Fix You (Chapter 15)

Pumasok ako sa loob na parang walang nangyari. Deadma sa kahihiyan. Nakatingin lang sa ‘kin si Gab na kasalukuyang kinakausap si Denver. Pilit ang ngiti. Sinalubong niya ko ng tanong na ‘ginabi ka yata’. Pilit na ngiti din ang sagot ko. Hindi ako makatingin sa kanya nang diretso. Matapos akong makapag-mano at ayain kumain nila mama’t papa, umakyat ako para magpalit ng damit.

May sampung minuto na kong nakakulong dito sa kuwarto. Hindi ko alam kung pano bababain si Gab. Hindi ko alam isasagot ko. Hindi ko alam kung pano lulusot. Para akong nasusuka sa kahihiyan. Namamawis na kili-kili ko pati palad ko. Kanina ko pa iniisip kung ano ang pwede kong alibi sa kanya.

Pero wala. Blanko ako.

Hindi ko alam kung may nasabi na ba siya kila mama. Pero parang wala naman. Wala din naman silang tanong. Walang imik. Tutok sa lesson plan. Inaantay kong magtanong si papa sa’ken pero busy din siya sa ginagawa niya.

Ganun pa rin ang itsura sa baba pagsilip ko: busy sa lesson plan si mama’t papa, busy sa paglalaro sa tablet si Denver; at pilit pa din ang ngiti ni Gab. Nakabukas ang tv pero walang nanunuod.

Bahala na.

“Ba’t hindi pa kayo kumain ni Gab?” tanong ni mama sa’ken pagkababa ko ng hagdan.

“Maya-maya po.”

Di na umimik si mama. Lumakad ako diretso ng sala saka naupo sa sulok ng sofa. Nilipat-lipat ang tv. Kunwari okey lang ang lahat. Na parang kanina lang e sira-ulo akong iniwan siya sa gitna ng Taft.

Ano ba kasing trip ko at nagpaka-eng-eng naman ako kanina?

Masyado ko na atang kina-career ang mission ko kay Red. Para akong engot na stalker kanina. Sa sobrang engot e pati takoyaki napakain ako. In fairness okey naman ang lasa.

Malapit lang pala sila sa’min dito, pero bakit never ko pa siyang nakita pag gumagala ako malapit sa kanila?

“Late ka na ata nakauwi. OT?” tumabi na sa’ken si Gab. So hindi niya pala ako nilaglag kila mama. Salamat naman.

“Hindi naman. Nahirapan lang sumakay…” sagot ko ng hindi tumitingin sa kanya.

“A okey. Sabagay Friday nga pala ngayon, ma-traffic. Na-stuck nga ako kanina bandang U.N. e.” medyo may diin yung pagkakasabi niya. May pangongonsensiya.

Lumapit pa siya sa’ken bahagya saka bumulong. “Ie-explain mo yung nangyari kanina o isusumbong kita sa papa mo?”

Napangiti ako. Isa pang pilit na ngiti. Hindi ko siya masisisi kung iba-blackmail niya ko. Napaka-gaga ko din kasi.

“Labas tayo.” Yaya ko sabay tayo. Hindi siya sumunod agad. Ilang segundo pa bago siya lumabas. Saglit niyang tiningnan ang pagkaka-park ng sasakyan saka siya lumapit sa pwesto ko.

Maaga pa pero halos wala nang tambay sa labas ng kalsada namin. Unusual para sa araw ng Biyernes. Pag gantong weekend kasi marami-raming tambay at naglalarong bata malapit sa ’min. May mga tambay pang nag-iinuman minsan. Ngayon, parang sinadya dahil sa nakahandang argument namin ni Gab.

Pumwesto kami sa bandang likuran ng kotse niya. Medyo madilim sa pwestong yun. Natatakpan kasi ng puno yung ilaw sa poste. Mas okey ng dito kami magsagutan. Hindi na gaanong iskandaloso eksena namin.

Hindi kumikibo si Gab. Kibit-balikat siyang nakasandal sa likod ng kotse. Hinihintay niya lang akong mag-explain. Hinihintay ko na lang din mag-isa ako.

Nakailang buntong-hininga muna ko bago nakapagsalita. “Sorry…sorry iniwan kita.”

“And then?” malumanay at mahina niyang tanong.

Ayun. Urong-dila na ko. Sinabayan pa ng mental block.

Ano idadahilan ko? Or should I say, magsasabi ba ko ng totoo?

Pano ko naman ie-explain sa kanya na may hinabol akong workmate sa gitna ng traffic dahil lang sa curiosity?

Kita ko sa gilid ng mga mata ko na nakatitig siya sa’ken. Di naman ako makatingin sa kanya. Pinagdiskitahan ko yung mga kuko ko sa paa kahit hindi ko naman talaga gaano maaninag.

“And then what?” tanong niya ulit. Malumanay pa rin ang boses niya.

“I-I’m sorry. Wala naman akong valid reason.”

Walang kibuan. Napakamot ng batok si Gab. Nagpalakad-lakad sa harap ko. Maya-maya bumalik siya sa pwesto niya. Nakapamulsa. Tingala, saka nagsalita. “Are you hiding something on me? Meron ba kong dapat malaman?”

This is it. Pero ayoko ng away. Kung kaya kong lumusot, lulusot ako. Kung kaya ko i-divert ang topic, ida-divert ko. Wag lang lalabas sa bibig ko ang totoo. Lulubusin ko na ang pagsisinungaling. Come what may.

“Wala akong tinatago. Sorry na, please?” sabay hawak sa siko niya. “Ituloy na natin yung celebration mo.”

“What? Ituloy natin? Bakit? After ng ginawa mo sa’ken kanina, gusto mo pang ituloy? Ano to, lokohan? Ni wala ka ngang explanation na maayos, tapos gusto mo pang mag-celebrate?” inis na yung boses niya. Nararamdaman ko na yung tension. Hindi na ko makakibo. Ngayon ko gustong lumitaw sila mama saka ako papasukin sa loob para lang makaiwas. Pero mukhang lulubog ako sa kahihiyan ngayon. Wala akong kakampi. Wala akong lusot. Wala akong escape goat.

Gusto kong umamin — pero ayoko siyang masaktan. Gusto kong magsabi ng totoo — pero nangingibabaw sa’ken na magsinungaling pa rin. Walang magandang explanation ang ginawa ko kanina. Tatangahin niya lang ako. Uulanin ng tanong hanggang sa sumabog siya sa galit. Hanggang ma-realize kong maling-mali ang ginawa ko at napaka-gaga ko talaga.

“You know, since nag-start ka diyan sa work mo, you’re acting weird. There’s something different on you na hindi mo sinasabi sa’ken. Ever since nagkaron ka ng trabaho, nag-iba ka na. Hindi lang ako kumikibo, but that’s actually what I felt. I hate to ask this, but…shit. I know wala akong karapatan itanong ‘to, but tell me, please. Honestly…may iba na bang lalake sa buhay mo? May ka-competition na ba ko?”

Gulat ako sa tanong niya. Out of nowhere may ganun ng conclusion. Tamang hinala? Hindi ko alam. Hindi ko naman siya masisisi. Tama din naman siya, somehow. Nagbago ako, sort of, yes. It’s because empleyado na ko, at hindi na student, right? So obviously, medyo magbabago ang routine at priority ko sa buhay. Guilty ako dahil medyo naging cold sa kanya, I guess. Pero yung may iba ng lalake? Bakit? Saang galing tsismis ang ganung tanong? Buti pa siya alam niya. Ako walang kaalam-alam sa nangyayari sa buhay ko, especially sa love life.

“Okey, first of all, walang ibang lalake. Nagbago ako, siguro. But you have to understand na hindi naman na tayo katulad ng dati na nag-aaral pa. You have your own set of priorities, and ganun din ako. Napag-usapan na natin to bago pa man ako mag-apply-apply di ba? Na no matter what happens, kahit busy na tayo pareho e iintindihin natin ang isa’t isa.”

“Don’t tell me that kind of excuses. Wag mong ilayo ang isyu. I understand your job, pero ang hindi ko ma-gets e all of a sudden e ibang Miracle na ang kausap ko ngayon. Look at you, hindi ka naman ganyan dati mangatwiran? Ano, may training na ba kayo about personality development? Part of maturity? Ang bilis a. Wala pang isang taon, nag-transform ka na?”

“Bakit? Hindi ba ko pwede mag-matured?”

“Sinabi ko ba?”

“Hindi, pero ganyan ang tingin mo sa ’kin. Tumatanda tayo Gab, hindi bumabata. It doesn’t mean na nagbago ako e may iba ng lalake. Anong klaseng pag-iisip yan? Kung may iba na ko, tingin mo ba kakausapin pa kita? At kung meron man, ipapaalam ko sa ’yo agad. Nagtatrabaho ako, that’s it. Wala akong extra curricular na ginagawa. Hindi na ko student. At hindi na rin ako bata. So stop acting as an immature…”

“Immature? Immature? Look who’s talking. LOOK, WHO’S, TALKING. Simple lang ng isyu natin dito, nilalayo mo pa. Ano lang ba gusto ko malaman? Yung ginawa mo kanina. Yung paliwanag mo. Anong sinabi mo? Hahabulin mo yung papa mo na nakita mo pasakay ng LRT. And then what? Guess what? YOU LIED. Now tell me, sinong immature sa’ten?”

Haaay…di talaga ako mananalo dito. Tama naman siya, iniiba ko lang usapan. Alibi after alibis. Nire-reverse psychology ko lang siya, pero useless.

Nagpalakad-lakad ulit siya habang nakapatong ang dalawang kamay niya sa batok. “Kung kanina mo pa ko binigyan ng explanation, hindi na hahaba ang usapan. Pero anong ginawa mo? Tell me, anong ginawa mo? Kung ano-anong dinahilan mo. Nilalayo mo ng nilalayo yung simpleng problema. Tingnan mo kalokohan mo, iniwan mo ko sa gitna ng Taft. Ang reason mo e hinabol mo yung papa mo. Uulitin ko. Hinabol mo yung papa mo. So, anong nangyari? Nauna papa mo. Late ka nakauwi. So pano nangyari yun? Magkaiba kayo ng station na binabaan kaya mas nauna siya sa’yo?”

Mabuti pa atang wag na ko kumibo. Baka sakaling umalis na siya sa sobrang badtrip. Pero kilala ko siya. Hindi siya umaalis ng hindi natatapos ang usapan. Nangyari na sa’min yun, inabot siya ng madaling-araw dahil lang sa simpleng away. Sa sobrang kakulitan e pinilit ko na lang makipag-ayos para lang umuwi na siya. May naligaw lang naman na love quotes sa’ken, nag-exagge na siya. Mula school hanggang bahay nag-aaway kami. And that was the first time na nakita ko kung pano nagalit ang isang Gab. Since nun, maaga ko ng tinatapos ang away. Konting sorry at lambing, okey na sa kanya. Pero ngayon, mukhang hindi na. Nagawa kong mag-sorry, pero hindi ko magawang lambingin siya. Hindi ko rin alam kung bakit. Ayaw ko lang, o ayaw ko talaga. Walang urge para maglambing. Part of maturity? Hindi ko alam. Baka.  O wala lang talaga ako sa mood lambingin siya.

Hindi ko sana gagawin to, pero may naisip ako ng idea na hindi ko na sana naisip. Tutal, wala akong ibang chance para i-open up sa kanya yung tungkol sa’min dalawa, baka siguro eto na yung tamang time para dun. Bahala na.

“Okey, I lied. Hindi talaga si papa yung hinabol ko…” ready na ko para sa word war 1.

Bumuntong-hininga siya. Yumuko. Umiling-iling. Nagpalakad-lakad ulit. Hindi ko alam kung bumubwelo lang siya sa galit niya o kinakalma niya sarili niya. Or both. Parang.

“Wag mo na patagalin. Sabihin mo na yung totoo. Tama man o mali hinala ko, bahala na. Just tell me the truth…”

“Fine. Di na rin naman ako makakapagsinungaling. Well, to be honest…si Red ang nakita ko paakyat ng hagdan. Workmate ko. Hinabol ko kasi…”

“Sino si Red?” putol niya. Napatigil siya sa paglalakad. Lumapit bahagya sa’ken.

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.