit ko naman talaga, as in. Kaya tumagal ng ganun yung panliligaw niya. Parang…alam mo yun? ‘Yung hanggang dun na lang yung kaya kong ibigay sa kanya. Hanggang friends lang kahit…”

“May nalalaman-laman ka pang spark-spark at magic-magic, nam-friendzone ka lang naman…” putol niya.

Ano daw??? Excuse me a! “No, hindi sa ganun. Ano ka ba? Di mo naman ako pinapatapos e…”

“Okey…” saka niya ko sinenyasang magpatuloy kung ano man ang sinasabi ko.

Medyo badtrip a? Pinuputol ‘yung eksena ko e! “Ayun nga, hanggang dun lang talaga nararamdaman ko sa kanya. Siyempre, magiging unfair para sa’ken kung sasagutin ko siya dahil lang sa naawa ako or pinanghinayangan’ yung tagal ng panliligaw niya. Tingin niya sa’ken girlfriend, ako naman friend lang. Unfair di ba?”.

Hindi siya nag-react. Tapos na siya kumain. Ako nangangalahati pa lang sa kanin. Bagal ko talaga. Pinaspas ko tuloy pagkain ko. Baka biglang mag-aya umuwi, sayang inorder ko.

“Nasabi mo na ba sa kanya ‘yan?” dinampot nito ang bottled water saka kinalahati ang laman.

“Oo.”

“Tapos?”

“Ayun, hindi daw siya titigil. Manliligaw pa din daw siya. Nagsinungaling na nga ako na may iba na kong manliligaw para lang tumigil siya, pero wa-epek…”

“Ayun, kaya pati ako napagkamalan niyang manliligaw mo. Kaya pala.”

“Kaya nga sorry ‘di ba? Hindi ko naman expect na makikita niya tayo magkasama e. Bigla-bigla din kasi sumusulpot.”

“Galit ka?”

“Hindi po. Sinasabi lang.”

Hindi na siya nagsalita. Napasandal na lang siya sa upuan saka tumingin-tingin sa paligid.

Inaya ko na rin siya umalis pagkatapos kong kumain. Quarter to eight na, hindi ko namalayan ang oras. May dalawang missed call at text pa galing kay Gab. HOW R U? Hindi ko na ni-reply-an.

Saglit na bumili ng yosi si Red malapit sa terminal ng bus pagkalabas namin ng SM saka siya nagsindi. Inalok niya ko ng kendi, na kinuha ko din naman. Medyo naumay ako sa barbecue. O kinulang lang talaga ako sa kanin. Lumayo siya sa’ken ng bahagya saka bumuga.

Matapos ang pangatlong buga, nagsalita na din siya. “Bakit ka pumayag sa gusto nila Mikai?”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.