Fix You (Chapter 16)

“Ano bang magandang iregalo sa kanya?” tanong ni Mikai.

“Ano bang trip niya?” si Thea.

“Malay ko. Kala ko ba ano kayo dati?”

“Sige bakla umpisahan mo ko.”

“Joke lang. Echusera naman ‘to.”

Nagbe-brain storming sila ngayon dito sa 7-11, birthday daw kasi ni Red bukas. Nagtatalo-talo sila kung ano ‘yung pwede nilang iregalo sa kanya. Balita ko meron din konting handaan, surprise daw para sa birthday boy. Sinagot na ni Ms. Donna ‘yung pagkain, bahala na daw kami mag-ambag-ambag kung balak daw namin siyang regaluhan (may budget daw talaga ang team pag may birthday celebration, hindi nga lang kasali ang regalo). At dahil iilan lang naman talaga ang tropa ni Red, apat na lang kami nila Mikai ang nagkasundong mamili ng regalo. Which means apat lang kami mag-aambagan. Tig-200 daw kami. Hindi pa sure kung magbibigay si Sir Ricky. Si Mikai kasi ang kumausap. I-remind na lang daw sa kanya mamaya at marami daw siyang ginagawa.

Mula pa kanina pagpasok, hanggang ngayong lunch e wala silang ibang topic kun’di yung birthday ni Red. Aligaga sila kung ano ang ireregalo. Hindi ko naman magawang mag-suggest, mahirap na. Inaalala ko magiging reaction ni Thea. Baka isipin niya pinangungunahan ko pa sila. Kaya eto, listener lang ang peg ko ngayon.

“T-shirt?” si Mikai.

“Puwede. Anong t-shirt naman?” si Daph.

“Nagtanong ka pa, e puro itim na t-shirt naman sinusuot nun.”

“Sabagay. Nagtanong pa ko e no? Hmm…parang common kasi kung damit. E kung jacket kaya?”

“Puwede rin, mas okey din ‘yun. Para may bago na siyang jacket. Da-dalawa lang ata jacket nun e. Itim?”

“Malamang itim na jacket ‘yun.”

“Try kaya natin mag-yellow? Tapos ikaw maga-abot para bongga. Tingnan natin reaction niya.”

“Yellow ang putsa. Gaga ka pala e, e kung suntukin ako nun?”

“Buti nga suntok lang e. Kesa naman sipain ka. Pili ka friend.”

“Gaga. May kasama pang mura yun.”

“Try mo lang naman. KJ mo din e.”

“Ibahin naman natin. Puro itim e. Malay mo magustuhan din niya blue. Panlalakeng kulay din naman yun.”

“Sige, basta ikaw mag-aabot.”

“Daming arte. ‘Wag na nga. Sige, itim kung itim. Tutal nagluluksa pa naman ata siya hanggang ngayon.”

“Bakla ka ang harsh mo. Di ka na naawa sa tao. Foul ‘yan.”

“Sorry! Ni-relate ko lang naman kasi puro itim e. Pwede naman kasing ibang kulay.”

“Tanong mo diyan sa katabi mo, baka trip nga niya ibang kulay.” Si Thea tinutukoy niya na hindi naman kumibo. Magkatabi kasi si Thea at Daph. Kami naman ni Mikai.

“Ano yan? Sabog ba yan? Deadma talaga? O baka naman may sarili na siyang idea sa gift, hindi lang nagse-share ang tropa?”

“Baka nga. Yaan mo na muna. Baka may pinagdaraanan.”

Hindi na sumagot si Mikai. Tinuloy na lang nila ang pagkain. Ako tapos na, ensaymada at Chuckie lang naman binili ko. Ayoko magkanin, lalo ako aantukin.

Hmm, kung ako tatanungin nila, okey na din ang jacket. Totoong dalawa lang ang jacket ni Red, base na rin sa sinusuot niya araw-araw. Weekly siya kung magpalit, at never pang nag-iba ang jacket niya. Yun at yun pa rin simula nung pumasok ako.

Ang tanong: tatanggapin ba naman ni Red yung regalo?

“Sapatos kaya?” sa wakas nagsalita na rin si Thea.

Kumunot ang noo ni Mikai sabay bitaw sa hawak na kape. “Haller? Saang budget naman natin hahagilapin ang pambili ng sapatos?”

“Oo nga. Tsaka malay ba naman natin sa size ng paa niya.” si Daph.

“Edi patanong mo sa kanya,” sabay turo ni Thea sa’ken. Napatingin naman sila Mikai at Daph sa’ken. Para naman akong na-shock sa sinabi ni Thea. Pilit tuloy ngiti ko.

“Hindi na surprise ‘yun pag tinanong ko siya. For sure magkaka-idea ‘yun.” Sagot ko. Makalusot lang.

“Sabagay…” sagot ni Daph.

Papano ko naman siya i-intro-han ng ‘anong size ng paa mo’? Ano yun, out of nowhere bigla na lang ako maku-curious sa size ng paa niya? Baka batukan pa ko nun.

“Sige, fine. Let’s just say na nalaman nga natin ang size ng paa niya, ang tanong: kaya ba ng budget? Alam mo namang presyong-ginto ang sapatos ng mga lalake.” sabi ni Mikai.

“Sabagay, lalake ka nga pala.” Si Daph sabay apir sa’ken. Nangiti naman si Thea.

“Medyo lang, mga charoterang ‘to. Half diyosa, half Adan ako FYI.”

“Diyosa ng ano?” si Thea.

“Diyosa ng kabaklaan!” tawanan kami. “Bakla, mahal ang sapatos. Mahina ata ang two-kiyaw dun.”

“Anong two-kiyaw?” tanong ko.

“Dalawang libo girl.”

“A okey. Sorry naman.”

“E di ba sabi ni Sir Ricky magbibigay daw siya?” tanong ni Thea.

“Asa ka naman magbibigay yun. And if ever magbigay nga siya, tingin mo ba malaki ibibigay nun?”

“Malay mo naman.”

“Ganda mo ‘te. Ano naman mapapala niya kung malaki ambag niya? Hindi naman chicks yung reregaluhan.”

“Oo na. ‘Wag na sapatos.”

“Ang joray din naman kasi ng pangarap mo ‘te. Talagang sapatos e. Puwede namang tsinelas muna, saka na yung sapatos pag nakuha na natin yung world peace.”

“Daming side comment. Oo na nga e, hindi na nga ipipilit yung sapatos e.”

“Actually…pwede naman, basta sagot mo yung one-five. Kami na bahala sa five hundred.” Si Daph.

“One-five lang pala e.”

“Ay ang yabang ng tropa!” si Mikai na napahampas pa sa mesa. Natawa naman kami ng pagtinginan kami ng mga nasa likod namin.

“Pwede naman sapatos. Ang kaso nga, hindi naman natin alam yung size ng paa ni Red. Ang weird naman kung aalamin pa natin. Unless…alam mo na kung ano size niya.” sabi ni Daph na pangiti-ngiti pa kay Thea habang hinahaplos-haplos nito ang buhok.

“Alam ko na yang banat na yan, tigilan. Ako na naman titirahin n’yo e, sus.” Sabi ni Thea. “Fine, kung ayaw ninyo ng sapatos, e ‘di ‘wag. Tutal si Miracle naman ang close-close-an nun, bakit hindi n’yo siya tanungin kung ano magandang gift para kay Red?”

Yan na. Eto na yung kinatatakutan ko e, yung sa ’kin mapunta yung attention. Tsk tsk tsk, regalo pa lang ‘yan, nagtatalo na sila. Pambihirang life ‘to o, ako na naman ang delicates.

“Well, may point nga naman siya. So, Miss Miracle Santillano, what do you think is the best or nice gift for our friend Jared Magno for his birthday?” tanong ni Mikai sa ’kin na kunwaring may hawak na mic na tinapat sa baba ko.

Simplehan ang sagot, baka may kumunot ang noo at umirap. “Okey naman yung jacket. Magagamit naman niya yun. Para may bago naman siya.”

“See? Jacket is heart-heart,” sabi ni Daph.

“Fine, jacket it is. Okey na ba sayo ‘yun para kay ex?” tanong ni Mikai kay Thea. Nagkatinginan tuloy sila, tapos si Daph na tinakpan pa ang bibig. Pasimpleng natatawa.

“Ikaw gaga ka tinitira mo talaga ako a!” si Thea sabay bato ng tissue kay Mikai na pigil din ang tawa.

“Sorry na! ‘To naman in-denial pa e alam na rin naman ng lahat ‘yan. ‘Chura ne’to.”

“Talagang ipagdidiinan pang ex e no? Hindi ko naman nakakalimutan.” Medyo mataray na si Thea. Nagsisimula nang masira mood niya.

“Bakit? Hindi ka ba proud? E ako nga hanggang pangarap na lang, samantalang ikaw…” putol ni Mikai na pakagat-kagat pa ng labi at pupungay-pungay ang mata.

“Tigilan na. Hindi na nakakatawa. Etong iced tea-ng hawak ko susunod na lilipad sa mukha mo.”

“Grabe siya sa ’kin girl, ‘di ba?” baling ni Mikai sa ’ken habang hinihila-hila pa niya ‘yung braso ko. Pangiti-ngiti lang ako habang pinagmamasdan ang mood ni Thea. Mapipikon na ata.

“Tama na ‘yan. Problemahin nyo na lang yung ireregalo kay Red. Mag-aaway pa kayo, korni.” Putol ni Daph. “Okey na rin ako sa jacket para matapos na yan.”

“Go na rin ako. Jacket is so heart-heart talaga.” si Mikai sabay ngiti kay Thea na naka-peace sign pa.

“Sasampalin kitang bakla ka,” nangi-ngiti na rin si Thea.

“Ikaw? Umoo ka na…” tanong ni Mikai sa’ken na naka-ambang susuntukin pa ko.

“Oo na, takot ko lang.”

“Good. So Miss Althea, is it a deal or no deal?”

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!