Fix You (Chapter 14)

Tinawagan ako ni Gab kaninang hapon after ng break. Susunduin niya daw ako pagka-out. Tinanong ko kung bakit, basta lang ang sinagot.

Matagal-tagal na rin nung huli kaming nagkita. Since nung araw na nagpaalam siyang bibiyahe kasama ng parents niya, bago pa ‘yung birthday niya, hindi na kami nagkita. May mga time na tine-text niya ko pero hanggang dun lang. Sanay na rin naman ako sa ganun. Busy siya sa business nila kaya hindi ko rin siya gaano kinakamusta. Well, mostly siya naman talaga ang nagi-initiate mag-reach out sa’ken. Hindi ko na matandaan kung kelan ako ang unang nag-text sa kanya para kamustahin siya.

Halos araw-araw kasi pagkagising may ‘good morning’ text na siya. So parang nasanay na lang ako na ganun. Kaso minsan nagtampo siya. Napapansin daw niya na hindi ko man lang daw siya kinakamusta lalo pa nung nag-start na ko dito sa office. Sinabi ko na lang busy at marami lang talagang ginagawa. Naintindihan naman niya.

May guilt feeling, siyempre. Hindi naman talaga kami laging busy dito. Ewan, hindi ko lang magawang i-text siya. Parang wala nga lang sa’ken nung umalis siya papuntang Singapore. Hindi ko siya na-miss. Hindi ko rin hinanap presence niya.

Absent si Red. Sabi ni Sir Ricky, may sakit daw. Migraine. Kantiyaw naman ng iba, ‘sahod-leave’. Nataon kasing sahod ngayon, Friday pa. Style na daw dati ni Red yun, pero wala daw nagrereklamo. Bibihira naman daw kasi um-absent at mag-leave. Pumapasok pa kahit may sakit. Kanina nga kinuwento ni Daph na pumasok daw yun ng bumabagyo at may trangkaso. Reason niya, tinatamad daw siya sa kanila at kaya naman daw niya pumasok. Problema lang, dito lumala sakit niya sa lamig. Ending, halfday siya sa clinic. Hindi rin pinauwi dahil sa sama ng panahon. Buti na lang dumating yung girlfriend niya, sinundo siya. Hinatid hanggang makauwi.

Awkward na kami ni Thea. Hanggang ngayon hindi niya ko pinapansin. Ayoko naman palakihin ang isyu kaya kinikibo ko siya. Ako nga nag-aaya sa kanya pag breaktime. Sumasagot naman siya, pero madalas tango o ‘sige’ lang ang sagot. Hindi pa tumitingin sa’ken. Kanina nga nung nag-lunchout kami, tahimik lang siya. Dahilan niya kila Mikai, meron daw siya. Hindi na lang pinansin. Nag-aya pa gumala sila Mikai kanina, movie trip daw pagka-out. May lakad daw si Thea kaya hindi na p-in-ush. Okey lang din naman na hindi natuloy. Magkikita naman kami ni Gab. Baka magtampo na lalo, mahirap na.

Nauna akong bumaba kila Mikai pagka-out. May tatapusin pa daw sila. Nasa baba na din kasi si Gab, tinext ako kani-kanina kaya sakto ako nag-out. Pagkababa, nasa labas na ng entrance si Gab, nakaporma. Bagong tabas din ang buhok. Sinalubong ako ng halik sa noo at yakap. Nailang pa ko, baka kasi may makakita sa’min ng mga katrabaho ko, ma-issue pa.

“Kanina ka pa?” lumakad na kami papunta sa kotse. Sa tapat lang pala ng office siya nag-park.

“Hindi naman. Nagpaikot-ikot lang muna ako saglit. Bawal pala mag-park dito. Pinakiusapan ko lang yung guard, sabi ko may susunduin lang.” halos magkasabay kaming pumasok sa loob. “Kumain ka na ba?”

“Oo, kaninang breaktime.” kahit nag-biscuit at kape lang ako.

“Anong kinain mo?” tinuro nito yung seat belt ko, sinuot ko din naman agad.

“Tinapay…” nagagalit kasi siya pag sinasabi kong biscuit lang kinakain ko. Kesyo pinababayaan ko daw ang sarili ko or masyado daw akong nagtitipid sa pagkain.

“Busog ka na nun?” pinaandar na nito ang makina. Saglit pa, umabante na rin kami.

“Madami naman akong nakain kaninang lunch. Nag-lunchout kasi kami ng mga katrabaho ko.”

“A, I see. Kaya naman pala.” Di na ko kumibo. Babanggitin ko sanang sahod namin ngayon kaya kami nag-lunchout, ang kaso baka kung saan-saan pa mapunta yung topic.

Stranded kami sa Ayala. Ano pa nga bang bago dun, rush hour. Gantong oras nga nakatayo pa ko sa sakayan. Punuan na kasi sa bus pag ganitong oras. Swerte na kung makaupo pa. Kesa gabihin ako sa pag-uwi e nakikipag-unahan na lang ako sa mga pasahero.

“Gusto ko ng tempura. Kahapon pa ko nagke-crave dun. Since Friday night at wala ka namang pasok tomorrow e naisip kong yayain ka na mag-dinner. Ang tanong e nagugutom ka ba?” tanong niya pagkausad namin. Usad-pagong kami.

“Medyo nagugutom naman. Sasabayan naman kita kumain wag ka mag-alala. Dinner time na din. Sa haba ng traffic e for sure magugutom tayo sa stress.”

“Sabagay. Dun na lang malapit sa inyo tayo kumain para pagkatapos e makauwi ka din agad. Or may iba kang gustong kainan. Okey lang naman sa’ken.”

“Dun na lang tayo sa sinasabi mo. Para matapos na rin yang pagke-crave mo. Ako na lang bahala sa order ko.”

“Sure ka a?”

“Opo…”

Binuksan niya ang radyo. Lipat-lipat ng station. Nang walang mapiling maganda, kinonek niya yung cellphone niya saka nagpatugtog. Hindi ako familiar sa kanta. RNB yung kanta.

“So how’s your day?”

“Wala namang bago. Ganun pa din. Loaded sa work.”

“Muka nga. Hindi mo na nga ako kinakamusta e”

“Sorry naman. Bawal din kasi phone sa floor kaya hindi ko rin agad nababasa text mo. Kanina saktong nasa locker ako nung tumawag ka.” Kahit nasa bulsa ko naman talaga lagi phone ko. Guilty ulit.

“Ano pa nga ba magagawa ko kun’di intindihin ka? Kun’di lang kita mahal…” sabay putol niya. Alam ko naman na yung kasunod. Kabisado ko na yung linyang yun. At paulit-ulit lang din reaction ko: no comment. Buti na nga lang talaga at hindi naman siya nagtatampo pag hindi ako nagre-react sa ganun. Para hindi naman totally masaktan at masabing dinededma ko drama niya, ngini-ngitian ko na lang.

May halos kalahating oras din bago kami nakarating ng Buendia. Ganun ulit, ipit ulit sa traffic. Nagkatotoo na yung sinabi ko, nagutom na nga ako. Payday Friday. Nakaka-stress. Buti na lang talaga walang pasok bukas, hay.

Habang naiipit kami sa Osmena Highway e kinukuwento niya yung naging activities niya sa Singapore. As usual, puro tungkol sa negosyo pa rin nila. Even yung birthday niya hindi na niya na-celebrate sa dami ng client na kinausap nila. Nag-extend pa sila ng ilang araw para lang sa closure ng deal ng isang client. Nauna na siya umuwi sa parents niya dahil na rin sa art class niya.

“Hindi tuloy tayo nakapag-celebrate nung birthday ko. Baka nagtatampo na princess ko, di lang nagsasabi.” Nasa Quirino na kami. Traffic din.

“Hindi, okey lang. Importante din naman yung lakad niyo. Baka magalit na naman sila tita sa’yo.”

“Bakit? Hindi ba importante birthday ko?” may tampo effect pa yung boses.

“Hindi naman sa ganun. Kaya lang…”

“Kaya lang busy ka naman sa work mo, tapos wala ako sa Pinas at busy rin ako kaya hindi na ganon ka-importante sa’yo birthday ko, ganun ba?”

“Hindi ganun, ano ka ba? E kung gusto mo ngayon natin i-celebrate. Wag ka lang magtampo.”

“Huu…wala. Nagtampo na ko.”

“Ikaw naman. Eto na nga o, kasama mo na nga ako mag-dinner o. Ayaw mo pa?”

“Niyaya kasi kita. Hindi ka rin naman nagkusa ayain ako e.”

“Alam mo namang hindi kita gaanong iniistorbo sa dami ng ginagawa mo. Ikaw na rin nagsabi halos wala ka ng time sa sarili mo.”

Napabuntong-hininga siya. “Yeah right, whatever. Talo na naman ako di ba? Kahit magtampo ako dito, still talo pa rin ako sa’yo.”

“Tama na kasi okey? Gutom lang yan. Mamaya pag kaharap mo na yung tempura magiging okey ka na. Kalma na okey?”

“Oo na. Bwisit kasi ‘tong traffic na ‘to e. Gutom na yung princess ko e…”

“Init na naman ulo mo. Yaan mo na, kaya ko pa naman.”

“Sure ka a?”

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.