Fix You (Chapter 17)

Hindi pa rin umiimik si Red. Nakatingin lang siya kay Gab. Natatakot na ko sa nangyayari. Hinihila-hila ko na ang damit ni Gab, gusto ko nang umalis para matigil na ang eksena namin. Gusto ko nang paalisin si Gab, pero alam kong hindi siya aalis hangga’t hindi ako kasama. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Biglang namanhid ang dila ko sa nangyayari. ‘Yung luha ko galing sa sama ng loob kay Thea, napalitan na ng tensyon ngayon. Naluluha ako sa kahihiyan, hindi dahil kay Gab, kundi dahil kay Red. Hindi siya kasali dito. Wala siyang kinalaman sa ’min ni Gab. Hindi siya dapat nadadamay sa kung ano mang meron sa ’min ni Gab.

Halos kabisado ko na ang seryosong facial expression ni Red, but this time, iba. Nakakatakot. Hindi mukhang galit, hindi sobrang seryoso, pero iba ang sinasabi ng mga mata niya. Tingin na hindi natitinag. Tingin na hindi natatakot. Tingin na…hindi ko ma-explain.

Mula pa kanina, hindi nagbabago ang puwesto niya. Walang kahit anong hakbang. Nakatago ang dalawang kamay sa bulsa ng jacket. Hindi siya tumitingin sa ’ken. Puro kay Gab.

“Ano? Ba’t ‘di ka makasagot? Totoo ‘di ba? Eto ‘yung bago mong manliligaw?” malumanay pero tunog sarcastic na sinabi ni Gab. Palipat-lipat ang tingin niya sa ’min ni Red.

“Tumigil ka na kasi. Umalis ka na…” pagmamakaawa ko. ‘Yung braso naman niya ngayon ang hinihila-hila ko. Pinipigilan ko ang anumang step na gagawin niya. Feeling ko kasi, magkakasakitan sila kung lalapit pa siya nang bahagya kay Red.

“Ba’t mo ko pinapaalis? Dahil nahihiya ka? Hindi mo kayang aminin sa kanya na ako ang una mong manliligaw? Ang MATAGAL mo nang manliligaw?”

“Tama na…umalis ka na. ‘Wag kang gumawa ng eksena dito, please lang.”

“Hindi ako gumagawa ng eksena. Gusto ko lang malaman, kung ITONG lalaking ‘to ang sinasabi mong manliligaw mo. ‘Yun lang, hindi mo pa masabi? O baka naman gusto mo ako ang magtanong sa kanya, mas maganda siguro ‘yun…”

Sunod-sunod na ang pagtulo ng luha ko. Lalo akong nakaramdam ng takot. Nakakahiya. Pinagtitinginan na kami ng mga dumaraan. ‘Yung ibang mga katrabaho ko, nadaanan na kami. Iniwasan ko na lang silang tingnan. For sure topic ako sa office kinabukasan.

“Ano bang maling nagawa ko para magpaligaw ka pa sa iba? Oras ba? Effort ba? Sabihin mo lang. Dadagdagan ko pa.”

Nakakahiya. Ang drama-drama ng lalaking ‘to. Ngayon ko na-realize na nangyayari nga sa totoong buhay ‘to.

“Gabriel, please. Umalis na tayo. Sige na. Sa bahay na tayo…”

“No! Dito tayo mag-uusap. Dito natin pag-uusapan kung ano talaga ang nangyayari sa ’yo, at kung ano ang meron sa inyo ng…”

“HOY KUMAG…” Si Red habang nakaturo pa sa mukha ni Gab. “TIGILAN MO ‘YANG DRAMA MO DAHIL UNANG-UNA, HINDI KO SIYA NILILIGAWAN, HINDI SIYA NAGPAPALIGAW SA ’KEN, AT WALANG KAHIT ANO SA ’MIN. PANGALAWA, KUNG MAY PROBLEMA KAYONG DALAWA, KAYONG DALAWA ANG MAG-USAP. PANGATLO, AT UULITIN KONG PU***A KANG KOREANONG WALANG MODO NA PURO DALDAL, HINDI KO SIYA NILILIGAWAN. KAYA TIGIL-TIGILAN MO  KO SA MGA DRAMA MO…” malumanay pero madiin niyang sinabi, sabay alis nang hindi kami nililingon.

Hindi na nakakibo si Gab. Halos pabulong na lang niyang nasabi ang ‘gago’. Pakiramdam ko napahiya siya. Pailing-iling lang siya habang nakatingin sa papalayong si Red. Hinila ko na siya palayo hanggang makarating kami sa kotse niya. Nag-drive siya hanggang makarating kami sa bahay nang hindi nag-uusap.

Hindi pa rin kami nagkikibuan kahit naka-park na kami sa tapat ng bahay. Hindi ko rin magawang bumaba. May ilang minuto na kaming hindi nag-uusap. Walang gustong magsalita, wala rin naman akong sasabihin. Gusto ko nang tapusin kung ano mang meron sa ’min dalawa ni Gab. Kung ano mang tamang term para dun. Ayoko nang ulitin pa ‘yung nakaraang discussion namin. Matanda na siya para maintindihan niya ‘yung point ko. Pero dahil kasalanan ko rin naman somehow, kaya hindi ko siya masisisi.

“Isang beses ko lang itatanong ‘to, hindi ko na uulitin…” malumanay na sabi ni Gab nang hindi tumitingin sa ’kin. Nakapatong sa ulo niya ang dalawang kamay habang pahigang nakasandal sa driver’s seat. “Totoo ba ‘yung sinabi nung lalakeng ‘yun? Na hindi siya ang manliligaw mo?”

Huminga muna ako nang malalim kasunod ang mahabang buntong-hininga bago nagsalita. “Hindi nga…” Inayos ko ang pagkakalapag ng bag at jacket sa hita ko. Kunwaring may ginagawa. Kunwaring okey lang. Gusto ko nang bumaba, humiga at matulog. Kalimutan na lang ang nangyari. Nalipasan na ko ng gutom. Wala na ring gana para kumain pa. Masyado nang madrama ang araw na ‘to, mula kaninang umaga hanggang makauwi. Hindi ko ine-expect na dalawang beses ako iiyak ngayong araw na ‘to. Dahil sa sama ng loob. At kahihiyan.

Pero si Red. Paano na si Red? Ano na kayang iniisip niya ngayon?

Sa ilang buwang pagkakakilala ko sa kanya, ni minsan ay hindi ko pa na-witness kung paano siya magbitaw ng salita gaya nung kanina. Maigsi, malumanay, pero may laman. Meaningful. Akala ko nga magkakasuntukan na sila. Buti na lang, puro salita lang. Buti na lang, nagtitimping Red ang nakita ko. Tama na lang din naman sigurong umalis siya, para nga naman hindi na humaba pa ang usapan. Totoo, hindi naman siya kasali sa away namin ni Gab. Kaya tama lang talagang mag-walkout siya.

“Aminin mo sa ’kin, please. Please lang. Dahilan mo lang ba na may iba kang manliligaw…para tigilan na kita?”

Finally. Somehow na-gets na rin niya ‘yung logic. Baka nga nakabuo na siya ng conclusion mula pa kanina habang nagda-drive. Siguro, tanggap na rin niya kaya hindi na siya naghi-hysterical. But still, natatakot pa rin ako sa magiging reaction niya. “Napag-usapan na natin ‘to. I don’t want to explain myself anymore…”

Sunod-sunod na buntong-hininga ang reaction niya. Nakatingin lang siya sa labas, tanaw ang mga batang naglalaro ng habulan. Patingin-tingin naman ako sa pinto. Baka lumabas sila mama. Usisain pa drama namin. Dito pa mismo sa loob ng kotse. Sabagay, mas nakakahiya nga naman kung sa sala pa kami magsagutan.

Tumigil na ang pag-iyak-iyak ko, pero may mga pasulpot-sulpot pa rin akong singhot. Napunasan ko na lahat ng luha ko, pero ramdam ko pa rin ang sama ng loob mula kanina. Hindi ko alam kung bakit ganun na ang trato ni Thea sa ’kin. Walang kahit ano sa ’min dalawa ni Red, at ginagawa ko lang naman ang napagkasunduan namin. Nangako ako sa kanila, at makakaasa naman silang hindi ako…

In love. Hindi ako mai-in love

Hindi. Hindi talaga.

Hindi ko alam.

Hindi ko talaga alam.

What if…?

No. Nevermind.

Umalis mula sa pagkakasandal si Gab. Ipinatong ang dalawang kamay sa manibela. Hinimas-himas. Masyadong tahimik sa loob ng sasakyan kaya dinig ko ang malalalim nyang paghinga. May pasok pa bukas. Baka may bago na namang drama. Huwag naman sana.

Tingin ko wala na rin naman patutunguhan ‘tong usapan na ‘to. Gusto ko na ring magpahinga.

“Baba na ko…” sabay bukas ng pinto. Narinig kong nagbukas din ng pinto si Gab saka mabilis na lumapit sa ’kin. Tumayo sa harapan ko saka kinuha ang kanang kamay ko.

“Is there another way para lang…you know…ituloy pa rin natin ‘to? Makakapaghintay naman ako kung gusto mo. Hindi na kita kukulitin ulit. I’ll respect your decision. Just give me another chance na i-prove ko ‘yung nararamdaman ko sa ’yo…”

Kalmado na siya. Hindi ko alam, pero hindi ko matagalan ang pagkakahawak niya sa kamay ko kaya dahan-dahan kong inalis. Hinayaan naman niya ko.

Tumingin ako sa mga mata niya, diretso. “Gab, I am really, really sorry. Alam kong matagal na panahon na ang binigay mo sa ’kin, and I appreciate that. For real. But, there are some things that can’t be done. Maybe we’re not meant to be. Hindi ako bagay para sa ’yo. Hindi deserving. Ayokong lokohin ang sarili ko na gusto kita. Na may nararamdaman ako sa ’yo. Yes, nagkagusto ako sa ’yo nun, pero hanggang dun lang e. Hanggang dun lang. Walang love. Hindi ako na-in love or na-fall. Sinubukan ko naman e. Nag-try ako mag-invest, pero hindi. Hindi ko mapilit ang sarili ko, kahit konti. Magiging unfair sa ’yo, or sa ’kin kung ipagpapatuloy pa natin ‘to. It’s been a long time Gab, long time. Siguro it’s about time na ibaling mo na lang sa iba ‘yang nararamdaman mo…”

“Pero ikaw ang gusto ko. I spent a lot of time para lang maramdaman mo kung gano kita kamahal…”

“Yes, I know. Madaming time talaga. Ramdam ko naman e kaya nga nahihiya ako sa’yo. Pero gaya nga ng sinabi ko, hindi ako deserving para diyan. I’m sorry…”

Walang ano-ano, bigla niya kong niyakap. Mahigpit. “Please, princess. Please. I’ll do anything para magustuhan mo ko. One last chance. Just one more last chance…”

Pumiglas ako mula sa pagkakayakap. Tiningnan ko ulit siya sa mata saka ako mabagal humakbang papunta sa pinto. Saglit akong huminto, lumingon. Akala ko pipigilan niya ko pero hindi. Naiwan siyang nakatalikod sa ’kin. Napahawak ako sa pinto, yumuko, bumuntong-hininga.

“Tama na, Gab. Tama na. Umuwi ka na. It’s getting late…” sabay pasok ko sa loob. Walang tao sa baba, patay ang ilaw sa sala, sa bandang kusina lang ang nakabukas. Inilapag ko sa mesa ang mga gamit ko saka naupo. Maya-maya pa, narinig ko nang pinaandar ni Gab ang sasakyan. Bumagsak ulit ang luha ko.

*             *             *

“Miracle…” tawag sa ’kin ni sir Ricky pagkabalik ko galing CR. Kumaway-kaway pa ‘to saka ako lumapit sa station niya.

“Po?”

“Punta ka daw sa office ni Miss Donna ngayon.”

Kinabahan ako bigla. Ano kayang nagawa ko? “Bakit daw, sir?”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!